Bilyon-bilyong pondo sa baha, lunod pa rin ang magsasaka
Habang tinatangay ng agos ang bilyon-bilyong pondo sa mga depektibong dike, nilulunod naman ng kapabayaan ang mga magsasaka. Sila ang nagpapakain sa bayan, ngunit sila ang laging ginugutom ng sistema.
Habang tinatangay ng agos ang bilyun-bilyong pondo sa mga depektibong dike, nilulunod naman ng kapabayaan ang mga magsasaka. Sila ang nagpapakain sa bayan, ngunit sila ang laging ginugutom ng sistema.
Madalas nahihirang ang magbubukid at ang agrikultura bilang gulugod o base ng buong bansa at ekonomiya. Pero sa katunayan, damang-dama ang pagbulusok ng kanilang kabuhayan at produksiyon.
Sa katapusan ng 2024, bumaba ng 2.2% ang output ng agrikultura sa bansa, pinakamababa mula noong 2020. Halos triple naman ang itinaas ng kagutuman mula 2022 hanggang Marso 2025 ayon sa mga sarbey ng Social Weather Stations.
Masamang panahon at sakuna ang sinisi ng Department of Agriculture. Pero ayon sa mga magsasaka at kanilang mga samahan, dapat sinserong suportahan na ng gobyerno ang kanilang sektor nang dumami na ang suplay ng murang pagkain sa bansa. Ngunit ang panawagang ito para sa suporta ay laging binabangga ng isang matagal nang problema ng bayan.
Talamak ang korupsiyon sa bansa. Kaya tinanong ng Pinoy Weekly ang mga nasa bukid at iba pang eksperto ang marahil mainit na palaisipan: Paano kung sa agrikultura napunta ang mahigit isang trilyong pisong pondo na kinurakot ng mga pamahalaang lokal at mga kontratista?

Para kay Edgar (hindi niya tunay na pangalan), isang magsasaka sa Kabugao, Apayao, ang dapat sana’y magiging kaligtasan nila sa rumaragasang tubig ay isa na ngayong monumento ng kabiguan.
Sa bawat pagtingin niya sa nasirang dike sa Apayao River, hindi niya maiwasang isipin ang milyon-milyong pisong tila inanod na rin ng baha.
Ang tinutukoy niya ay ang mga proyektong tulad ng Sicapo River Flood Control (P24.5 milyon) at Madduang River Flood Control (P24.5 milyon) na parehong sinimulan noong 2022 ng Omengan Construction and Development Corporation.
“Ginawa na pero walang silbi,” buntong-hininga ni Edgar, habang inaalala ang pagguho ng istrukturang ipinangakong proteksiyon sa kanilang mga pananim at komunidad. “Nang lumaki ang ilog, natangay pati ang mga makina,” wika niya sa Ilokano.
Ayon mismo sa kanyang obserbasyon, malayo ang kalidad sa ipinangako. Ang dapat sana’y walo hanggang 12 metrong taas ng pader, naging apat hanggang limang metro lang.
Ang testimonya ni Edgar ay hindi lang isang indibidwal na hinaing. Ito ang mukha ng mas malawak na suliranin sa buong Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa bayan ng Kabugao, hindi bababa sa P219 milyon ang inilaan para sa mga flood control project mula 2022, na kinabibilangan pa ng mga proyekto ng Tagel Corporation at PBO Corporation. Hindi pa rito kabilang ang P215 milyong halaga ng mga flood control structure sa Apayao-Abulug River Basin at Apayao River na pinondohan ng 2025 General Appropriations Act.

Sa buong rehiyon, umabot sa P22.73 bilyon ang ginastos para sa 452 na katulad na proyekto mula 2022 hanggang 2023, ayon sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pero kadalasang hindi nakabatay sa siyentipikong pag-aaral at walang konsultasyon sa mga residente ang mga proyekto, sabi ng grupong Aliansa Dagiti Pesante iti Taeng Kordilyera (Apit Tako) o Alyansa ng mga Magbubukid sa Kordilyera.
Isang halimbawa ang P114.2 milyon na ginastos para sa flood mitigation sa Balili River at drainage canal ng Strawberry Farm sa La Trinidad, Benguet. Sa kabila nito, binaha pa rin ng tatlo hanggang apat na talampakan ang lugar nitong nakaraang mga pag-ulan.
“Artipisyal na iniipit ang malakas na agos ng tubig kaya mas malakas ang nagiging buga nito. Dahil dito, hindi kailanman nagtatagal ang mga flood control [dike] sa rehiyon,” paliwanag ni Fernando Mangili, deputy secretary general ng Apit Tako.
Para kay Edgar at sa marami pang magsasaka, ang bawat pisong ginagastos sa mga palyadong proyekto ay pisong ninanakaw mula sa kanilang kabuhayan at kinabukasan.
Subalit sa kabila ng bilyon-bilyong pondong ito, ang tanong ng mga magsasaka ay nananatili: Nasaan ang tunay na suporta para sa kanila?
Matinding pangangailangan
Ang tanong na iyan mula sa mga magsasaka sa Kordilyera ay kumakatawan sa hinaing ng buong sektor. Para sa mga pambansang grupo tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang sagot ay hindi sa mga proyektong semento, kundi sa direktang suporta sa produksiyon.
Hirit ni KMP chairperson Danilo Ramos sa mga nasa gobyernong panay sa masamang panahon ang sisi sa pagbulusok ng ani: Hindi ba’t ‘yong mga flood control project dapat ang sana’y nagproteka sa panananim at komunidad ng mga magsasaka?
Giit ni Ramos, subsidyo sa produksiyon ang isa sa mga kagyat na pangangailangan ngayon. “Kayang maglaan ng tingin namin, safe na safe, P50,000 sa mahigit 4 milyon na rice farmers sa buong bansa mula sa isang trilyon ni kinurakot,” aniya.

Kayang mabigyan ng regular na ayuda ang 9.7 milyong magsasaka at manggagawang bukid sa bansa na nakarehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture.
Panukala din ng KMP na “bilhin ng gobyerno ang [20% hanggang 25%] ng 20 million metric tons ng total palay production sa buong bansa kada taon. Kayang-kayang ponduhan or bibilhin sa minimum P20 per kilo ng skin dry at P25 ng tuyo or ready to mill,” mungkahi ni Ramos.
Sakaling may ganitong sinseridad nga ang gobyerno sa pagpopondo, malamang umano na kayang maglaan ng isang mechanical dryer kada baryo.
Mabisang magagawa ito sa repormang agraryo para sa magbubukid. “‘Pag nagkaganon, kayang-kaya na sa P20 ibenta ang bigas sa mga [National Food Authority] outlet sa buong bansa,” ani Ramos.
Suporta sa produksiyon
Para sa Apit Tako, ang karanasan ni Edgar ay sintomas ng isang malubhang sakit: korupsiyon at kapabayaan.
“Pinakita ng korupsiyon sa mga proyekto tulad ng flood control projects at rock netting na nauuna ang pagpapayaman ng mga kontraktor at nasa burukrasya kaysa ikabubuti ng mamamayan,” sabi ni Mangili.
Aniya, ang mga proyektong ito’y pangunahing nagsisilbi sa interes ng mga kontratista.
“Hangga’t hindi ito nakabatay sa pananaliksik at walang pagkokonsulta sa mismong mga nakatira rito, mananatili itong proyektong para sa kita at hindi para sa tao,” dagdag pa niya.
Sa halip na mga proyektong madaling masira, ang panawagan ng mga magsasaka ay mga kongkretong tulong sa kanilang produksiyon tulad ng subsidyo para sa binhi at abono, maayos at abot-kayang sistema ng irigasyon, mga farm-to-market road, at pasilidad para sa post-harvest upang hindi mabulok ang kanilang pinaghirapan.
Sariling lupa, nanatiling pangarap
Bukod sa subsidyo at pasilidad, may isa pang pundamental na pangangailangan ang mga magsasaka para tunay na umasenso: ang sariling lupa na sasakahin.
Nagtitinda si Jenny Rapiz, taga-San Jose del Monte City, Bulacan, at iba pang kasamahan niya sa iba’t ibang dako Maynila tuwing may mga nagmamabuting organisasyon na nag-iimbita sa kanilang grupo, ang Bagsakan Farmers.
Kung ang Kadiwa Store ng gobyerno, nagtatanggal ng middle-man para sa iilang magbubukid, karamihan ng mga magsasakang Pilipino’y umaasa pa rin sa mga trader na kumukubra ng malaking porsyento mula sa kikitain ng ani.

Ang Bagsakan Farmers, umaasa sa pakikipagtulungan sa mga naliliwanagang organisasyon. Pero giit ni Rapiz, dapat lahat ng katulad nila, may ruta para magtinda direkta sa mamimili.
“Pinakamahalaga sa amin na magkaroon ng sariling lupa, amin talaga na maipagmamalaki. ‘Yon sana ang ipinagkaloob ng gobyerno. Pero sa ngayon, pagnanakaw, hindi pamamahagi ang dumarami,” ani Rapiz.
Kabalintunaan ng ‘kaunlaran’
Lalong nagiging kabalintunaan ang sitwasyon dahil habang bilyon-bilyon ang ginagastos sa mga bigong flood control project, patuloy naman ang pagtulak sa mga proyektong lalong naglalagay sa kalikasan at komunidad sa alanganin, tulad ng mga mega dam at malawakang pagmimina.
“Hindi namin maintindihan na nakakapagpagawa ng mga napakamamahal na flood control [project] samantalang tinutulak ang paggawa ng mga dambuhalang renewable energy [project] tulad ng mega dams,” sabi ni Mangili.
Para sa mga magsasakang tulad nina Edgar at Rapiz, malinaw ang mensahe. Ang tunay na kaunlaran ay hindi nasusukat sa dami ng sementong ibinubuhos sa mga ilog, kundi sa kasiguruhan na may aanihin ang mga nagtatanim at may pagkain sa bawat hapag ng pamilyang Pilipino.
Hangga’t ang pondo ng bayan ay napupunta sa bulsa ng iilan imbis na sa lupaing nagbibigay-buhay, mananatiling panawagan ang sigaw para sa tunay na suporta sa agrikultura.