Migrante

Mga nominado ng OFW Family sa Kamara sangkot sa kontrobersiya, kinukuwestiyon ng Migrante


Binatikos ng Migrante International si Roy Seneres Sr. ng OFW Family Party-list sa umano’y “pagsho-shopping” ng mga nominado para punan ang bakanteng mga puwesto nito, at pagtatalaga kay Jo Christine Napoles sa ikalawang puwesto ng naturang partido sa Kongreso. Seryoso ang usapin na ito, saad ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International at naging unang nominado ng […]

Garry Martinez ng Migrante International (ST Exposure / File Photo)
Garry Martinez ng Migrante International (ST Exposure / File Photo)

Binatikos ng Migrante International si Roy Seneres Sr. ng OFW Family Party-list sa umano’y “pagsho-shopping” ng mga nominado para punan ang bakanteng mga puwesto nito, at pagtatalaga kay Jo Christine Napoles sa ikalawang puwesto ng naturang partido sa Kongreso.

Seryoso ang usapin na ito, saad ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International at naging unang nominado ng Migrante Party-list noong nakaraang eleksiyon, dahil batbat ng iregularidad ang naturang pagtatalaga.

“Dumadating tayo sa mga tanong na kung sino ba talaga ang nasa likod ng party-list (na OFW Family). Ang pagsa-shopping ba ito ng mga nominado ay may kaugnayan sa pondo at iba pang pabor na nagawa para sa party-list noong nakaraang eleksiyon?” tanong ni Martinez.

Bakante ang mga posisyon sa ikalawa hanggang ikalimang posisyon ng OFW Family Party-list dahil sa “pagbibitiw” ng dalawang nominado nito. Di nagdeklara ng US citizenship ang isa, habang si Napoles naman ay hindi pinayagan ng Commission on Elections (Comelec) na tanganan ang posisyon bilang pangalawang kinatawan nito sa Kamara.

Si Jo ay anak ni Janet Lim Napoles ng JLN Trading, na kasalukuyang nagigisa sa kontrobersiya ukol sa “pekeng NGO” na humuthut umano ng P10 Bilyong pork barrel ng mga kongresista at senador. Ayon pa sa mga ulat na nakalap ng Migrante, mismong mga anak ni Seneres ang nagnomina kay Napoles dahil “matagal na kaibigan” na ni Seneres si Jo Napoles.

“Ang limang ito ay hindi kasama sa orihinal na listahan na isinumite ni Seneres nang una silang nag-apply para sa Comelec accreditation para sa party-list,” puna ni Martinez.

Kinukuwestiyon: OFW Family Club Rep. Roy Seneres (Mula sa Facebook account ng OFW Family Club)
Kinukuwestiyon: OFW Family Club Rep. Roy Seneres (Mula sa Facebook account ng OFW Family Club)

Sina dating Ambassador Roy Seneres, Sr., ang anak niyang si Seneres, Jr., isa pang babaing anak na si Hannah Seneres-Francisco, at si Melchor Rosales na isang seaman ang bumuo ng orihinal na listahan ng party-list. Nang napagwagian ng naturang partido ang dalawang puwesto para sa Kamara, pinagbitiw ang magkapatid na Seneres at si Rosales, para palitan nina Juan “Johnny” Revilla at ni Napoles.

Matapos ang eleksiyon, tinanggal ni Seneres si Revilla dahil sa kanyang US citizenship, at sinabing si Napoles ang papalit kay Revilla sa ikalawang posisyon. Ngunit hindi nangyari na umakyat ng puwesto si Napoles dahil sa isang ruling na Comelec na hindi siya kasali sa opisyal na listahan ng mga nominado ng party-list.

Matatandaang si Revilla ay project manager ng Placewell Manpower, isang recruitment agency na tinalagahan ng Comelec na magpatakbo ng PCOS machines noong nakaraang halalan ng 2010. Isa ang Placewell sa tatlong kompanya na nanalo ng kontrata galing sa Smartmatic-TIM upang maglagay ng 50,000 IT technicians na responsable sa pagpapatakbo ng 82,000 PCOS machines noong 2010 presidential elections.

Idinagdag pa ni Martinez na notoryus ang naturang placement agency sa dami ng kaso nito ng illegal recruitment, contract substitution at iba pang paglabag sa mga kontrata laban sa mga OFW.

Kailangan din umano magpaliwanag ang Comelec ukol sa pagsusumite ng pangalan at biglaang paglilipat ng mga nominado, sabi ni Martinez. Kakatwang naghihigpit umano ang ahensiya pagtupad sa  rekisitos ng mga grupong party-list noong nakaraang eleksiyon. “Nakalagpas lang ba ito sa kanila? Lumalabas ngayon na party-list ito ng mga magkakamag-anak at magkakaibigan,” dagdag ng lider-migrante.

Kinukuwestiyon tuloy ni Martinez kung talagang sinsero ang OFW Party-list bilang kinatawan ng sektor ng OFW na parehas niyang kinabibilangan. “Paano nito masasabing kinakatawan niya ang mga OFW kung ang interes mga representante nito ay taliwas sa mga interes ng mga OFW, at mga mga botante?” pagtatapos ni Martinez.