Pinoy Weekly

Pinabayaang mga biktima ng bagyo

Paaralan na nawasak sa Lingig, Surigao del Sur (Dr. Romeo Quijano)

Pagkatapos ng isang panayam kaugnay sa proyektong tulong pangkabuhayan sa mga magsasaka sa Surigao del Sur, sumama na ako sa pangkat ng CBHP (Community Based Health Program) na nagbalik-dalaw sa ilang lugar na sinalanta ng bagyong Pablo sa Surigao del Sur at Davao Oriental. Umalis kami sa Tandag ng ala-una ng madaling araw at narating namin ang unang baryo na sinisilbihan ng CBHP nang bandang alas-8 ng umaga. Bagama’t nakita ko na sa telebisyon ang mga imahen ng pinsalang dulot ng bagyo, matindi pa rin ang aking gulat-hinagpis nang mapaloob ako mismo sa tunay na eksena ng mga wasak na kabahayan at mga pananim.

Mabilis na sumagitsit sa aking isipan ang mga nakakapangilabot na larawan ng Hiroshima, Vietnam, at Iraq matapos ang pambobomba ng Amerika. Sa sandaling iyon, lubusan kong naramdaman ang malubhang pinsala ng bagyong Pablo, hindi lamang sa mga tirahan, kabuhayan, kapaligiran, at kalusugan ng mga tao kundi pati na rin ang malubhang epekto ng pagbabago sa klima, kasakiman ng malalaking negosyo (pagmimina, plantasyon ng saging, atbp) at ng kapabayaan ng gobyerno. Sa nagngangalit kong kalooban, hindi ko na alintana ang pamamanhid ng aking mga paa sa mahigit tatlong oras na pagkasalpak sa likod ng motorsiklong kung tawagin ay “habal-habal.” Apat kaming sakay nito at nakaipit ako sa likuran ng drayber.

Marami sa mga biktima ang malayo sa sentro ng barangay at kabayanan at hindi naaabutan ng tulong ng gobyerno, media at mga karaniwang organisasyong sibiko. Ang mga lugar na ito ang pangunahing binibigyang pansin ng CBHP at ng mga kaalyado nitong mga samahan, kabilang na ang kilusang magbubukid sa rehiyon. Pinuntahan na rin namin ang isa sa mga pinakamatinding apektado ng bagyo sa Davao Oriental, ang bayan ng Cateel, na katabi ng mga apektadong lugar sa Surigao del Sur. Grabe talaga ang pinsala, parang binagsakan ng bomba atomika talaga! Wasak na wasak ang halos lahat ang mga istruktura at mga halaman, lalo na ang mga niyog. Ang bayan ng Cateel ang madalas naipapakita sa telebisyon at marami ang mga ahensya ng gobyerno at mga organisasyong sibiko ang pumupunta na rito, bagama’t hindi pa rin sapat ang mga tulong na umaabot sa mga mamamayan dahil sa labis na pinsala at sa kakulangan ng maayos na sistema ng pamamahagi ng tulong galing sa iba’t ibang grupo.

Bandang alas singko ng hapon, humiwalay na ako sa pangkat CBHP ng Tandag at sumakay na ako ng bus patungong Davao City upang sumama naman sa medical mission ng BALSA Mindanao, ang multisektoral na organisasyong binuo ng mga progresibong grupo para tumulong sa taong-bayan sa mga ganitong uri ng kalamidad. Sa dinaanan ng aking sinakyang bus, marami pa rin akong nakitang mga nasirang kabahayan na tila hindi nadadatnan ng tulong.

Dumating ako sa looban ng UCCP (United Church of Christ), ang sentro ng BALSA Mindanao sa Davao, lampas hatinggabi na. Bumiyahe ang aming pangkat alas kwatro ng umaga kaya halos wala rin akong tulog nang gabing iyon. Dumating kami sa Laak, Compostela Valley bandang alas-10 ng umaga. Matindi rin ang epekto ng bagyo roon at napakahirap puntahan dahil sira-sira ang mga daan at tumawid pa kami ng ilog na halos hanggang dibdib ang lalim. Mabuti na lang at malaking dump truck ang sinakyan namin. Kumain muna kami ng almusal-tanghalian bago nag-umpisa ng medical clinic at namigay ng pagkain at gamit pantawid kalamidad. Dalawa lang kaming doktor, kasama ko si Dr. Lynn Redoble, dati kong estudyante na nag-full-time sa CBHP-Southern Mindanao. Karamihan sa may sakit ay mga bata; ubo’t sipon, trangkaso, brongkitis, sakit sa balat, sugat, atbp. May dalawang pasyente na kailangan i-refer sa ospital kaya problema kung paano madadala sa ospital (hihingi ng tulong sa lokal na pamahalaan at sa iba pa dahil hindi kaya ng BALSA Mindanao na tustusan ang gastusin). Mahigit 200 ang naging pasyente namin.

Nagsara sa pagtanggap ng pasyente pagsapit ng alas-5 ng hapon dahil baka raw hindi kami makatawid sa ilog pabalik sa Davao. Medyo mabigat ang aking damdamin nang magsara dahil mayroon pang ilang katao na galing pa sa malayo na humahabol pa sanang magpakonsulta. Ganunpaman, kinailangan na namin ang umalis, hindi kami maaaring magtagal pa sa lugar ayon sa mga nag-organisa. Nakarating kami sa UCCP Davao halos hatinggabi na rin. Sa tindi ng pagod at puyat, hindi ko na nakuhang maligo, diretso na ako sa higaan. Subali’t hindi rin ako nakatulog nang maayos dahil tumindi ang ubo ko (na nag-umpisa na sa Surigao pa lamang) at dahil na rin sa nag-aalimpuyong damdamin at kaisipan sa mga pangyayaring aking namasdan at naranasan. Tumitilaok na halos ang manok nang ako’y maidlip, matapos akong uminom ng lagundi at sinta. Nagpahinga na lamang ako hanggang tumungo ako sa airport ng Davao pauwing Maynila.

Para sa mga donasyon o tulong, makipag-ugnayan sa:

BALSA Mindanao

UCCP Haran House
Fr. Selga St., Madapo Hills, Davao City
Contact Person:
Susan S. Claro, R.N.
Executive Director, Mindanao Christian Services Foundation
Tel. No. 221-6920

INPEACE Mindanao, Inc.
Banco de Oro
SM City Davao Branch, Davao City
Account number: 860165361
Swift Code BNORPHMM

Si Dr. Romeo Quijano ay isang toxicologist at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas- College of Medicine. Dati siyang tagapangulo ng Health Action for Democracy at kasalukuyang tagapangulo ng Pesticide Action Network Philippines.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22233

Dr. Romeo Quijano Posted by on Dec 29 2012. Filed under Features, Multimedia. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Features, Multimedia (305 of 1090 articles)