Kapirasong Kritika

Bakit Natalo si Risa Hontiveros?


Maraming naglabasang pagsusuri kung bakit natalo si Risa Hontiveros sa kampanyang maging senador sa kakatapos na halalan. Dahil inilarawan siya ng grupo niyang Akbayan Partylist na kandidatong alternatibo o maka-reporma, marami-rami siyang tagasuporta mula sa panggitnang uri. Utang sa mga nasa panggitnang uri ang paliwanag kung bakit siya natalo. At maraming dapat ipaliwanag. Muntik na […]

Maraming naglabasang pagsusuri kung bakit natalo si Risa Hontiveros sa kampanyang maging senador sa kakatapos na halalan. Dahil inilarawan siya ng grupo niyang Akbayan Partylist na kandidatong alternatibo o maka-reporma, marami-rami siyang tagasuporta mula sa panggitnang uri. Utang sa mga nasa panggitnang uri ang paliwanag kung bakit siya natalo. At maraming dapat ipaliwanag. Muntik na siyang manalo noong eleksyong 2010 at nagmukha pa ring malakas na kandidato ngayong eleksyong 2013.

Ayon mismo kay Hontiveros, masaya ang kampo niya sa resulta ng eleksyong 2010 dahil mula pang-23 sa sarbey ay naging pang-13 siya sa aktwal na ranggo. Aniya, Hunyo 2012 pa lang, kasama sigurado ang panahon ng kampanya para ipasa ang Reproductive Health (RH) Bill, ay naghahanda na ang kampo niya para sa eleksyon ngayong taon. Pangako niya bago ang simula ng kampanya, mas matinding pangangampanya ang gagawin niya. Hindi rin kaila na marami-raming pera ang ibinuhos sa mga patalastas niya sa telebisyon at radyo, kahit bago pa ang opisyal na panahon ng kampanya. Sa usaping ito, tinapatan niya ang mga kandidato mula sa mga naghaharing uri. Maging ang malapit niyang alyadong si Pang. Noynoy Aquino, todong ikinampanya siya.

Pero mas masagwa ang pagkatalo ngayong eleksyon ni Hontiveros. Bumaba ang botong nakuha niya at ang ranggo niya sa karera, kahit pa maipagpapalagay na ipinandaya siya ng rehimeng Aquino para mapataas ang bilang ng boto niya. Ganoon din ang kanyang partylist na Akbayan. Siguradong napakasakit para sa Akbayan ang pagkatalo niya ngayon. Maliban na lang kung may masamantala siyang malaking isyu, ito na ang katapusan ng krusada niyang maging senador.

Ang problema, marami sa mga naglabasang pagsusuri sa pagkatalo ni Hontiveros ay humahango ng lakas sa, at nagpapatatag ng, mga ilusyon tungkol sa eleksyon. O kaya nama’y tila inililihim sa publiko ang mga tunay na dahilan ng pagkatalo – o talagang hindi matumbok ang mga ito.

(1) Sabi ni Sen. Franklin Drilon, simple lang ang dahilan kung bakit natalo si Hontiveros: Hindi siya nakatipon ng sapat na boto para talunin ang mga “brand names” na tumakbo. Kakatwa ang paglalarawan sa mga kandidatong nanalo bilang mga “brand names” na para bang nagpipilit maging kaakit-akit sa mata ng mga botanteng may lubos na kapangyarihang bumili o pumili – ng sa tingin nila’y “sulit” para sa kanilang boto.

Itinatago at pinapaganda nito ang kalakaran ng eleksyon sa bansa, partikular ang kakayahan ng mga makapangyarihang kandidato – lalo na iyung galing sa pinakamalalaki sa mga naghaharing uri sa bansa – na manlinlang, bumili ng boto, at sa dulo’y mandaya, at sa elektronikong pamamaraan ngayon. Pero may kabuluhan ang tunguhin ng pagsusuri ni Drilon, ang iugnay ang kandidatura ni Hontiveros sa kandidatura ng mga nanalo.

Umaasta man si Hontiveros na parang bangaw na nakatuntong sa likod ng kalabaw, hindi pa rin siya kabilang sa mga pinakamalalaki sa mga naghaharing uri o sa mga suportado ng mga ito. Hindi rin siya kasama sa ilang sikat na personalidad na nananalo sa eleksyon kahit hindi kabilang sa nabanggit na grupo. Hindi kataka-takang ang mga taga-United Nationalist Alliance (UNA) na pumasok sa Senado ay mga anak ng tatlong pinakamalaking pangalan sa UNA: anak ni Jojo Binay, anak ni Erap Estrada, at si Gringo Honasan, anak-anakan ni Juan Ponce Enrile.

Mekanismo ang eleksyon ng mga naghaharing uri para paghatian ang yaman at kapangyarihan na makakamit sa gobyerno. Inetsapwera si Hontiveros dahil hindi siya kabilang sa mga pinakamalalaki sa naghaharing uri. Alam din ng rehimeng Aquino na mala-aso ang katapatan ng Akbayan at pwedeng ilaglag ang kandidato nito sa pagiging senador pero magiging tapat pa rin ito sa rehimen hanggang kamatayan.

Kakatwa: Patuloy na nagpapalaganap ang Akbayan ng ilusyong may puwang para sa mga “tagalabas,” at “progresibo” pa nga, sa “demokratikong espasyo” ng kasalukuyang sistemang panlipunan at ng rehimeng Aquino. Pero mismong karanasan nila ang nagpapakitang kasinungalingan ito – nagkompromiso at nagpalabnaw na nga sila ng mga progresibong paninindigan at lahat.

(2) Sinisi naman ni Sen. Serge Osmeña, na tumulong sa kampanya ni Hontiveros, ang hindi tuluy-tuloy na paggamit ng kandidato sa imahen ng pagiging palaban, gaya ng ipinayo niya. Noong una’y malambot ang imahen ni Hontiveros; inihabol na lang ang paggamit niya sa alampay para saltikan ang mga tiwali sa pamahalaan. Sang-ayon kay Osmeña si Prop. Randy David, na nagsasalita sa hindi malamang kapasidad kung bilang propesor ng Sosyolohiya o opisyal ng Akbayan. Pero, aniya, hindi rin naman masama ang “pagpapalambot” sa imahen ni Hontiveros – pagdadalawang-isip na patunay ng kawalang-katiyakan sa taktika, na isang kahinaan.

Kaugnay ng imahen ng pagiging palaban, may pundamental na tanong si Prop. Nicole Curato: “Pero sino ang nilalabanan mo sa puntong ito?” Wala na si Gloria Macapagal-Arroyo at si Noynoy Aquino na ang pangulo; wala na ang dating kalaban ng Akbayan at kakampi na nito ang nakaupo. Sabi pa niya, umasa masyado si Hontiveros sa “boto ng kababaihan,” na isang kwestyonableng nilalang sa bansa.

Kakatwa rin ang ganitong paglalarawan sa eleksyon na parang labanan lang ng mga imahen na walang kinalaman sa mga kongkretong tindig sa mga isyung pampulitika. May katotohanan marahil ang ganito sa marami sa mga pulitiko ng naghaharing uri, pero hindi kay Hontiveros sa tinakbo ng eleksyon ngayong taon.

May hindi nabanggit sa mga pagsusuring ito: ang papel, at tampok na papel pa nga, ni Hontiveros sa pagkapasa ng RH Bill. Hinubog nito ang imahen niya. Malinaw na gusto ng kampo niyang “angkinin” ang tagumpay ng pagkapasa sa naturang batas. Pero mahirap maging palaban ang isang kandidato sa pagtutulak ng RH Bill, kahit noong kasagsagan ng isyung ito. Paano, hati ang tindig rito ng publiko at mag-uudyok ang palabang pagtutulak ng RH Bill ng galit na kontra-kampanya ng Simbahang Katoliko.

Kaya mula sa pagiging palaban noong 2010, kinailangang maging malambot ang imahen ni Hontiveros ngayong 2013. Pero kahit sa ganito tama si dating Kong. Mitos Magsaysay: Naging puntirya pa rin ng kontra-kampanya ng Simbahang Katoliko si Hontiveros.

Dahil sa RH Bill, talagang nagbago ang imahen ni Hontiveros mula sa pagiging palaban noong 2010 patungo sa pagiging malambot nitong 2013. Kinakalaban niya noon ang pangulong nakaupo; kinakatawan niya ngayon ang isa sa mga mayor na patakaran ng pangulong nakaupo – na, banggitin pa, ay itinulak ng mga institusyong imperyalista.

Nawala ang pagiging “aktibista” ni Hontiveros at sa gayo’y naging katulad lang ng ibang kandidato. Itinali niya ang sarili sa isyung pinagtatalunan pa ng publiko at ikinakagalit ng Simbahang Katoliko na isang makapangyarihang grupo sa  bansa. Marami-raming bawas sa boto ang idinulot ng lahat ng ito.

(3) Lumalabas naman kay Prop. Prospero de Vera na nasobrahan sa tiwala sa sarili ang kampo ni Hontiveros. Inakala raw na pang-13 ang baseng lakas ng kandidato, gayung pang-18 lang talaga. May batayang sabihin ito, lalo na’t sa mga unang interbyu ni Hontiveros ay walang humpay siya sa paggigiit na malapit na siyang manalo noong 2010, na para bang kaya siya dapat iboto ay dahil kaya niyang manalo.

Pero kumpyansa itong nakatali sa pagiging sunud-sunuran sa rehimeng Aquino. Dahil kahit noong nagbago nang bahagya ang kanyang kampanya, at idiniin ang pagiging palaban, isyu pa rin ng rehimen ang sinaltik niya: ang katiwalian o korupsyon. Na hindi mainit na isyu sa tinakbo ng pulitika ng bansa bago ang eleksyon. At kahit noong mainit na isyu ay hindi direkta ang tama sa sikmura ng nakakaraming naghihirap sa bansa. Alam ito maging ng kampo ni Aquino, kaya isinilang ang “Kung walang corrupt, walang mahirap.”

Noong kampanya, ang ibang pulitiko, kahit iyung mga galing sa mga naghaharing uri, ay walang habas na nagsasalita tungkol sa trabaho, sahod, presyo, kabuhayan. Kung umasta’y akala mo’y mga lider sila ng Kilusang Mayo Uno o Anakpawis Partylist. Malamang, iniwasan ng kampo ni Hontiveros ang ganitong mga isyu, dahil malinaw na tuturol at tatama sa rehimeng Aquino. Iniwasan nila ang isyung maka-uri at nagpokus sa mga isyung mapag-iilusyonang tumatahi sa mga uri. Masyadong matapat na parang aso ang Akbayan kay Aquino sa puntong kahit sa kabutihan nito ay nakakasama na.

(4) Nakasama rin, sa halip na nakabuti, kay Hontiveros ang paghamon sa debate at pag-upak ng kampo niya kay Nancy Binay. Itinago pa ang disenyo: Kunwari, hindi direktang hinamon si Nancy, pero madali namang makita ang totoo.

Sabi ng komentaristang maka-Aquino na si G. Manuel Buencamino: “Dapat nagpokus siya sa ibang kandidato ng UNA na magpapatingkad sa rekord niya sa karapatang pantao, anti-korupsyon at serbisyo publiko [sic]. Pero hindi niya ito ginawa. Kaya ang tanging tatak na iniwan ng pag-atake niya kay Nancy Binay ay ng isang mestisa na pinag-iinitan ang katulong.” Sa madaling salita, hindi napatampok si Hontiveros ng hakbangin, nagmukha pa siyang kontrabida sa mata ng masa.

Bakit nga naman si Nancy ang kinalaban? Wala nga siyang masyadong karanasan, pero ang marami naman sa mga tumatakbo, ang mayamang karanasan ay kasamaan sa bayan. Bakit hindi si JV Estrada o Gringo Honasan, kung taga-UNA lang din? Nagpapakilalang maka-babae, pero bumanat sa isa ring babae – at nag-udyok ng paglabas ng maraming kontra-babaeng sentimyento. Nagpapakilalang palaban at malakas, pero kapwa-babae pa rin ang kinakaya!

Sabi ni Buencamino, “Imumungkahi ko sanang barilin niya ang gumawa ng estratehiya ng kanyang kampanya pero mas masaya kung tadtarin iyun nang pino.” Pero hindi lang ang gumawa ng estratehiya ni Hontiveros ang may pananagutan, kundi ang buong Akbayan. Si Nancy ang pinuntirya ni Hontiveros dahil sa katapatan ng Akbayan kay Aquino – iniwasan ang maraming kasuklam-suklam na personalidad sa Team P-Noy at tumutok sa pinakamalakas na kandidato ng UNA.

(5) May dagdag pa ang blogger na si G. Epi Fabonan III – ang palatandaang alampay ni Hontiveros na hindi pang-masa, kundi pang-mayaman. Dapat daw natuto si Hontiveros kina Sonny Angara at Nancy Binay, na parehong nagpakasimple sa kasuotan dagdag pa sa kutis nilang kayumangging kaligatan. Si Hontiveros, Señora Santibañez na nga ang itsura, naging mapagmataas pa ang porma.

Kapansin-pansin din ang asta ni Hontiveros. Si Loren Legarda, halimbawa, ay tinitimpi ang kakayahang umarte para magmukhang pormal. Ang gusto niyang palabasin, senador siya na nagpipilit maging artista. Pero si Hontiveros, todo-labas ng kakayahang umarte. Para siyang artistang nagpipilit maging senador. Isa ito siguro sa mga nasa likod ng dating niyang hayok sa kapangyarihan.

Marami pang sekundaryang salik na nakabawas sa boto niya – ang nabalitang pamimili ng boto ng administrasyon para kay Hontiveros, ang pagbaluktot ng Philippine Daily Inquirer ng estadistika para palabasing pasok siya sa 12 panalong senador na ginawang headline sa mismong Araw ng Paggawa, at iba pa.

01 Hunyo 2013