Main Story

US-Marcos Jr. war games, panggulo sa WPS, perhuwisyo sa mangingisda


Tumitindi ang tensiyon sa West Philippine Sea dahil sa patuloy na paglahok ng administrasyong Marcos Jr. sa mga militaristang aktibidad ng US. Perhuwisyo na ito sa mangingisdang pinoy at banta sa seguridad at soberanya ng Pilipinas.

Nililigpit ng mga mangingisda ng Zambales ang lambat na ginamit sa pagsimbada sa West Philippine Sea malapit sa Bajo de Masinloc. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Binangga at binomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) ang dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) malapit sa Pag-asa Cay (Sandy Cay) na sakop ng Kalayaan (Spratly) Islands sa West Philippine Sea noong Mayo 21.

Ayon sa kawanihan, ito ang unang beses na ginamitan ng water cannon ng China ang kanilang mga barkong panaliksik.

Nanindigan naman ang Embahada ng China sa Maynila na saklaw ng kanilang teritoryo ang Pag-asa Cay at ang buong Kalayaan Islands. Pilipinas umano ang nagpatindi ng tensiyon dahil lumabag ito sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) na nagbabawal sa pagpasok sa mga walang naninirahang isla sa pinag-aagawang karagatan.

Nitong Abril, inilabas ng Chinese state media ang retrato ng mga opisyal ng CCG na nagwawagayway ng bandila ng China sa Pag-asa Cay. Sinundan naman ito ng pagwagayway din ng Philippine Coast Guard (PCG) ng bandila ng Pilipinas sa parehong isla.

Kinondena ni United States (US) Ambassador MaryKay Carlson ang aniya’y agresibong aksiyon ng China na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga sibilyan at banta sa kapanatagan ng rehiyon.

“Naninindigan kami kasama ng mga alyado sa Pilipinas sa pagsuporta sa internasyunal na batas at sa malaya at bukas na Indo-Pasipiko,” sabi niya sa wikang Ingles sa isang post sa X (dating Twitter).

Pinayuhan naman ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning ang gobyerno ng US na huwag panigan ang Pilipinas para lang manggulo sa South China Sea at istorbohin ang kapayapaan at kapanatagan sa rehiyon.

Mga sundalong kalahok sa Balikatan Exercises. MRF-Darwin Communication Strategy and Operations

Naiulat ang pambobomba ng CCG sa BFAR ilang linggo matapos ang pagtatapos ng 2025 Balikatan Exercises ng US at Pilipinas at kasunod ng pagsisimula ng 2025 Kasangga Exercises ng Pilipinas at Australia.

Ngayong Mayo 26, ilulunsad naman sa Palawan, na malapit sa Kalayaan Islands, ang Kamandag 9 Exercises ng US, Pilipinas, Japan, South Korea at United Kingdom.

Para sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), dapat unahin ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga diplomatiko at mapayapang resolusyon sa pagresolba sa sigalot sa WPS.

“Padaskol na pinapayagan ni Marcos Jr. ang US na gamitin ang bansa hindi lang para sa mapang-upat na war games kundi pati sa pagpapatindi ng tensiyon sa rehiyon,” pahayag ng grupo.

Bago pa ang insidente sa Pag-asa Cay, nagbabala na ang Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg) sa banta ng pagtindi ng tensiyon sa WPS dahil sa patuloy na pagsali ng Pilipinas sa mga inisyatibang militar ng US.

Nakokompromiso anila nito ang pambansang soberanya at nababale-wala ang prinsipyo ng nagsasariling patakarang panlabas ng bansa.

Osprey ng US na ginamit sa joint exercises sa Pilipinas. MRF-Darwin Communication Strategy and Operations

“Ang pagsali sa joint military activities kasama ang mga dayuhang kapangyarihan sa mga pinagtatalunang karagatan ay hindi lang nag-uupat ng mga karatig-bansa kundi idinadawit rin ang Pilipinas sa mga [heopolitikal] na tagisan na hindi naman nagsisilbi sa ating pambansang interes,” ani Cenpeg director for policy studies Bobby Tuazon.

Higit 9,000 sundalong Amerikano at 5,000 Pinoy ang lumahok sa idinaos na Balikatan Exercises mula Abril hanggang Mayo 2025. Ibinida dito ang mga makabagong sandata, eroplano, barko at iba pang kagamitang pandigma ng US na ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay makakatulong sa pagpapalakas ng kakayahang militar ng Pilipinas.

Kabilang sa mga ipinakat ng US sa bansa ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) na kayang magpalubog ng mga barko hanggang 100 nautical miles, ang bagong Marine Air Defense Integrated System (MADIS) na may 30mm na kanyon na kayang magpabagsak ng mga drone at eroplano, at dagdag na Typhon o Medium Range Capability (MRC) missile system na kayang umabot ng 1,000 nautical miles.

Live-fire na pagsasanay ng Marine Air Defense Integrated System (MADIS) ng US sa Hawaii. Sgt. Jacqueline C. Parsons/US Marines

Ito ang unang beses na ipinakat sa labas ng US ang MADIS. Nananatili naman sa bansa ang NMESIS para sa Kamandag 9 Exercises.

Nauna nang lumikha ng kontrobersiya at pagigting ng tensiyon sa pagitan ng China at Pilipinas ang permanenteng pagposisyon ng US sa Typhon missile system nito bansa matapos gamitin noong Balikatan 2024.

“Walang pakialam kahit sinong bansa pagdating sa deployment ng mga asset atin man ito o sa mga alyado. Patuloy tayong magde-deploy at magsasanay kasama ang ating mga alyado sa layong palakasin ang pinagsanib na operasyon o para magkaroon ng kooperasyon sa hinaharap,” sabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro sa media briefing ng Kamandag 9.

Pero ayon kay Cenpeg chairperson Roland Simbulan, eksperto sa relasyong US-Pilipinas, hindi nakapagpapabuti ng kapayapaan o kapanatagan ang militarisasyon at pagpakat ng maraming armas sa Pilipinas. Pinapatindi aniya nito ang tensiyon at pinapalaki ang banta ng sigalot.

“Nagpaparami tayo ng mga US at iba pang dayuhang missile na nakapalibot at nakatutok sa China, Russia o North Korea—mga bansang may kakayahang gumanti at durugin ang isla natin. Nakakanerbiyos itong sitwasyon,” ani Simbulan.

Pagdating sa Palawan ng mga tropang US mula sa Mindanao para sa Balikatan 2025. Sgt. Ezekieljay Correa/US Marines

Dapat aniyang araling mabuti ng administrasyong Marcos Jr. ang mga pinapasok nitong alyansang militar na maaring humatak sa bansa sa mga panlabas sigalot. Dapat ding unahin ang mga mapayapang negosasyon at panrehiyong kooperasyon para tugunan ang mga hidwaan sa teritoryo.

Dagdag ni Sumbulan, imbis na gumastos sa mga dayuhang armas, dapat ilaan na lang ng gobyerno ang pondo sa mga programang sosyo-ekonomikong pagpapaunlad na direktang pakikinabangan ng mamamayan.

Kasunod ng tumitinding tensiyon at kasabay ng pagsisimula ng Kamandag 9 Exercises sa WPS, inilunsad ng Atin Ito, koalisyon ng iba’t ibang organisasyong sibiko, ang ikatlong misyong sibilyan sa WPS.

Naglayag ang koalisyon, kasama ng mga musikero mula sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asya, para maglunsad ng “peace concert” sa karagatang malapit sa Pag-asa Island mula Mayo 26-30.

“Ang dala natin ay kapayapaan sa pamamagitan ng musika, hindi lenguwahe ng karahasan o giyera,” sabi ni Atin Ito co-convenor at Akbayan Partylist president Rafaela David.

Sa isang pulong balitaan ng Atin Ito, sinabi ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na pangungunahan nila ang pagbubuo ng blokeng WPS sa Kamara. Para aniya ito maisulong ang mga batas na magpapalakas sa pagtatanggol ng soberanya at teritoryal na karapatan ng Pilipinas laban sa agresyon ng China.

“‘Yong Akbayan reform bloc, papalawigin natin para magkaroon ng West Philippine Sea Bloc sa Kongreso. Ito ay mga kongresista na maninindigan na ang WPS ay atin ito,” aniya.

Pero nagbabala ang mga mangingisdang Pinoy sa balak ng Akbayan. Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), makaisang panig ang naturang plano kung hindi kikilalanin ang papel ng US sa panteritoryong sigalot ng China at Pilipinas.

“Dapat kondenahin ang China sa paglabag sa espesipikong batas ng karagatan dahil sa pagyurak nito sa exclusive economic zone natin. Pero anumang makabayang pagsisikap ay dapat ding sumaklaw sa paglaban sa US na may mahaba nang kasaysayan ng interbensiyong militar at giyerang agresyon laban sa atin at iba pang bansa,” ani Pamalakaya Pilipinas vice chairperson Ronnel Arambulo.

Sang-ayon ang lider-mangingisda na dapat patampukin ang ginagawa ng China sa WPS pero kinuwestiyon niya rin ang motibo ng Akbayan sa pagbubuo ng WPS Bloc, na pinagsususpetsahan nitong kampi sa US dahil sa hindi pagkilala dito bilang “malinaw at kasalukuyang panganib” sa soberanya at pambansang seguridad ng Pilipinas.

“Gusto naming paalalahanan ang mga kinatawan ng Akbayan na walang pinag-iba ang US sa China pagdating sa pamemerhuwisyo sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino,” ani Arambulo.

Iniulat ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na matindi na ang negatibong epekto ng panghaharang ng China sa bilang ng nahuhuling isda ng mga Pilipino.

Umaaligid ang barko ng China Coast Guard sa mga bangka ng mga mangingisdang pinoy na sumama sa 2nd Civillian Mission ng Atin Ito sa West Philippine Sea noong 2024. Neil Ambion/Pinoy Weekly

“Nababawasan ang production ng ating mga mangingisda because of the fact na limitado na ang kanilang access, hindi na nila magawa na malayang makapasok sa lagoon [ng Bajo de Masinloc]na dati naman ay nagagawa nila,” sabi ng BFAR sa ulat ng ABS-CBN News.

Tinataya namang nasa 20,000 mangingisda mula sa Cagayan at Zambales ang naperhuwisyo dahil pinagbawalang pumalaot sa ipinatupad na “no-sail zone” para sa live-fire exercise ng Balikatan 2025. Walang kompensasyong ibinigay sa kanila.

“Hindi makatuwiran na ang mga mangingisda pa ang magsasakripisyo para lamang bigyang-daan ang Balikatan, na wala namang kabuluhan para sa mga ordinaryong Pilipino,” ani Pamalakaya Pilipinas national chairperson Fernando Hicap.

Sa huling pag-aaral ng Philippine Statistics Authority, nasa 10.8% ng pagkaing isda sa bansa ang mula sa WPS. Umabot naman sa 80% ng kita ng mga mangingisdang Pinoy ang nawala dahil sa tumitinding tensiyon.

Huling isda sa West Philippine Sea. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Itinakda sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 ang karapatan ng Pilipinas sa karagatang saklaw ng exclusive economic zone ng bansa sang-ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) o ang kasunduang nagtatakda ng mga hangganan, karapatan at responsibilidad ng mga bansa sa karagatan. Tumangging pumirma ang US sa naturang kasunduan.

Nanawagan ang Cenpeg kay Marcos Jr. para sa isang patakarang panlabas na nakaugat sa diplomasya, mapayapang resolusyon ng mga sigalot at pantay na respeto sa pagitan ng mga bansa na itintadhana sa ating Konstitusyon.

“Ang pagpaloob sa mga konstruktibong diyalogo at multilateral na negosasyon pa rin ang nananatiling pinakamahusay na daan tungo sa pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa rehiyon,” ani Tuazon.