Pamalakaya, binatikos ang bagong PH-US task force
Ayon sa Pamalakaya, hindi ito para sa soberanya ng bansa kundi “muling pagpapatibay sa dominasyon ng Estados Unidos sa Pilipinas, na nakabalatkayong ‘kooperasyon’ sa gitna ng panlabas na banta.”
Mariing binatikos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang bagong tatag na Task Force Philippines, kasunduan ng Pilipinas at United States (US) na layong pigilan umano ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa grupo, hindi ito para sa soberanya ng bansa kundi “muling pagpapatibay sa dominasyon ng Estados Unidos sa Pilipinas, na nakabalatkayong ‘kooperasyon’ sa gitna ng panlabas na banta.”
“Parang hindi pa sapat ang mga umiiral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US. Gusto pang tiyakin ng Washington ang sarili nitong interes sa ating bansa sa pamamagitan ng patuloy na pagdami ng tropa, base at ehersisyong militar,” ani Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.
Dagdag pa niya, “Magbubukas ito sa mas matinding interbensiyong militar ng US, kasabay ng mga pinagsamang naval patrol na lalo lamang magpapataas ng tensiyon sa West Philippine Sea.”
Nanawagan din ang Pamalakaya na wakasan ang mga ‘di pantay na kasunduang militar gaya ng Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement at Mutual Defense Treaty.
“Hindi dapat nakasalalay sa mga dayuhang kapangyarihan ang ating pambansang kasarinlan,” ani Hicap.