Kapirasong Kritika

Paniwala sa Pandaraya


Marami nang nalathalang sulating nagsisiwalat sa kabulukan ng eleksyong 2013: hindi lantad ang kondukta, batbat ng maanomalyang aberya, at kwestyonable ang kinalabasan. Ang tinutungo ng lahat ng ito: nagkaroon ng malawakan bagamat mas nakatagong pandaraya, kasama ang posibilidad na pre-programmed na antemano ang resulta. Ang problema sa eleksyong automated, gayunman, lalo na sa bersyong ginamit […]

Marami nang nalathalang sulating nagsisiwalat sa kabulukan ng eleksyong 2013: hindi lantad ang kondukta, batbat ng maanomalyang aberya, at kwestyonable ang kinalabasan. Ang tinutungo ng lahat ng ito: nagkaroon ng malawakan bagamat mas nakatagong pandaraya, kasama ang posibilidad na pre-programmed na antemano ang resulta.

Ang problema sa eleksyong automated, gayunman, lalo na sa bersyong ginamit sa Pilipinas, ay hindi matumbok kung saan mismo sa proseso at paano naganap ang pandaraya, gayundin kung sino ang aktwal na nagsagawa at nakinabang. Anu’t anuman, maituturo kayang naging puntirya ng pandaraya ang mga progresibong kandidato – si Kong. Teddy Casiño na tumakbong senador at ang mga progresibong partylist?

Masasabing kwestyonable ang bilang ng nakuhang boto ng mga progresibong kandidato. Si Casiño, nakatanggap lang ng 4.3 milyon. Mas mataas lang nang bahagya ito sa botong nakuha ng mga progresibong nauna sa kanya sa pagtakbo sa pagka-senador noong eleksyong 2010: si Satur Ocampo, 3.5 milyon ang boto habang si Liza Maza, 3.9 milyon.

Kapani-paniwala ba ito? Hindi ba’t malaki ang iniunlad ng kampanya ni Casiño sa batayan ng kampanya ng dalawa? Mas maagang naghanda sa eleksyon si Casiño. Mas matagumpay ang pagsisikap niyang lumabas sa midyang mainstream bago pa man ang panahon ng kampanya. Wala siyang bagahe ng pagsuporta sa isang kandidato sa pagka-presidente. Namaksimisa ng kampanya niya ang social networking sites. At umani siya ng malawak na suporta, kasama ang pag-endorso ng maraming sikat na personalidad.

Pagkatapos ng eleksyong 2010, sabi ni Prop. Miriam Coronel Ferrer, manunuring pampulitika, ang pangkat pa rin nina Ocampo at Maza ang pinakamalakas sa mga pampulitikang pwersang mula sa Kaliwa, sa malapad na pakahulugan nito, na tumakbo sa eleksyong partylist. Ang kabuuang boto noon ng mga progresibong partylist ay 3.2 milyon. Nananatili mang totoo ang obserbasyon ni Ferrer sa eleksyong 2013, bahagyang tumaas lang ang kabuuang boto ng mga naturang partylist at naging 3.3 milyon.

Muli, kapani-paniwala ba ito? Kung may mga partylist man na kilala ng marami dahil sa tuluy-tuloy na pagsangkot sa mga isyu ng nakakarami, iyan ay ang mga progresibong partylist. At kung may mga partylist man na agresibo sa pagpapalawak – na isinasapuso ang islogang “organisasyon, organisasyon, organisasyon” para sa pagbibigay-kapangyarihan sa mga mamamayan higit pa sa eleksyon – iyan ay ang mga progresibong partylist. Nadagdagan pa ang kanilang hanay ng Piston at Migrante na humatak ng bagong mga boto at tagasuporta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Matatandaan ang isang insidente noong Oktubre 2012. Noong bumisita si Pang. Noynoy Aquino sa New Zealand, tinanong siya tungkol sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas. Ang sabi niya, ayos lang ang kalagayang pangkarapatang pantao sa bansa. Paninira lamang daw ang mga akusasyon tungkol sa paglabag sa mga karapatang pantao at galing ito sa Kaliwa – na maliit lang ang hanay pero maingay. Ang patunay niya: nahuhuli sa mga sarbey ang kandidato nito sa pagka-senador na si Casiño.

May motibo samakatwid ang rehimeng Aquino, na sunud-sunuran sa mga imperyalista at kumakatawan sa mga naghaharing uri: ang palabasing kaunti lang ang tagasuporta ng Kaliwa, na matapat na kritiko ng rehimen, at maingay lang ito. Ang palabasing wala itong kakayahang katawanin ang mga mamamayan at ang interes nila. Ang palabasing wala o nabawasan na ang kagutuman at kahirapan, na siyang batayan ng paglakas ng Kaliwa, at umuunlad na ang bansa. Sa resulta pa lang, may gusto na itong palabasin.

Bukod pa diyan ang aktwal na pagpapahina sa pagtutol sa mga kontra-mamamayang patakarang itutulak nito, tulad ng pagbago sa Konstitusyong 1987. Papayagan ang 100% dayuhang pag-aari ng lupa at pampublikong yutilidad sa bansa. Tatanggalin ang mga limitasyon sa pagpasok sa bansa ng mga dayuhang tropang militar, maging ng armas-nukleyar. Nagsasabi man si Aquino na tutol siya sa panukala, hindi maitatanggi ang galaw ng malalaking kapitalista: kahit hindi tinatanong, tuluy-tuloy sa pagtutulak ang Makati Business Club at American Chamber of Commerce of the Philippines, halimbawa.

Masasabi nga kayang dinaya ang mga progresibong kandidato sa eleksyong 2013? Maihahanay kaya ito sa paniniwalang dinaya ni Marcos ang eleksyong 1986, dinaya ni Ramos ang eleksyong 1992, dinaya ni Macapagal-Arroyo ang eleksyong 2004, at hindi mabeberipika ang pagkapanalo ni Aquino sa automated na eleksyong 2010 – na bagamat pawang hindi napatunayan sa korte ay pinapaniwalaan sa iba’t ibang antas?

08 Hunyo 2013