Magsasaka

Agrikulturang hindi makabangon sa sunod-sunod na kalamidad


Humigit-kumulang 27,500 magsasaka ang naapektuhan ng mga bagyo sa Cagayan Valley, Gitnang Luzon, Bikol, Kanluran at Silangang Visayas.

Hindi pa tuluyang nakababangon ang sektor ng agrikultura sa mga nakaraang sakuna gaya ng tagtuyot, bagyo at oil spill, hinagupit na naman ang bansa ng bagong delubyo. Nasalanta ng Bagyong Enteng na pinalakas pa ng hanging Habagat ang mga lugar sa Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Negros Occidental, Northern Samar at Bulacan.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), nagbuhos ang bagyo ng dalawang linggo hanggang isang buwang dami ng pag-ulan sa mga apektadong lugar. Umapaw ang ilog sa mga mabababang lugar na nakaapekto sa mga sakahan at komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa Bikol pa lang, umabot ng anim hanggang pitong talampakan ang baha. Tinataya ng pamahalaang lokal na nasa mahigit 2,000 pamilya ang naapektuhan sa lalawigan.

Umabot na sa P659.01 milyon ang nawala sa produksiyon, ayon sa ulat ng Department of Agriculture (DA). Katumbas ito ng 28,788 metric tons (MT) ng volume loss sa 22,309 ektarya ng mga lupang agrikultural.

Pangunahing nakaapekto ang pinsala sa produksiyon ng bigas. Palay ang nagtamo ng pinakamalaking pinsala na may halagang nawala na aabot sa P624.06 milyon, katumbas ng 26,736 MT ng mga nasirang pananim. Sunod sa bilang ang mais at iba pang high-value na pananim na may pinsala na aabot sa P22.75 milyon at P10.41 milyon.

Napinsala rin ang mga pananim na kamoteng kahoy sa halagang P1.77 milyon, pati ang mga alagang hayop sa halagang P16,000. 

Itinanim noong Hulyo ang mga binahang palay na nakatakda sanang anihin sa katapusan ng Setyembre o sa unang bahagi ng Oktubre. Batay sa inisyal na ulat ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), 90% hanggang 100% ang nawasak sa mga sakahan.

Sa Aurora naman, tinatayang nasa P44.5 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura. Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, P25 milyon ang naging pinsala sa mga pananim na palay.

Samantala, nagtamo ng pinakamalaking pinsala ang bayan ng Dilasag sa halagang P7 milyon na sinundan ng Casiguran sa halagang P5.2 milyon at Maria Aurora sa halagang P2.3 milyon.

Kasalukuyan pa ring nakikipag-ugnayan ang mga opisina ng DA sa mga apektadong pamahalaang lokal at mga opisina ng Disaster Risk Reduction and Management para suriin ang mga epekto ng bagyo sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Ulat ng DA, humigit-kumulang 27,500 magsasaka ang naapektuhan sa Cagayan Valley, Gitnang Luzon, Bikol, Kanluran at Silangang Visayas.

Ayon naman sa KMB, kabilang sa mga binaha ang mga palayan sa Brgy. Balangibang sa Polangui at Brgy. Sta. Cruz at Brgy. San Agustin sa Libon, ang itinuturing na “rice granary” ng lalawigan ng Albay. Nakaapekto ito sa mahigit 400 magsasaka sa probinsiya.

Binaha rin ang mga lugar sa Bato at Nabua sa Camarines Sur at iba pang lugar sa paligid ng Bicol River Basin.

Ayon sa mga magsasaka, maaaring abutin ng mula isa hanggang dalawang buwan bago humupa ang baha sa mga sakahan. 

“Wala nang inaasahang maaani at kung mayro’n man, nasa lima hanggang 10 kaban na lang ng palay at hindi na rin magandang klase ng bigas. Pagtitiyagaan na lang itong kainin ng mga pamilyang magsasaka na nasalanta,” sabi ng KMB.

Inutang ng mga magsasaka ang halos lahat ng ginastos nila sa pagtatanim. Nasa P30,000 hanggang P40,000 ang pinakamababang gastos nila sa bawat ektarya dahil sariling trabaho at sobrang tinipid nila ang ginamit na pataba at iba pang kagamitan. Mayroon din namang namuhunan ng P60,000 hanggang P70,000 kada ektarya.

Karaniwang umaani ang mga magsasaka ng 60 hanggang 150 kaban kada ektarya, depende sa irigasyon at pataba. Ngunit kinuha ng bagyo at pagbaha sa mga magsasaka ang halagang ginastos nila sa pagtatanim at ang dapat kikitain nila sa susunod na ani.

Nakapaminsala rin ang bagyo sa mga mangingisda, partikular sa mga lugar sa baybayin na humantong sa pagkalugi sa produksiyon at imprastraktura ng mga pangisdaan. 

Nasira ng bagyo ang mga fish pond maging ang mga kagamitan ng mga mangingisda. Nagambala nito ang kanilang paglaot dahil sa mga malalakas na ulan, alon at hangin na humantong sa pansamantalang paghinto ng suplay ng isda.

Sa ulat ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), nasa mahigit 30,000 mangingisda ang naapektuhan ng bagyo sa probinsiya ng Cavite. Sinisi ng organisasyon na hindi lang ang bagyo kundi ang mga proyektong seabed quarrying at reklamasyon na lalong nagpalala sa epekto ng bagyo.

Ilang mga grupo na ang nanawagan na mabigyan ng tamang kompensasyon ang mga magsasaka at mangingisdang nasalanta ng Bagyong Enteng.

“Napakaraming lugar ang nabaha dahil sa Bagyong Enteng. Napinsala na naman ang mga sakahan at taniman. Kailangang-kailangan ng mga magsasaka ang kagyat na ayuda at kompensasyon para sa mga nasirang pananim at kabuhayan,” sabi ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos.

Handang magbigay ang mga opisina ng DA ng P202.86 milyong halaga ng mga binhi at iba pang kagamitan. May magagamit din na pondo galing sa Philippine Crop Insurance Corporation para matulungan ang mga apektadong magsasaka.

Tiniyak din ng ahensiya ang suporta para sa mga apektadong magsasaka, kabilang ang ayuda, pagpapaayos ng mga imprastraktura, alternatibong programang pangkabuhayan, pati pautang sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program.

Pinuna ng KMP ang DA dahil puro pautang ang inaalok sa mga nasalanta na lalong magbabaon sa utang at kahirapan imbis mabigyan ng nararapat na tulong at suporta.

“Mula 2006 hanggang 2019, umabot sa lampas P299 bilyon ang danyos sa agrikultura dahil sa krisis sa klima. Nag-aabereyds ito ng P21.4 bilyon kada taon subalit walang akmang programa at proyektong tunay na napakinabangan ng masang magsasaka at mga sektor sa kanayunan sa kasalukuyan at mga nagdaang rehimen,” sabi ng organisasyon.

Ayon sa KMP, bunga ng mga neoliberal na patakaran na nagpapalaganap ng pagmimina, pagtotroso, land-use conversion at reklamasyon ang krisis sa klima na nagdulot ng matinding baha at pagkawasak ng mga pananim.

Sinisisi rin ng mga grupo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kapabayaan nito sa kalikasan na nagdulot ng pinsala sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

“Kapwa may pananagutan ang mga kompanyang sangkot sa quarrying at ang pamahalaan na nagpapahintulot sa mga ito. Mas malala pa, pilit pinagtatakpan ng DENR ang masamang epekto ng quarrying kahit marami ng eksperto ang nagsabing ito ang pangunahing dahilan ng pagguho ng lupa at matinding pagbaha sa lalawigan ng Rizal,” sabi ni Pamalakaya Pilipinas vice chairperson Ronnel Arambulo.