10 istoryang pinalampas ng midya noong 2013
Nitong nakaraang taon, tila mas sumikat ang katawagang “yellow media” bilang bansag sa media organizations na kadalasang paborable kay Pangulong Aquino at sa kanyang administrasyon ang coverage. Ayon sa mga kritiko nito, lalong nalantad ang kanilang bias pabor sa administrasyon matapos salantahin ang bansa ng bagyong Yolanda—international media pa ang pinakamaingay na naglantad sa anila’y pagpapabaya ng […]
Nitong nakaraang taon, tila mas sumikat ang katawagang “yellow media” bilang bansag sa media organizations na kadalasang paborable kay Pangulong Aquino at sa kanyang administrasyon ang coverage. Ayon sa mga kritiko nito, lalong nalantad ang kanilang bias pabor sa administrasyon matapos salantahin ang bansa ng bagyong Yolanda—international media pa ang pinakamaingay na naglantad sa anila’y pagpapabaya ng administrasyon sa mga mamamayang nangangailangan ng kagyat na rescue at relief ilang araw matapos ang bagyo.
Pero sa palagay natin, hindi lamang “dilaw” ang dominanteng midya. Likas dito ang tinatawag sa mga pag-aaral sa pamamahayag na “establishment bias” o bias pabor sa mga namumuno at sa namamayaning sistema. Kung kaya, mas pinahahalagahan nito ang punto-de-bista ng gobyerno sa mga isyung pambayan, at may angking kawalan-ng-tiwala ito sa mga kumokontra sa gobyerno.
Taun-taon mula 2009, tinutukoy ng Pinoy Weekly ang sampung pinakamalalaking istorya na sadyang di-kinober ng dominant media, o kaya naman di binigyan ng palagay nami’y sapat na panahon at espasyo para ipaliwanag ang mga isyung pumapalibot sa istoryang ito. Ito ang mga istorya ng mga mamamayan, ang kanilang mga paghihirap at paglaban. Ang aming pangarap, ngayong 2014 o sa malapit na hinaharap, mabibigyan na ng sapat na espasyo ang mga istoryang ganito. Nangangarap tayo ng isang midya na bibigyan ng sapat na puwang at prayoridad ang boses ng mardiyalisadong mga mamamayan.
(Basahin ang 10 istoryang pinalampas ng midya noong 2009, 2010, 2011 at 2012)
Ang sampu, walang partikular na pagkakasunud-sunod:
Pandarahas at pagkait ng lupa sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita
Isa sa pinakamalaki at dramatikong istorya ng tunggalian–sa pagitan ng asenderong Cojuangco-Aquino sa isang banda, at ng masang magsasaka sa kabila–ang pakikibaka para sa repormang agraryo sa Hacienda Luisita. Ngunit simula nang pinal na magdesisyon ang Korte Suprema na ipamahagi ang lupa, tila ibinaon na rin ang isyu, na para bang basta’t nagtagumpay ang laban sa larangang legal ay nagtagumpay na rin ito sa aktuwal. Kabaligtaran, siyempre, ang nangyayari. Lubhang nakakabahala ang mga kaganapan sa asyenda ngayong taon, na madalas hindi ibinabalita.
Kung pagbabatayan lamang ang mga press release ng Department of Agrarian Reform (DAR)–at maraming midya ang gumagawa nito–mabilis at maayos ang pamamahagi ng lupa, kulminasyon ng deka-dekada nang pangarap ng mga magsasaka. Pero kung pagbabatayan ang ulat ng mga magsasaka at sitwasyon sa lugar, malinaw na ginagawa ng mga Cojuangco-Aquino ang lahat para manatiling kanila ang asyenda.
At nag-uumapaw naman ang suporta ng administrasyong Aquino sa angkan ng Pangulo. Narito ang pangunguna mismo ng tiyuhin ng Pangulo na si Peping Cojuangco sa sarbey ng DAR na nag-e-exempt ng malawak na lupain, pag-raffle ng mga lupain at di-pagkilala ng DAR sa mga lupang binubungkal ng mga magsasaka, pagbabakod ng Tarlac Development Corp. (Tadeco) ng mga Cojuangco sa daan-daang ektarya sa Brgy. Cutcut at Balete, at pagdeploy ng militar at pulisya (na todo-armado at lulan ng mga tangke) sa loob ng asyenda.
Sa pagdaan ng taon, umigting ang pandarahas. Binugbog hanggang sa mamatay sa loob ng kanyang tahanan ang magsasakang si Dennis dela Cruz, matapos siyang bantaan dahil ayaw niyang lisanin ang lupang inaangkin ng Tadeco. Sa isang fact-finding mission, inaresto si Anakpawis Rep. Fernando Hicap at sampung iba pa. Bago lamang sumapit ang Pasko, binuldoser ang tanim ng mga magsasaka at pilit silang pinalayas. Sa pinakahuling ulat, nag-iikot ang mga lalaking naka-motor sa mga barangay, binabantaan ang mga magsasaka.
Punto-de-bista ng maralitang lungsod sa ‘paglilinis’ ng mga estero
Nang ideklara ni Pangulong Aquino na libu-libong maralitang pamilya ang kailangang lisanin ang mga tabing-estero dahil umano’y binabarahan nila ang daluyan ng tubig at nagiging sanhi ng pagbaha sa Kamaynilaan, maraming panggitna at nakatataas na uri (middle and upper class) ang natuwa, kabilang na rito ang midya na naging pabaya sa pag-uulat ng punto-de-bista naman ng mga maralita, o di kaya’y naging antagonisto pa sa punto-de-bistang ito.
Maraming katotohanan ang nasakripisyo sa makitid at di-siyentipikong pananaw ng gobyerno na nag-a-absuwelto sa sarili niyang pananagutan sa tumitinding pagbaha. Ayon sa mga eksperto, kadalasan ang pagbaha ay street level flooding na mula sa palyadong drainage systems at hindi mula sa mga estero. At marami pang ibang salik sa pagbaha na piniling huwag harapin ng gobyerno–gaya ng pagtatayo ng malalaking establisimyento sa mga daluyan ng tubig, land reclamation, at pagkalbo ng kagubatan–dahil negosyo ang tatamaan.
Sinasabing isang enggrandeng plano ng gobyernong Aquino ang pagpapalayas sa mga maralita para mailibre ang lupa para sa mga mamumuhunan sa ilalim ng mga Public-Private Partnership, o di kaya’y ilagay ang mga maralita sa pabahay sa malalayong lugar na walang trabaho dahil negosyo ito ng mga debeloper na konektado sa Malakanyang. Anu’t anuman, hindi muna itinuloy ng gobyerno ang malawakang pagpapalayas nang biglang pumutok ang pork barrel scam. Gayunpaman may mga ipinatupad pa ring demolisyon na nilabanan naman ng mga maralitang residente. Makatuwiran silang nanawagan hindi lamang ng pabahay, kundi ng trabaho. Ngunit marami sa midya ang piniling hindi makita ang katuwirang ito, piniling hindi makita ang dustang kalagayan sa mga relokasyon, lalo pa ang totoong mga sanhi hindi lamang ng pagbaha, kundi ng karalitaan sa kalunsuran.
Welga at paglaban ng mga manggagawa
Isang araw noong Abril 2013 nalaman na lang ng mga manggagawa ng Pentagon Steel Corp. sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City na tanggal na sa trabaho ang mahigit 140 sa kanilang mga miyembro ng unyon. Malaking kompanya sa isang batayang industriya ng bakal ang Pentagon. Nagtirik ng welga ang mga manggagawa. Pero hindi sila masyado pinansin ng mainstream media. Maraming beses silang tinangkang buwagin—kakutsaba pa ang lokal na pulisya. Sinuportahan sila ng progresibong mga organisasyon, kabilang ang mga manggagawa sa iba pang unyon. Noong Hulyo, isang security guard ang namatay matapos tangkaing sagasaan ng trak ng manedsment ang piketlayn ng mga manggagawa. Pinagbabato sila ng bato at bote ng asido ng mga tauhan ng manedsment. Pero di natinag, hanggang ngayon, ang nagwewelgang mga manggagawa.
“Krisis naming manggagawa, happiness ng Coke!” ang dala namang plakard ng mahigit 200 manggagawa ng Coca-Cola Bottlers Phils. na miyembro ng Unyon ng Manggagawang Driver, Forklift Operator, at Picker (UMDFP) sa Sta. Rosa, Laguna—ang pinakamalaking planta sa Asya ng pinakasikat na soft drink sa buong mundo. Nagwelga sila matapos ang patuloy na pagtanggi ng manedsment na kilalanin ang kanilang mga karapatan, kabilang ang karapatang mag-unyon. Halos 100 porsiyento ang paralysis ng welga sa operasyon ng planta. Tatlong araw lang matapos ang welga, nakipag-usap na ang manedsment, at nangakong tutupdin ang hiling nila, kabilang ang pagregularisa ng mga manggagawa at pagkilala ng kanilang unyon. Pero walang malaking coverage ito sa mainstream media. Hindi nakapagtataka, dahil Coke ang isa sa pinakamalaking advertiser nila.
Samantala, mismong midya naman, o mga manggagawa nila, ang nagpoprotesta ngayon sa pangatlong pinakamalaking estasyon ng telebisyon (TV-5). Tulad ng hinaing ng iba pang manggagawa sa iba ring estasyon ng TV, ipinoprotesta nila ang pagmamantine ng polisiya ng kontraktuwalisasyon na umiipit sa maraming karapatan at benepisyo nila. Tulad ng inaasahan, hindi rin nakober ang mga protestang ito—sa mismong estasyon man nila o kahit sa iba (na nagpapatupad din ng kontraktuwalisasyon sa sarili nilang mga manggagawa).
Rotational access ng mga tropang US sa Pilipinas: ang nilulutong kasunduan
Sinasabing mas matindi pa sa panunumbalik ng mga baseng militar ng US sa bansa ang pagbubukas ng Pilipinas sa rotational access ng mga tropang Amerikano. Ang rotational access ay isang kasunduan na hinalaw noong 2013 sa mga pag-uusap sa pagitan ng gobyernong Aquino at Obama sa Washington at Maynila. Sikreto sa kalakhan ang mga negosasyon. Pero batay sa mga pahayag ng gobyerno, magbibigay ang rotational access ng kalayaan sa militar ng US na gamitin ang ating mga daungan at paliparan, magtayo ng mga imprastruktura, magtambak ng mga kagamitang militar, at maglagi ang mga tropang Amerikano, saanmang lugar sa bansa. Kumpara sa Visiting Forces Agreement at kahit sa US Bases Treaty, di hamak na mas malawak na kapangyarihan ang ibibigay ng rotational access agreement sa militar ng US para gawing lunsaran ang bansa ng iba’t iba nitong mga aktibidad sang-ayon sa pagpoposisyon ng sarili bilang superpower sa rehiyon ng Asya-Pasipiko.
Bumisita kay Pangulong Aquino sina US Defense Secretary Chuck Hagel US State Secretary John Kerry para siguruhin ang pag-usad ng mga negosasyon (dapat darating din mismo si US Pres. Barack Obama, hindi lamang natuloy dahil sa US government shutdown). Ngunit mismong matataas na opisyal ng gobyernong Aquino na ang nangunguna sa pagsisiguro sa publiko na makabubuti para sa bansa ang kasunduan–dahil umano sa banta ng Tsina, dahil sa tulong ng mga tropang Amerikano sa panahon ng sakuna.
Kakaunti ang mga ulat sa midya na nagpapalalim sa totoong adyenda ng US sa bansa at kung bakit anti-mamamayan ang kanilang presensiya. Ang mahalagang usapin ng soberanya ng bansa ay naisasantabi sa pag-uulat hinggil sa sigalot sa Tsina at ‘pagtulong’ ng mga tropang Amerikano. Ang pagsagasa at pagwasak ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero–na wala ni singkong kompensasyon at pag-amin ng kamalian–ay mabilis ding natabunan.
Bagong kasunduan sa WTO at epekto nito sa Pilipinas
Pinoy Weekly lang ang midya na nakabase sa Pilipinas na nagkober sa mismong 9th Ministerial Meeting ng World Trade Organization (WTO MC9) sa Bali, Indonesia. Kahit malapit lang sa Pilipinas ang venue, walang ni isa sa mainstream media sa Pilipinas ang nagkober sa pulong ng isa sa pinaka-epektibong instrumento ng industriyalisadong mga bansa para makontrol at makopo ang merkado ng mahihirap (“developing” ang tawag nila) na bansa tulad ng Pilipinas.Isa sa pangunahing napagkasunduan sa WTO MC9, sa ilalim ng tinaguriang “Bali Package”, ang kasunduan hinggil sa trade facilitation. Dito, inoobliga ang lahat ng bansang miyembro ng WTO na gawing istandard ang mga patakaran, batas, buwis, pasilidad, atbp. sa pagpasok ng imports mula sa ibang bansa. At dahil developed countries, pangunahin ang US at European Union, ang dominante sa pag-aangkat ng kanilang mga produkto, pabor sa kanila ang kasunduang ito. Pinatatatag lamang ng kasunduan ang neoliberal na mga polisiya na nagpapanatili sa dominasyon ng US, EU at iba pang industriyalisadong bansa sa maliliit at mahihirap na mga bansa tulad ng Pilipinas.
Samantala, isang alternatibong pagtitipon ang isinagawa rin sa Bali kasabay ng WTO MC9. Naganap ang isang People’s Global Camp (PGC) na inorganisa ng Indonesian People’s Alliance (IPA) at dinaluhan ng iba’t ibang delegado mula sa ibang bansa kabilang ang Pilipinas. Layon ng PGC na pasubalian ang propagandang ipinapakalat ng WTO, at kondenahin ito bilang instrumento ng imperyalismo sa daigdig.
Adyenda sa ‘pagtulong’ ng tropang US matapos ang Bagyong Yolanda
Dahil sa kadusta-dustang kalagayang iniwan ng gobyernong Aquino ang mga biktima ng Bagyong Yolanda, naging oportunidad ang kalamidad para sa napakalaking deployment ng mga tropang Amerikano sa Leyte at Samar na may mukhang humanitarian. Siyempre pa’t mainit silang sinalubong ng mga mamamayang pinabayaan ng sariling gobyerno. Ngunit nasa lugar pa rin, at napakahalaga, ng pagtatanong at pag-uusisa sa kondukta ng US doon. May ilang ulat na ang US ang nagpatakbo ng control tower na paliparan ng Tacloban, at na kontrolado rin nila ang command center sa Cebu ng lahat ng internasyunal na puwersang tumulong sa rescue at relief.
Lalo na ngayon at sinisimulan na ang rehabilitasyon sa mga nasalantang lugar, mahalagang makita kung anong klaseng presensiya ang itinatayo roon ng mga tropang Amerikano. Ngunit wala nang nangangahas mag-alam at magtanong man lang, matapos tayo bahain ng sangkatutak na mga imahe ng ‘pagsagip’ ng mga sundalong US sa mga biktima. Kakaunti rin sa midya ang nagpunto sa napakahalagang estratehikong interes sa likod ng misyong humanitarian ng US: ang kanilang pagpihit sa Asya-Pasipiko bilang erya ng dominasyong pang-militar at pang-ekonomiya. Siyempre at nagamit na ng mga opisyal ng gobyerno ang pagtulong ng mga tropang Amerikano sa mga biktima ng Bagyong Yolanda para ipakita sa publiko na mahalaga ang kasunduan sa rotational access.
Kung tutuusin, napakaraming tropa at puwersa mula sa ibang bansa ang tumulong, at nakarating sana ang lahat ng tulong nang maayos at maagap kung naging sinsero at seryoso ang sarili nating gobyerno. Hindi na kakailanganin ang mala-okupasyon ng US na naganap–at patuloy na nagaganap–sa Kabisayaan, sa ngalan ng kalamidad.
Makailang beses na itong naganap sa ibang bansa, gaya ng earthquake sa Haiti at tsunami sa Timog Silangang Asya, na naging dahilan ng pagdating at pananatili ng militar ng US, at ng kasunod nitong pagbukas ng mga nasalantang lugar sa mga negosyong US (na lalong di-naiuulat). Halimbawa, ipapagamit ng kompanyang Monsanto sa mga magsasaka sa Leyte at Samar ang GMO na mga binhi para tulungan silang makabangon. Ang totoo, hindi ito aktong humanitarian kundi pagbubukas ng merkado.
Pagsasapribado sa Philippine Orthopedic Center
Noong Nobyembre, habang abala ang bansa sa paglilikom ng relief goods para sa milyun-milyong mamamayang Pilipino na nasalanta ng bagyong Yolanda, tahimik na inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA) ng administrasyong Aquino ang kontrata sa Megawide Construction Corp. para “imodernisa” ang Philippine Orthopedic Center (POC) sa Quezon City. POC ang tanging pampublikong orthopedic center sa bansa, na naglilingkod pangunahin sa maralitang mga pasyente.
Itinuturing na priority project ng administrasyong Aquino sa ilalim ng programang Public-Private Partnership (PPP) ang “modernisasyon” ng POC.
Ipinoprotesta ng iba’t ibang sektor, kabilang ang organisadong hanay ng mga maralitang lungsod sa ilalim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), at mga kawani ng ospital at health workers sa ilalim ng Health Alliance for Democracy (HEAD), gayundin ang mismong mga kawani ng POC, ang anila’y mistulang pagsasapribado sa naturang ospital.
May mahabang karanasan ang mga kawani ng gobyerno sa pagsasapribado, tulad ng pagsasapribado ng industriya ng kuryente at tubig noong nakaraang dalawang dekada. Kasama ng pagsasapribado ang malawakang tanggalan sa mga kawani. Pero higit pa rito, kasabay ng pagsasapribado ng POC ang pagturing sa serbisyong pangkalusugan bilang negosyo—na siyang magaganap sa ilalim ng pribadong pagpapatakbo.
Sistematikong pandaraya ng eleksiyong 2013
Mas malala at sistematiko ang pandaraya sa ikalawang sabak ng bansa sa automated elections. Ito ang katotohanang pilit pinagtakpan ng gobyerno, at sa isang banda, maging ng midya, lalo na nang matapos na ang ‘demokratikong ehersisyo’ na ito at naideklara na ang mga panalo (na karamiha’y mga alyado ni Pangulong Aquino).Lubhang nabahala ang mga eksperto at watchdog sa mga naulit at nadagdagan pang kapalpakan ng Commission on Elections (Comelec), na nagbunga ng kawalan ng integridad sa lahat ng aspeto ng halalan, mula sa paghahanda, hanggang sa pagboto at pagbibilang. Gaya noong 2010, hindi isinabak sa totoong indipendyenteng rebyu ang source code (ang koda na nagtatakda ng resulta ng halalan at magsisigurong malinis ito), bagkus ay pakitang-tao lamang na isinapubliko ilang araw bago ang eleksiyon. Kaya naman isang nakakabahalang pattern ang lumabas sa mga resulta ng halalan ng senador sa halos lahat ng presinto–ang 60-30-10 na pabor sa mga alyado ni Aquino. Isa itong statistical improbability, ayon sa mga eksperto.
Hindi na ito inimbestigahan pa ng malaliman, at sa kalakhan ay naisantabi bilang isang conspiracy theory. Nang magsagwa ng pagdinig ang Senado hinggil sa dayaang ito, at kahit nang magsampa sa Court of Appeals ng writ of habeas data ang mga electoral watchdog, halos wala nang midya ang pumansin. Batay sa kanilang masusing pag-aaral na inilabas noong Nobyembre, kinumpirma ng AES Watch ang “sistematikong dayaan” na “mas malala pa” kaysa noong 2010. Ngunit malamang ay uungkatin na lamang muli ng midya ang katotohanang ito pagdating ng eleksiyong 2016.
Militarisasyon sa kanayunan, laganap na paglabag sa karapatang pantao sa bansa
Lalong bumangis ang programang kontra-insurhensiya sa bansa. Mas matitindi, mas laganap at mas masaklaw ang presensiya ng militar sa maraming sibilyang komunidad sa iba’t ibang probinsiya sa Pilipinas. Sa Nueva Vizcaya kung saan may malalaking kompanya ng mina ang may operasyon, matindi ang paglaban ng mga mamamayan. Tinatapatan ito ng matinding presensiya ng mga militar, sa ngalan ng Oplan Bayanihan–ang programang kontra insurhensiya ng administrasyong Aquino.
Sa Timog Katagalugan, iniulat ng mga grupong pangkarapatang pantao na mahigit 130 na ang kaso ng paglabag sa karapatang pantao (noon pang Hulyo) magmula nang magdeploy ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ng walong batalyon sa Timog Quezon at Bondoc Peninsula.
Sa mga probinsiya naman ng Albay, Sorsogon, Camarines Sur at Camarines Norte sa rehiyong Bikol, di bababa sa 40 sibilyan ang pinaslang mula nang maupo si Pangulong Aquino sa puwesto, ayon kay Vince Casilihan ng Karapatan-Bicol. Matindi rin ang presensiya ng militar sa mga komunidad na pinagbibintangan nitong sumusuporta raw sa mga rebelde.
Matindi rin ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao. Sa Compostela Valley noong Oktubre, halos 500 Lumad ang sapilitang napalikas sa kanilang mga komunidad dahil sa banta ng mga elemento ng 15th Infantry Battalion ng Philippine Army. Ayon sa mga lider-katutubo sa lugar, nandoon ang mga militar para protektahan ang operasyon ng malaking kompanya ng mina na Agusan Petroleum and Minerals Corp. Sa Misamis Oriental naman, iniulat ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) ang pagpatay sa dalawang lider-komunidad sa Brgy. Bagocpoc, Opol dahil sa pagtutol ng nila sa mga plantasyong palm oil at mina sa lugar. Nito lamang Disyembre, pinatay si Nickson Tungao sa isang marahas na demolisyon ng kanilang mga bahay sa Calangahan, Lugait, Misamis Oriental. Pinaslang naman ang isang lider ng tribong Mansaka na si Pedro Tinga sa Maco, Compostela Valley noong Disyembre 6, apat na araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.
Iniulat ng Karapatan na sa ilalim ng administrasyong Aquino (noong Disyembre), umabot na sa 152 ang extra-judicial killings at 168 ang tangkang pagpatay sa mga sibilyan, aktibista at lider. Umabot naman sa 18 ang sapilitang pagkawala, 358 ang ilegal na inaresto at ikinulong.
Samantala, lumalala rin ang kalagayan ng political prisoners, na dapat sana’y palayain na ng administrasyong Aquino. Marami sa kanila, kinasuhan ng gawa-gawang mga kaso. Sa kabila ng bisa ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig), nakakulong pa rin ang maraming konsultant at miyembro ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ang isa pa sa kanila, si Eduardo Sarmiento, ay hinatulan ng 20 hanggang 40 taon ng pagkakakulong—isang malinaw na paglabag sa Jasig. Pinalaya nitong Enero 2013 ang aktibistang manunulat at artista na si Ericson Acosta, pero ipiniit naman sa gawa-gawang akusasyon na rebelde siya ang makabayang siyentista at kolumnista ng Pinoy Weekly na si Prop. Kim Gargar.
Hindi gaanong naiuulat sa mainstream media, ang mga kasong ito. Hindi napatampok sa madla ang pangkalahatang klima ng kawalan ng respeto sa karapatang pantao sa bansa at ang tinaguriang klima ng impunity o kawalan ng pananagutan.
Istranded na mga Pilipino sa ibayong dagat
Buong taon noong 2013, kinalampag ng mga Pilipino sa Jeddah at Riyadh, Saudi Arabia ang mga konsulado ng Pilipinas para igiit ang mabilis na pagpapauwi sa kanila bago tuluyang maging biktima sila ng crackdown ng gobyernong Saudi.
Noong Nobyembre, patuloy ang pagpunta ng libu-libong istranded na mga Pilipino sa tent city sa Jeddah matapos mapalayas sila ng mga employer nila habang nagpapatuloy ang crackdown ng di-dokumentadong mga migrante. Target din ng naturang crackdown ang mga migrante na nagtatrabaho sa mga employer na kaiba sa nakalagay sa kanilang sponsorship visas, ayon sa Migrante International.
Minamaliit ng gobyerno ang problema, sa kabila ng tumitinding krisis ng mga Pilipino sa Saudi. Inirereklamo rin ng mga migranteng Pilipino na kahit iyung mga shelter na tumatanggap lamang ng halos 200 katao, pinarerenta o pinababayaran pa sa kanila, sabi pa ng Migrante.
Sa maraming diyalogo ng Migrante at mga OFW, mismong mga opisyal pa umano ng gobyerno ang nangunguna sa pagdedepensa at pagdadahilan ng gobyernong Saudi. Hinihiling ng Migrante sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsumite na ng diplomatic protest para maihayag ang mensahe sa gobyernong Saudi na di ito payag sa mga paglabag sa karapatang patnao ng mga Pilipino kahit pa undocumented o walang sapat na dokumento sila.
Maaalalang ganito rin ang naging tugon ng administrasyong Aquino sa krisis sa Sabah, Malaysia: gobyerno pa mismo ang nagpahayag ng pagpayag sa mga mapanupil na aksiyon ng gobyerno ng Malaysia kontra sa mga Pilipino roon.
Honorable mentions: Human trafficking ng Filipino teachers sa US; pagtaas ng mga ulat ng kaso ng karahasan sa kababaihan at bata, lalo na ng mga militar, pulis at “persons of authority”; koneksiyon nina Noynoy Aquino at Janet Lim-Napoles; mababang sahod ng mga manggagawa sa ilalim ng administrasyong Aquino; nakaambang pagsasapribado ng mga serbisyo ng gobyerno at tanggapan tulad ng telecommunications agencies at local water cooperatives; relief efforts ng mga organisasyong masa matapos ang bagyong Yolanda, at marami pang iba…