Kapirasong Kritika

Walden Again


Sabi ng Philippine Daily Inquirer, “Akbayan takes poll campaign to Fil-Ams.” Madaling makita na pawang kasinungalingan ang propaganda hinggil sa rehimeng Aquino ni Akbayan Rep. Walden Bello sa harap ng mga Pilipino-Amerikano sa US. Pwedeng magtagumpay ang repormang panlipunan at paglaban sa katiwalian sa kasalukuyang sistemang pampulitika? Pinakamalaking tagumpay sa paglaban para sa reporma ang Reproductive […]

Sabi ng Philippine Daily Inquirer, “Akbayan takes poll campaign to Fil-Ams.” Madaling makita na pawang kasinungalingan ang propaganda hinggil sa rehimeng Aquino ni Akbayan Rep. Walden Bello sa harap ng mga Pilipino-Amerikano sa US.

Pwedeng magtagumpay ang repormang panlipunan at paglaban sa katiwalian sa kasalukuyang sistemang pampulitika? Pinakamalaking tagumpay sa paglaban para sa reporma ang Reproductive Health Act? Lumilikha ng “mga kalagayang panlipunan” ang Conditional Cash Transfer, na inaamin niyang suportado ng World Bank, para makaahon sa kahirapan ang mga benepisyaryo? Matapat ang rehimen sa malinis na pamamahala?

Sabi ni Bello, “Kailangan ang mga koalisyon para may makamit sa ating gawain bilang mga progresibo.” Pero malinaw nang isinuko niya ang pagiging progresibo sa pagbitiw sa pagsusuring ang namamayaning sistemang panlipunan, at hindi lang kung anong rehimen ang nakaupo, ang siyang problema ng bansa. Ang pagpapalabas na ang partikular na katangian ng bawat rehimen, at hindi ang sistema, ang siyang problema sa bansa ay paninindigan ng mga partidong oposisyon ng mga naghaharing uri, hindi ng mga tunay na progresibo.

Malinaw pa sa sikat ng araw: Nagsisilbing propagandista ang Akbayan ng rehimeng Aquino at ng naghaharing sistema – propagandistang mas kasuklam-suklam dahil pinagmumukhang progresibo ang rehimen at sistema.

Panibagong antas ito ng pagsadsad ni Bello na nagpapakilala pa ring progresibo. May pumuri noon sa kanya bilang “pinaka-respetadong anti-globalisasyong palaisip sa Asya.” Pero tagasuporta siya ngayon ng rehimeng sagad-sagaran sa pagtutulak ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon ng ekonomiya. Isang gobyernong kampeon ng dayuhang pagmimina at pagtotroso, ng Public-Private Partnerships na pinapakinabangan ng malalaking kapitalista at haciendero, at ng pagpapasaklaw ng presensyang militar ng US sa bansa at Asya.

Kahit bilang rehimen, hindi progresibo ang kay Aquino. Sa isang pagtingin, inuulit nito ngayon ang “Philippines 2000” ni dating Pang. Fidel Ramos. Pero kung kritiko si Bello ng mga programa ni Ramos noon, tagapagtanggol siya ng mga programa ni Aquino ngayon. Na mas kakatwa, dahil napatunayan nang bigo ang Philippines 2000 na iahon ang nakakaraming Pilipino sa kagutuman at kahirapan.

Huwag na nating ikumpara si Aquino kina Lenin o Mao. Pero hindi rin siya isang Castro. Hindi rin Hugo o Evo. At kahit Lula, na nagpatupad ng mga repormang nakapagpabuti sa kalagayan ng mga mamamayan at nagpahayag ng mga posisyong kritikal sa US, hindi rin papasa. Mas kahanay si Aquino ng mga neoliberal na pangulo ngayon ng iba’t ibang atrasadong bansa.

Kahit noon pa man, maaasahan na kay Bello ang ganitong pagsadsad. Kahit bilang aktibista-intelektwal, nakatutok siya sa pinakalantad na pinakamasasahol na itsura ng imperyalistang pandarambong at gerang agresyon sa mundo. At kapansin-pansing nakatali ang kanyang mga pagsusuri sa mga datos, hindi pinapalalim at binubuo sa mismong ekonomiyang pampulitika ng imperyalismo. Progresibo pero hindi Marxista, mas interesado siyang makipag-koalisyon kaysa iguhit ang matalas na pagsusuri at sa batayan nito’y magparami ng kapanalig.

Ipinagmamalaki ng mga kasama niya sa Akbayan na pinagdebatehan sa ibang bansa ang kanyang konsepto ng “deglobalisasyon,” pero ito’y nakaugat sa demarxipikasyon ng pagsusuri sa pandaigdigang sistemang kapitalista.

Pinabilis lang ang pagbabagong-labas, hindi pagbabagong-loob, ni Bello ng pagbabagong tinukoy ni Elmer Ordoñez, progresibong manunulat – ang pagkakaluklok ng Akbayan sa mahahalagang pwesto sa gobyernong Aquino.

Dati-rati’y mga nakakaalwang petiburgis sila na rumaraket sa mga internasyunal na nongovernment organizations na may kaduda-dudang pagpopondo. (Inamin niya minsang tumanggap ang kanyang grupo ng pondo mula sa Ford Foundation, responsable sa tampok na pasistang panunupil sa Chile at Indonesia, pero nang wala umanong kapalit.)

Ngayon, nasa laylayan na sila ng mga naghaharing uri sa bansa at tiyak na humahakot ng mas malaking yaman at may tangan ng malaking kapangyarihan. Mahihirapan na silang umahon mula diyan.

Ang nagagawa nga naman ng malabnaw na linya at maraming pera!

26 Pebrero 2013