Nang kagatin ang mga kamay na nagpapakain

Nang iwan ng mga magsasaka ang kanilang sakahan, batid nilang isang linggo silang mawawalan ng kita. Iba’t ibang probinsiya man ang pinanggalingan, iisa lang ang kanilang panawagan—tunay na reporma sa lupa.

Habang pumapatak ang ulan sa bubong ng pinagtagpi-tagping tolda, sinasariwa ang luha at hirap na danas ng mga magsasaka at manggagawang bukid na nakikibaka para sa kanilang mga karapatan.

Nitong Okt. 15 hanggang 21, sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR), nagtindig sila ng kampuhan bilang protesta at pansamantalang kanlungan sa loob ng isang linggo. 

Naroon sa kampuhan ang mga kuwento ng mga lupaing inaagaw, kabuhayang binabarat at mga buhay na pinatahimik ng bala.

Kasama dito ang kuwento ni Jenny Bantillo, manggagawa sa tubuhan sa Bacolod City, Negros Occidental. Walong taon na siyang nagtatrabaho, maghapong nabababad sa arawan habang kakarampot lang ang kanyang kinikita.

Sa isang ektarya na dinadamuhan, paghahatian ng 10 manggagawa ang P2,872 na sahod matapos ang isa o dalawang araw na pagtrabaho. 

Halos kalahati lang ng itinakdang minimum wage ng Department of Labor and Employment sa Negros Occidental na P480 hanggang P513 kada araw. 

Talakayan sa kalagayang ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa kapuhan sa labas ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Kaya bukod sa isyu ng makataong sahod, bitbit rin ni Jenny ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Sa Barangay Granada sa Bacolod City, nais na umanong ipagbili ng panginoong maylupa ang tinitirhan nina Jenny.

Ngunit giit niya, may karapatan silang manatili sapagkat noong 2014 ay nagsumite ng petisyon ang kanyang mga magulang sa DAR sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP)

Pamamahagi ng lupa ang umano’y layunin ng CARP mula noong ipatupad ito nung 1988. Sa tinagal ng panahon, umani ito ng kritisismo bilang huwad na reporma, at sa kaso nina Jenny, 11 taon na ang lumipas at wala pa ring tugon mula sa DAR.

Dekada ang inaabot ng hustisya, kung dumarating man.

Mahigit dalawang dekada nang nagtatanim sa Norzagaray, Bulacan si Pioly Esteban. Sanay siya sa hirap ng buhay sa bukid, lalo na tuwing kapos ang ani dahil sa madalas na pag-ulan. Para kay Pioly, dagok na maituturing lalo ang pagpatupad ng Rice Tariffication Law noong 2019.

Sa bisa nito, inalis ng gobyerno ang limitasyon sa pag-angkat ng bigas at pinayagan kapalit ang pagbabayad ng taripa. Layunin nitong pababain ang presyo ng bigas at palakasin ang lokal na produksiyon sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)

Sa ilalim nito, inilaan ang P10 bilyon kada taon para suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng makinarya, binhi at pautang.

Ngunit para kay Pioly mas lalong lumala ang kanilang kalagayan. Bumagsak ang presyo ng lokal na palay at halos hindi na nila mabawi ang kanilang puhunan.

Mga magsasaka at tagasuporta habang nakapuwesto sa harap ng malaking banner na may panawagang “Save the Rice Granary!” sa isinagawang kilos-protesta. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly 

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), pakonsuwelo at panakip-butas lang ang RCEF, habang binabaha pa rin ng malawakang importasyon ng bigas ang merkado. 

Kasama din sa kampuhan si John Poul Olis, 29, mula sa Hacienda Luisita sa Tarlac. Sampung taong gulang pa lang siya nang mangyari ang malagim na masaker noong 2004.

Ilang dekada na ang lumipas ngunit patuloy ang pangangakam ng lupa upang bigyan daan ang mga proyekto ng mga Ayala at Aboitiz, kasabwat ang mga Cojuangco at Lorenzo.

Higit sa panawagan para sa lupa, desisido siyang sumama sa kampuhan bitbit ang hiling na hustisya para sa kanyang kapatid. Pinatay ito noong 2015 ng mga hinihinalang sundalo at pinagbintangan bilang NPA dahil sa pagsali sa mga kilos-protesta.

Para sa alaala ng kanyang kapatid, hindi titigil si John Poul sa pakikibaka. “Kung hindi man kami mapakinggan,” aniya, “siguro, Diyos na ang bahala sa kanila.”

Hindi nalalayo ang sitwasyon ng mga magsasaka sa Timog Katagalugan. Sa mga bukirin kasi ng Cavite, hindi lang palay, gulay at prutas ang nakatanim, kundi pati sundalo.

Sangkot mismo sa paniniktik ang lokal na pamahalaan kasabwat ang pamilyang Ramos sa mga magsasaka ng Lupang Ramos sa Dasmariñas City. Biktima naman ng ganid na Ayala at Aguinaldo ang mga magsasaka ng Lupang Tartaria sa Silang. Iisa lamang ang layunin ng mga pandarahas na ito sa mata ng mga magbubukid: magbigay daan sa mga komersyal at mapaminsalang establisyimento.

”Hindi na rin po kami komportable sa lugar namin dahil ang kampuhan ng mga sundalo mismong nasa loob ng aming komunidad” ani Naneth Melendres, miyembro ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) sa kanyang panayam sa Pinoy Weekly.

Hindi na bago ang pangangamkam ng mga lupaing sakahan mula sa mga magsasaka. Sa tala ng DAR, nasa 98,939 ektarya ng lupa ang inaprubahan para sa land-use conversion o mga lupaing ginawang subdibisyon, malls at establisimyentong pangkomersyo mula 1988 hanggang 2016. 

Ayon naman sa National Irrigation Administration, tinatayang nasa 165,000 na ektarya ng irigadong agrikultural na lupain ang inilalaan para sa mga hindi-agrikultural na gamit. 

Lantad ito sa ilang proyekto ng gobyerno at ilang korporasiyon. Sa Laguna, nariyan ang Laguna Lakeshore Road Network na parte ng Build Better More ng kasalukuyang administrasiyon, pangangamkam sa lupa ng Santa Rosa Realty Development Corporation sa Cabuyao at konstruksiyon ng North-South Commuter Railway Extension sa Calamba City. 

Marahil ay nakapagtataka kung paano nakalulusot ang ilang proyektong hindi para sa agrikultura lalo na’t sa ilalim ng CARP ay hinahainan ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA), dokumento na nagpapatunay na ang isang magsasaka ay may karapatan na sa lupa, ang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) na magsasaka. 

Kilos-protesta ng mga magsasaka sa harap ng Department of Agrarian Reform na nananawagan ng pananagutan sa korupsiyon at kapabayaan sa agrikultura. Joanna Robles/ Pinoy Weekly 

Ngunit mismong DAR ang sangkot sa ilang kaso ng kanselasiyon nito tulad ng kaso sa Roxas & Co Inc. (RCI) at mga magsasaka ng Hacienda Caylaway, Hacienda Banilad at Hacienda Palico sa Batangas. 

Ayon sa DAR, nagkaroon umano ng mga iregularidad sa proseso ng pagsasaklaw sa ilalim ng CARP, kaya itinuturing na walang bisa ang mga naunang CLOA. Sa halip, kinilala ng DAR ang RCI bilang “rightful owner” ng mga lupain batay sa desisyon ng Korte Suprema noong 1999 at sa kompromisong kasunduan sa pagitan ng mga magsasaka at kompanya.

“Karamihan doon sa amin sa tatlong hacienda ay kinukuha ng ating gobyerno yung lupa sa mga magsasaka na yan naman ay matagal ng nai-award. 1993 pa po naiaward yan,” ani Efren Panganiban, miyembro ng Pagkakaisa ng Manggagawang Bukid sa Tubuhan (Pamatu). Dagdag pa niya, maski nitong mga nagdaang bagyo kung saan napinsala ang sakahan at tubuhan  ay hindi nagpaabot ng tulong ang ahensiyang DAR. 

Liban naman sa peste sa bukirin, problema din ng mga magsasaka ng Tanay, Rizal ang mga militar at tauhan ng pamilyang Chua-Tan at Sta. Lucia Corporation. Kumaharap na sa ilegal na pag-aresto at panggigipit sa mga magbubukid at umabot pa sa puntong takot ng umuwi sa kanilang bahay ang ilan bunga ng pangambang pagdadampot.

Kung  ang mga pananim ay baon sa lupa, ang mga magsasaka ng Quezon naman ay baon sa utang bunsod ng kawalang suportang agraryo gaya ng RCEF, ganyan inilalarawan ang buhay magsasaka ni Renato Batocabe, miyembro ng Kasama-TK. 

Bukod kasi sa pambabarat sa presyo ng tuyong palay na pumapatak lamang ng P8 kada kilo, higit na mas mababa sa presyo ng bigas na P45 hanggang P50 kada kilo, huwad din maituturing ang kakarampot na tulong ng ilang ahensiya. 

“Noong nakaraang taon, nagtungo po kami sa DA, at nagkaloob po naman sila ng binhi na pananim, kaya lang po, hindi tumubo. Kasi po ‘yong ibinibigay nilang mga binhi, karamihan ay expired, tapos po, wala pong kalakip na fertilizer o pesticide man lang,” ani Batocabe.

Mga magsasaka at manggagawang bukid habang sinisira ang effigy na anyong daga na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kilos-protesta sa Mendiola. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly 

Nang iwan ng mga magsasaka ang kanilang sakahan sa kanayunan, batid nilang isang linggo silang mawawalan ng kita. Sa kabila nito, tinatagan nila, naghanda ng pamasahe’t mga gamit.

Walang pagod na nakipagdiyalogo’t aralan sa kampuhan. Iba’t ibang probinsiya man ang pinanggalingan, iisa lang ang kanilang panawagan—tunay na reporma sa lupa.

At sa kanilang pagsasama-sama, hindi lang nila ipinapaalam sa gobyerno ang kanilang mga hiling at hinaing. Ipinaparating nila na kaya nilang lumiban sa sakahan kung kinakailangan, magkampuhan sa init at ulan at muli’t muling tumungo sa lansangan upang irehistro na patuloy silang lalaban.