Umaani ng pork, hindi pag-unlad ng kanayunan
Kapag sininsin ang badyet sa agrikultura, makikita na mayroon pa rin itong pork at hindi ito sasapat para mapabuti ang seguridad sa pagkain at mapaganda ang kabuhayan sa kanayunan.
Isa ang sektor ng agrikultura sa nakakuha ng malaking dagdag na pondo sa pinirmahang 2026 General Appropriations Act (GAA). Ayon sa administrasyon ni Marcos Jr., bahagi ito ng badyet na nakasentro sa tao, walang pork at tapat sa taumbayan.
Sa talumpati niya noong pinirmahan ang badyet, sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magagamit itong malaking pondo ng agrikultura para sa seguridad sa pagkain, modernisasyon ng mga supply system, suporta sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, at higit na pondo sa farm-to-market roads (FMRs).
Pero kapag sininsin ang badyet sa agrikultura, makikita na mayroon pa rin itong pork at hindi ito sasapat para mapabuti ang seguridad sa pagkain at mapaganda ang kabuhayan sa kanayunan.
Mas malaking alokasyon
Sa ilalim ng 2026 GAA, umangat sa P297.5 bilyon ang badyet para sa agrikultura at agrarian reform—mas mataas nang halos P50 bilyon kumpara sa P248 bilyon ng 2025 GAA at P41 bilyon na mas malaki kaysa sa P256 bilyon na panukala para sa 2026 National Expenditures Program (NEP).
Department of Agriculture (DA) ang may pinakamalaking parte na 62.4% ng kabuuang pondo o P185.8 bilyon, sunod ang National Irrigation Administration (NIA) sa 21.3% o P63.2 bilyon, at ang Department of Agrarian Reform (DAR) ang nahuhuli na may 5.7% lamang o P16.8 bilyon.
Kapag ikinumpara ang 2026 GAA sa NEP—lalo na nang matapos ang pagsasaayos sa pondo para sa flood control—pinakamalaki ang pagtaas sa DA (P31.8 bilyon) at NIA (P18.2 bilyon). Kapansin-pansin rin ang paglaki ng pondo sa Philippine Fisheries Development Authority (PFDA; P2.4 bilyon) at sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC; P2 bilyon).
Bulto ng pondo ng DA ay napunta sa Office of the Secretary (OSEC), na nakakuha ng 89.1% o P165.5 bilyon. Pinakamalaking alokasyon sa DA-OSEC ang napupunta sa: production support services (21.5% o P35.6 bilyon), partikular sa National Rice Program (P26.4 bilyon); farm-to-market roads (FMRs; 19.9% o P33 bilyon); Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF; 18.1% o P30 bilyon); at ang Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk at ang Rice for All Program (parehong 6% o P10 bilyon).
Katapat ng 2026 NEP, ang pinakamalaking pagtaas sa DA-OSEC ay sa mga FMR (P17 bilyon) at sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (P10 bilyon).
May pork pa rin
Nakatipon sa mga programang bulnerable sa korupsiyon, anomalya at sistemang padrino ang malalaking dagdag sa badyet pang-agrikultura. Dahil sa kontrobersiya sa mga flood control project, nilipat lang ang pondo mula sa ganoong mga proyekto papunta sa ibang sektor—tulad ng agrikultura—kung saan may parehong panganib ng korupsiyon.
Sa agrikultura, halimbawa na nito ang “hard pork” o mga proyektong imprastruktura tulad ng mga FMR at mga proyekto sa irigasyon, at mayroong “soft pork” tulad ng tulong-pinansiyal sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa DA, lumobo sa P33 bilyon ngayong 2026 ang alokasyon para sa konstruksiyon, pagsasaayos at pagpapaganda ng mga FMR, mas mataas ng P9.8 bilyon mula sa P23 bilyon sa 2025 GAA at mas mataas ng P17 bilyon mula sa P16 bilyon ng 2026 NEP.
Malaking tipak ng mga proyekto ang mapupunta sa Central Luzon (P4.9 bilyon), Eastern Visayas (P4.4 bilyon), Cagayan Valley (P3.8 bilyon) at Soccsksagen (P3.6 bilyon). Lumabas na sa datos noon na Central Luzon at Eastern Visayas ang dalawa sa may pinakamaraming FMR project na overpriced.
Kapansin-pansin pa ang mga anomalya sa mga nagdaang FMR project. Ayon sa DA, nasa 67% (3,135) ng 4,819 na FMR project na may halagang P76.5 bilyon lang ang natapos mula 2021 hanggang 2025. Daan-daan pa ang hindi nasisimulan (817) o ginagawa pa (677) o hindi na itutuloy (34).
Lumabas rin sa audit ng DA na may hindi bababa sa siyam na ghost FMR project na nagkakahalaga ng P125 milyon. Ayon pa sa People’s Budget Coalition, mukhang hindi tama ang costing o pagplano ng badyet sa 820 na mga FMR project dahil walang butal ang pondo (“very rounded figures”), kaya bulnerable sa ‘di wastong paggamit.
May ganito ring mga problema sa mga proyekto sa irigasyon. Ang badyet ng NIA na P63.2 bilyon, mas mababa ng P6.1 bilyon kumpara sa 2025 GAA na P69.4 bilyon; pero mas mataas ng P18.2 bilyon kumpara sa P45.1 bilyon na panukala sa 2026 NEP. Pero 62% lang ang accomplishment rate ng NIA noong 2024 at pinuna na rin sila para sa ilang iregularidad sa mga irigasyon.
Noong 2023, inimbestigahan ng Senado ang anomalya sa mga proyekto ng NIA na nagkakahalaga ng P121 bilyon, kasama ang mga delay at bayad sa maintenance kapag hindi natatapos ang proyekto. Sa parehong taon, pinuna ng Commission on Audit (COA) ang NIA dahil sa 269 proyektong imprastruktura na nagkakahalaga ng P2.9 bilyon. Marami sa mga ito’y proyekto ng mga kontratista na may kapos sa kailangang dokumento o kaya dumaan sa kaduda-dudang proseso ng bidding.
Muling napuna ng COA ang ahensiya noong unang bahagi ng 2025 dahil sa delay sa pagsisimula ng 161 na mga kontrata na nagkakahalaga ng P2.04 bilyon. Marami sa mga ito, dapat 2021 hanggang 2023 pa natapos. Mayroon pang 75 na proyekto na nagkakahalaga ng P5.06 bilyon ang nasuspinde o nabigyan ng palugit.
Kapansin-pansin rin ang P2.4 bilyon na itinaas ng PFDA dahil sa realokasyon ng pondo para sa flood control. Kalakhan sa pondong P4.5 bilyon ng PFDA ay napupunta sa konstruksiyon, rehabilitasyon at pagpapaganda ng mga fish port (P2.1 bilyon) at mga deep-water port para sa mga fish at agri-industrial projects (P2.4 bilyon)—imprastruktura na posible ring pagmulan ng iregularidad at korupsiyon.
Soft pork na hawak ng pangulo
Malaking bahagi ng pondo para sa agirkultura ay nakalaan sa mga programang maituturing na “soft pork” na dadaan sa pangulo. Ang P10 bilyon na Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk sa 2026 GAA, bagong programa lang na ipinasok ng Kongreso sabay sa realignment o paglilipat ng pondo para sa flood control.
Dagdag pa dito, may P15 bilyon—o kalahati ng P30 bilyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)—ang nakalaan sa “Other Priority Programs, Activities and Projects” na kailangan rin dumaan sa pag-apruba ng pangulo.
Kapag pinagsama, may hindi bababa sa P25 bilyon na pondo ng DA ang nasa ilalim ng kontrol ng pangulo na posibleng pagmulan ng korupsiyon o sistemang padrino.
Maigi ring bantayan ang matinding pag-angat ng pondo para sa DA-Philippine Carabao Center (PCC) at National Dairy Authority (NDA) noong bicameral conference. Kalakhan sa dagdag na pondo ay nakalaan para sa milk feeding ng School Based Feeding Program ng Department of Education.
Dumoble ang badyet ng PCC, mula P971 milyon sa 2026 NEP, naging P2.1 bilyon sa GAA at kalahati dito sa milk feeding mapupunta. Lumobo naman ng apat na beses sa orihinal, mula P531 milyon naging P2.4 bilyon. Muli, 80% ang nakalaan para sa parehong programa kahit pa lumabas na sa pagsisiyasat ng COA na may mga delay at hindi napapadala ang gatas sa mga target na paaralan.
Kapos pa
Kahit pa may kalakihan ang badyet sa agrikultura ngayong 2026, napatunayan na ng mga nagdaang pagtaas ng pondo ng administrasyong Marcos Jr. na hindi garantisado ang naipapangakong pag-asenso sa produksiyon at kabuhayan.
Bahagya lang ang inilaki ng hati ng agrikultura sa kabuuan ng pambansang badyet—mula 3.9% noong 2025, naging 4.4% sa 2026. Kapiranggot lang ito kung ikukumpara sa debt servicing (14%), defense (6.3%) at ang kontrobersiyal na Department of Public Works and Highways (7.8%).
Sa konteksto ng matagal nang panghihina ng agrikultura sa bansa, makikitang hindi sapat ang nakukuha nitong hati mula sa pambansang badyet.
Wala ring makabuluhan na pag-unlad mula sa mga nagdaang paglaki ng pondo. Ipinapakita lang nito na hindi nagagamit ang badyet sa kagyat na pangangailangan ng sektor. Sa kabila ng P44 bilyon na itinaas noong 2023 at P60.3 bilyon na pagtaas noong 2024, bumaba pa ang hati sa gross domestic product (GDP) ng sektor ng agrikultura, mula 8.9% noong 2022 papuntang 8.0% noong 2024—pinakamababa nang naitala.
Hindi rin tuloy-tuloy o maasahan ang paglago—may pagtaas mula 0.5% noong 2022 papuntang 1.2% noong 2023, pero agad ring nabawi ng pagliit ng 1.6% noong 2024.
Dumami ang may trabaho sa agrikultura ng 318,000 noong 2023 kaya umabot ito ng 11.2 milyon, pero nawalan naman ng trabaho ang 1.1 milyon sa 10.1 milyon na manggagawa ang noong 2024.
Ang arawang sahod ng mga nasa sektor ng agrikultura pa rin ang pinakamaliit sa lahat ng sektor, sa P367 kada araw noong 2025. At mga magsasaka at mangingisda pa rin ang mga pinakamahirap na sektor sa 27% at 27.4% noong 2023.
Bigo sa bigas
Pinakamalinaw ang pagkukulang ng 2026 badyet sa sektor ng bigas. Nariyan pa rin ang Rice Tarrification Law (RTL) na nagpapahina sa produksiyong lokal, hindi sumusuporta sa kabuhayan ng mga magsasaka ng Pilipinas at dumadagdag sa pagiging pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo ng Pilipinas.
Ang Rice Industry Development Act (RIDA) o House Bill (HB) 578 ng Makabayan bloc, halimbawa, nagpapanukala ng P185 bilyon sa loob ng tatlong taon (o P62 bilyon kada taon) na susundan ng taunang badyet na ‘di bababa sa P27 bilyon.
Ito ay para masigurong sapat ang paglago ng industriya ng bigas, mapapabuti ang produksiyon, magiging self-sufficient ang bansa, tataas ang kinikita ng mga magsasaka at magiging abot-kaya ang bigas sa publiko.
Kung itatapat ito sa P30 bilyon ng RCEF, kapos agad ito sa pangangailangan para sa isang taon, kaya umaasa pa rin sa taripa mula sa pag-import ng bigas na lalo lang nakakasama sa mga magsasaka at sa lokal na produksiyon.
Hindi rin binibigyang pansin ang mga panukala para palakasin ang kakayahan ng National Food Authority (NFA) sa maramihang procurement ng palay. Ang badyet ng NFA na P11.3 bilyon para sa 2026 ay kakarampot lang kung ikukumpara sa P103.3 bilyon na kailangan para sa tatlong taon na gagamitin sa produksiyon ng aabot ‘di bababa sa 25% ng kabuuan para sa palay—para stable ang farmgate at retail price.
Kapos rin ang pondo para sa irigasyon, ayon sa batayan ng NIA na P220 bilyon ang kailangan kada taon para matubigan ang 1.2 milyong ektarya ng lupang sakahan, para sa rice self-sufficiency ng bansa. Nasa 29% lang nitong kailangang pondo ang nakuha ng NIA sa 2026 GAA o P63.2 bilyon.
Kahit pa ang P23 bilyon na subsidyo sa bigas sa ilalim ng Benteng Bigas Meron Na! ng Pangulo—P10 bilyon mula sa Rice for All Program ng DA—ay ampaw lamang.
Gamit na mismo ang eligibility cap ng DA na 30 kilo kada buwan at kung sasabihin na nasa P20 lang ang kada kilo—kahit pa ang average na presyo sa bansa ng regular milled rice ay lagpas P41 per kilo—tinataya ng Ibon na may 15 milyong benepisyaryo lang ang masusuportahan at para lang sa dalawa’t kalahating buwan.
Para sa subsidyo sa 15 milyong benepisyaryo ng isang buong taon, kakailanganin ng programa magkaroon ng badyet na P108 bilyon o limang beses na mas malaki sa alokasyon ng programa. Labas sa pakitang-tao na mga hakbang, kailangan na ang tugon sa isyu ng bigas ay nakatuon sa pagpapamura nito sa pamilihan para abot-kaya sa lahat.
Higit pa sa malaking badyet
Pinapakita ng 2026 na badyet para sa agrikultura na hindi sapat ang mas mataas na alokasyon para masabing nakasentro talaga sa pangangailangan ng taumbayan ang pondo.
Nakatipon pa rin ang pondo sa mga proyektong pang-imprastruktura na posibleng maging pork at sa pangsaglitan lang na ayuda kaysa pangmatagalang mga suporta para sa paglago ng lokal na produksiyon, mas mataas na kita at seguridad sa pagkain.
Sa huli, hindi sapat ang mas malaking badyet para buhayin ang sektor ng agrikultura kung ang basehan pa rin nito’y isang neoliberal na balangkas na nakatuon lang sa interes ng pagkamal ng kita at sistemang padrino.
Ang isang badyet sa agrikultura na tunay na makabuluhan, dapat nakasandig sa isang komprehensibong plano para sa tunay na repormang agraryo, pag-unlad ng kanayunan at pambansang industriyalisasyon. Kakailanganin rin ng isang gobyerno na magtutulak ng malakihang mga reporma para sa interes ng sambayanang Pilipino. /Unang inilathala ng Ibon Foundation noong Ene. 18, 2026. Salin ni Andrea Jobelle Adan.