Karapatang Pantao

Militar pinapanagot sa masaker sa pamilya ng katutubong kontra sa mina


Masaker, hindi engkuwentro. Ito ang iginigiit ng iba’t ibang grupo kasama na ang simbahang Katoliko sa naganap na insidente sa Tampakan South Cotabato noong Oktubre 18. Napaslang noon si Juvy Capion at mga anak niyang sina John, 8, at Jorge, 13. Si Juvy ay asawa ni Daguil Capion na isang lider-katutubo ng tribong B’laan, at […]

Juvy Capion (Kontribusyon)
Juvy Capion (Kontribusyon)
Juvy Capion (Kontribusyon)

Masaker, hindi engkuwentro.

Ito ang iginigiit ng iba’t ibang grupo kasama na ang simbahang Katoliko sa naganap na insidente sa Tampakan South Cotabato noong Oktubre 18. Napaslang noon si Juvy Capion at mga anak niyang sina John, 8, at Jorge, 13.

Si Juvy ay asawa ni Daguil Capion na isang lider-katutubo ng tribong B’laan, at aktibong kumokontra sa operasyong open-pit mining ng Xstrata-Sagittarius Mines Inc (SMI). Sugatan sa atake ang 5-anyos na si Vicky Capion, bunsong anak ng mag-asawang Capion.

“Ang pagpatay sa asawa at dalawang anak ng isang lider-katutubo na kumokontra sa pagmimina sa Tampakan, South Cotabato ay sinadya at di-resulta ng isang engkuwentro tulad ng sinasabi ng mga militar,” ani Dulphing Ogan, pangkalahatang kalihim ng Kusog sa Katawhang Lumad sa Mindanao (Kalumaran), isang alyansa ng mga katutubo sa Mindanao.

Sa fact-finding mission ng iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Social Action Center ng Diocese ng Marbel at Karapatan, napag-alaman sa mga kapitbahay ng mga biktima na dumating ang mga elemento ng 27th Infantry Batallion ng Army sa Sityo Datal-Alyong, Barangay Danlag, Tampakan bandang alas-sais ng umaga noong Oktubre 18. Agad umanong pinaputukan ng mga militar ang bahay ng mga biktima na agarang ikinamatay nina Juvy, John at Jorge.

Ayon sa grupo, si Daguil ang sadya ng mga militar na nagawang makatakas ngunit sugatan.

“Si Daguil ang sadya nila dahil sa pagtutol niya sa open-pit mining ng SMI,” ani Ogan.

Dagdag pa ng grupo, kinaladkad pa ang mga bangkay ng biktima at pinagbawalan ang ibang kamag-anak na makuha ang mga ito at ginamit ang mga bangkay para puwersahing sumuko si Daguil. “Napag-alaman ng mga kasama sa fact-finding mission na nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang mga biktima,” sabi pa ni Ogan.

Pangayaw, hindi panunulisan

Sa naunang mga ulat sa midya, sinabi ng militar na isang tulisan si Capion, na target ang kompanyang SMI, gayundin na ang grupo umano ng mga katutubong B’laan ang naunang magpaputok nang dumating ang mga militar sa lugar noong Oktubre 18.

Ngunit sa hiwalay na pahayag ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayang ng Pilipinas (KAMP), inilunsad ng tribong B’laan ang pangayaw bilang proteksiyon sa kanilang lupaing ninuno laban sa pagpasok ng dayuhang kompanya. “Nagdeklara ng pangayaw o tribal war ang mga B’laan noong Hunyo laban sa SMI,” sabi ni Piya Macliing Malayao, tagapagsalita ng KAMP. Paliwanag ng grupo, nakaugat sa kultura ng mga katutubo ang pagdepensa sa kanilang buhay at mga lupaing ninuno laban sa panghihimasok.

“Ipinagtatanggol namin ang aming lupain laban sa pandarambong at pagpatay sa mga kapwa namin katutubo. Malaking banta ang SMI sa buhay at kaligtasan ng mga B’laan,” ani Malayao, na isa rin katutubo. Aniya, makatarungan ang paglulunsad ng pangayaw ng tribung B’laan.

Bagamat inamin ng grupo na ang mga katutubo ang responsable sa pag-atake sa kompanyang SMI, bahagi umano ito ng kanilang pangayaw. Hindi rin daw makatarungan ang walang-awang pagpatay sa mag-iina.

“Umaaktong seguridad sa interes ng dayuhang mga kompanya ang militar,” sabi pa ni Malayao. Tinataya rin ng grupo na aabot sa 30,000 B’laan ang mapapaalis sa kanilang lupaing ninuno ng proyektong SMI sa Tampakan.

Idinagdag pa ni Malayao na ang komunidad ng mga katutubong B’laan ay matagal ng tumututol sa malawakang pagmimina at laging nabibiktima ng paglabag sa karapatang pantao. Kasama din ang tribu sa nagsampa ng kaso sa Korte Suprema noon (La Bugal vs. Mining Act). Pero natalo sa pasya ng hukuman na constitutional ang Mining Act noong 2004.

Si Dagil ay pamangkin ni Gorelmin Malid na isa ring lider ng B’laan na pinatay noong 2002,” dagdag pa ni Malayao. Ayon pa sa grupo, panahon pa ng Western Mining Corporation noong dekada ’90, aktibo nang tumututol ang tribung kinabibilangan ng mga biktima. Napilitan din ang Western Mining na itigil at abandonahin ang kanilang operasyon dahil sa inilunsad na pangayaw ng tribung B’laan.

“Ang pagpatay kay Capion ay karagdagan sa mahabang listahan ng mga martir na B’laan na tumutol sa malalaking pagmimina sa South Cotabato, Sultan Kudarat, at Davao del Sur mula pa noong dekada ’90,” pahayag ni Ogan.

Independiyenteng imbestigasyon

Nagawang pinatahan ng kanilang pagtingin sa AFP ang pader sa harap ng Kampo Aguinaldo kung saan nagpiket ang mga grupong pangkarapatang pantao, taong simbahan at maka-kalikasan para kondenahin ang masaker sa Tampakan. (Kontribusyon)
Nagawang pinatahan ng kanilang pagtingin sa AFP ang pader sa harap ng Kampo Aguinaldo kung saan nagpiket ang mga grupong pangkarapatang pantao, taong simbahan at maka-kalikasan para kondenahin ang masaker sa Tampakan. (Kontribusyon)

Panawagan ng iba’t ibang grupo na magkaroon ng independiyenteng imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng mag-iinang Capion.

Hiniling din nilang kagyat na alisin ang tropa ng 27th IB sa lugar. “Nananawagan kami na alisin ang 27th IB at iba pang paramilitar na mga grupo sa mga komunidad ng mga katutubong Lumad. Nagsisilbi ang mga itong guwardiya ng kompanyang SMI, at tinatakot, hinaharas at ginigipit nila ang mga Lumad na tumututol sa operasyon ng SMI,” ani Crsitina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Kahit ang simbahang Katoliko ay nagpahiwatig ng pagkabahala sa naganap na pamamaslang at nagsabing dumarami ang bilang ng mga katutubo na biktima ng pagpaslang.

“Nais naming maimbestigahan ang mga salarin at mabigyan ng hustisya ang pamilyang Capion, kasama na ang lahat ng katutubong Lumad sa Mindanao na ngayon ay natatakot para sa kanilang kaligtasan dahil sa paninindigan nila laban sa pagmimina,” pahayag ni Tony Abuso, tagapagsalita ng Episcopal Commission on Indigenous Peoples ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP-ECIP).

I am saddened and outraged with this killings. I call on the national government to use all its resources and exhaust all possible means to bring justice to my B’laan indigenous brothers and sisters,” pahayag naman ni Rep. Teddy Brawner Baguilat ng Ifugao at tagapangulo ng House Committee on National Cultural Communities. Nagpanawagan din si Baguilat sa Department of Justice at Philippine National Police na agarang tapusin ang imbestigasyon at arestuhin ang mga salarin.

Ngunit para sa grupong Hustisya, “Kailangang ng kagyat, hiwalay at masusing imbestigasyon dahil marami na sa mga kaso ng pagpaslang at masaker ang pinagtatakpan ng militar sa pagsasabing ito ay engkuwentro o crossfire,” pahayag ni Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya.

Samantala, sa pinakahuling-ulat, ipinatawag na raw ng 10th Infantry Division ng Army si Col. Alexis Noel Bravo ng 27th IB, kasama ang ilan niyang tauhan para tanungin hinggil sa nasabing pamamaslang. Sinabi pa ng tagapagsalita ng 10th ID sa midya, na tanging ang company commander na si Lt. Dante Jimenez ang inalis sa puwesto kasama ang 11 nitong tauhan.

Sa datos ng KAMP, ang pagpatay sa mag-iinang Capion ang ika-28 kaso ng pamamaslang sa hanay ng mga katutubo sa ilalim ni Pangulong Aquino. Noong Oktubre 13, pinaslang ang katutubong si Gilbert Paborada sa Misamis Oriental, aktibo naman ito sa pagtutol sa palm oil plantation.

“Ang mga pagpatay na ito ay may hangaring pahinain ang pagdepensa sa lupang ninuno ng mga katutubo. Ang sistematikong panunupil at paglabag sa aming mga karapatan, ang magpapaigting sa pagtutol laban sa pandarambong at panunupil sa amin,” pagtatapos ni Malayao.