Pagsira ng barkong pandigma ng US sa bahagi ng Tubbataha Reef, kinondena ng kabataan

January 21, 2013

Rali ng kabataan sa harap ng embahada ng US, matapos ang balitang sumalpok ang isang barkong pandigma ng US sa Tubbataha Reef. (Pher Pasion)

Rali ng kabataan sa harap ng embahada ng US, matapos ang balitang sumalpok ang isang barkong pandigma ng US sa Tubbataha Reef. (Pher Pasion)

“Kung hindi kayang ipagtanggol ng administrasyong Aquino ang soberanya ng Pilipinas, tayong mga mamamayan ang siyang titindig at magtatanggol para dito!”

Ito ang nangangalit na sigaw ni Einstein Recedes, tagapagsalita ng Kabataan Party-list, nang sugurin nila ang embahada ng US kamakailan.

Kinokondena ng Kabataan ang pagkasira ng bahagi ng Tubbataha Reef matapos mabangga ng USS Guardian. Binatikos din nila ang administrasyong Aquino na wala pa rin umanong ginagawang hakbang para ipagtanggol ang soberanya ng bansa sa harap ng pagyurak dito ng USS Navy.

“Sarili nating teritoryo hindi tayo pinayagang makalapit. Sagad-sagarin itong paglapastangan ng Amerika sa sarili nating soberanya. At ang tugon pa ng administrasyong ito sa mga Amerikano :‘Paano namin kayo matutulungan?’ Malinaw ang pagkakatuta ng gobyernong ito sa Amerika,” ayon kay Recedes.

Hinarang ng mga pulis ang kabataan bago makalapit sila sa embahada ng US.

Kinilala ang Tubbataha Reef bilang World Heritage Site ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o Unesco noong 1992 at isa sa pinakamayamang lugar ng buhay sa karagatan (marine life). Ipinagbabawal ang pangingisda at pagkuha ng mga koral o ano mang buhay upang protekisyunan ang lugar na ito sa karagatan ng Pilipinas.

Sa pagbunggo ng US Navy minesweeper na USS Guardian sa Tubbataha Reef, tinatayang 10 metro ng koral ang nasira. Hindi umano pinayagan ng US Navy na makalapit ang mga lokal na opisyal sa pinangyarihan upang siyasatin ang naganap na insidente.

Nabalitaan din ang pagkasa ng baril ng mga sundalong Amerikano na nasa USS Guardian nang subukan ng mga kawani ng Coast Guard na makalapit sa USS Guardian.

“Hindi katanggap-tanggap kung magbabayad lamang ang gobyerno ng US ng P12,000 kada metro sa nasira nila. Hindi dapat sila naroon. Hindi tayo nakikipagdigmaan sa ibang bansa. Hindi natin kailangan ang mga kagamitang pandigma na iyan,” ayon kay Jonathan Caina, tagapagsalita ng College Editors Guild of the Philippine, batay sa Tubbataha Reefs National Park Act of 2009.

Para sa CEGP, nararapat na tuluyang ibasura ang RP-US Visiting Forces Agreement na nagiging dahilan ng pagdagsa ng mga tropang Amerikano at kagamitang pandigma ng Amerika sa Pilipinas.

Kinondena naman ng League of Filipino Students, militanteng organisasyon ng kabataan, ang patuloy na pagdagsa ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas na nagdudulot ng paglabag hindi lamang sa soberanya ng bansa kundi maging sa karapatan at kabuhayan ng mga mamamayan.

Walang bansang may repesto sa kanyang sarili ang hahayaang insultuhin ang soberanya nito at yurakan sa malayang paggalaw ng militar ng ibang bansa sa teritoryo ng kanyang bansa. Walang may respetong bansa ang hahayaan lamang ang pagkasira ng likas na yaman nito dulot ng dayuhang militar, ayon sa Kilusang Mayo Uno na nakiisa rin sa protesta ng kabataan.

Wala umanong tinindigan ang administrasyong Aquino sa lahat ng naturang mga insidente ng pagpasok ng mga kagamitang pandigma na nagdulot ng pinsala sa bansa tulad ng pagtapon ng nakalalasong kemikal sa Subic Bay, ang pagbagsak ng isang US drone sa Masbate at nitong huli ang pagkasira ng Tubbataha Reef, ayon kay Miguel Cruz, deputy secretary-general ng LFS.

Nakaamba namang magpasa ng resolusyon si Kabataan Rep. Raymond Palatino sa Kamara upang imbestigahan ang nasabing insidente.

Ipasa pagkabasa!
Share on Facebook26Tweet about this on Twitter4Share on TumblrEmail this to someoneShare on Google+0Print this page