Mangingisdang Kabitenyo, sinasakal ng reklamasyon, demolisyon
Sa gitna ng mga gumuguhong bahay at nagliliyab na komunidad, hindi tumitigil ang mga mangingisda ng Bacoor City sa Cavite sa paggigiit ng kanilang mga karapatan sa panirahan at kabuhayan.
Bago pa sumikat ang araw, gising na ang mga mangingisda sa mga barangay ng Talaba II at Zapote III sa Bacoor City, Cavite. Aayusin nila ang lambat, hahagilapin ang balde at magtitimpla ng kape bago sumampa sa bangka. Ang dagat lang ang tanging kabuhayang alam ng marami sa kanila.

Ngunit sa bawat paghila ng lambat, may kalabang naghihintay sa kanilang pagbabalik sa lupa. Hindi na ito bago, pero ngayon, mas matindi ang puwersa: tila isang sipit mula sa dalawang dambuhalang banta na sabay na gumigipit sa kanilang mga komunidad.
Dalawang mukha ng banta

Sa paglalakad sa kanilang komunidad, kitang-kita ang mga marka ng pagpapalayas. Ang ilang bahay ay may naka-spray na “X” at “LRT.” Ito ang nagsisilbing tanda na sila ay nasa “Danger Zone”—isang eupemismo para sa “nakatakdang gibain.”

Ito ang unang mukha ng banta: ang LRT-1 South Extension Project. Noong Marso 2024, nakatanggap na ng sulat ang mga residente ng Niog I at Talaba VII na nagsasabing hanggang pagtatapos ng buwan na lang sila doon. Kamakailan lang, inanunsiyo pa ang pagtatayo ng Talaba Station na eksaktong tatama sa pagitan ng mga estasyon ng Zapote at Niog.
Ang banta ay hindi na lang nakaamba. Nitong Okt. 20 hanggang 22, 2025, nagsagawa ang pamahalaang lokal ng Bacoor City ng isang post-relocation assessment para sa mga apektadong pamilya. Kinumpirma nitong marami na ang nakalipat sa Gen. Trias City, Cavite—isang lugar na malayo sa dagat na kanilang kabuhayan.

Ang ikalawang mukha ng banta ay ang mas malawak na reklamasyon. Kabilang dito ang 420 ektaryang proyekto ng Frabelle Fishing Corporation, ang 90 ektaryang Bacoor Inner Island Reclamation Project at ang Bacoor Diversion Road Project.
Ang mga proyektong ito’y direktang nakaugnay sa pamilya ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel at pamahalaang lokal ng Bacoor City na pinamumunuan ni Mayor Strike Revilla.
Lagablab na ‘disgrasya’
Kung ang demolisyon ay direktang pag-atake, ang sunog naman ay isang tila sinasadyang lagim.
Isa si Ricardo sa mga nakaranas ng tama ng bala, isang mandaragat mula sa Talaba II na nasunungan at nakatira sa mga pansamantalang tirahang yari kawayan at nakatayo malapit sa dagat. Si Ricardo ay mula noon ng pagkabata at nakatira sa Mindanao at gusto niya na tumira sa dagat para makahuli ng maraming isda. Lumipat siya sa ka-Maynilaan para magtrabaho bilang obero, natupad ang pangarap niya bilang mangingisda.

Tila wala nang nakatira sa mga kabahayan sa Talaba II at Zapote III. Bunsod ito ng isang malaking sunog noong Setyembre 2024 kung saan nasa 3,000 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Sa kasamaang palad, isa si Ricardo ay isa sa mga lumikas dahil sa sunog. Ang bahay niya ngayon ay isa sa mga floating house kasama ng kanyang bangka pati ang mga kagamitan nito.
Iisa ang espekulasyon ng mga residente: sinadya ang pagsunog para mapadali ang pagpasok ng mga dambuhalang proyekto tulad ng mga mall at kalsada.

Ang kanilang hinala ay hindi walang basehan. Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), mahigit 20 sunog na ang naitala sa probinsiya simula Enero 2024 na kadalasa’y nangyayari sa mga coastal area. Ang pinakahuli ay noong Hunyo 2025, kung saan muling nasunog ang Talaba II.
Ang pattern na ito ay matagal nang ginagamit na taktika para gipitin ang mga mangingisda. Dahil sa sunog, marami sa mga residente ang hindi na pinahintulutang makabalik o magtayo muli ng bahay.
Kabuhayang pinupulbos
Ang pinakamasakit para sa mga mangingisda ay ang pag-atake mismo sa kanilang kabuhayan: ang mga tahungan (mussel farms).
Noong Hunyo 2025, mahigit 100 pamilyang mangingisda ang nakatanggap ng abiso mula sa pamahalaang lokal ng Bacoor City na nag-uutos na baklasin ang kanilang mga floating kubo. Ito’y para bigyang-daan ang 420 ektaryang proyekto ng Frabelle.

Ang kautusang ito’y isang malaking sampal dahil ang lahat ng 22 proyektong reklamasyon sa Manila Bay ay opisyal na suspendido sa ilalim ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 2023. Pero kahit may suspensiyon, tuloy ang dredging.
“Simula no’ng nag-dredging, wala na kaming mahuli, sinira ang aming mga karagatan,” hinaing ni Aries Soledad ng Pamalakaya-Cavite. Wala rin silang natanggap na kompensasyon.

Ito ang dahilan kung bakit ang relokasyon sa Gen. Trias at Naic ay tiyak na kabiguan. Gaya ng sinabi ng isang mangingisda, babalik at babalik sila sa dagat dahil “dito ang aming pangunahing kabuhayan.”
Buhay na paninindigan
Sa gitna ng mga gumuguhong bahay at nagliliyab na komunidad, hindi tumitigil ang mga mangingisda.
Nagsampa sila sa Korte Suprema ng petisyon para sa writ of kalikasan upang ipawalang-bisa ang mga permit ng reklamasyon. Hinarap sila ng Philippine Reclamation Authority na nagsabing ang kanilang mga alalahanin ay “generalized fears” at “speculative” lang.

Nagprotesta sila sa harap ng Department of Environment and Natural Resources sa Quezon City, bitbit ang panawagang panindigan ang suspensiyon.
Panawagan ni Ricardo, tigilan ang dredging at bigyan tamang relokasyon at kompensasyon sa mga mangngisda tulad niya.

Kasama ng Pamalakaya, naghahanap siya ng suporta sa Kongreso para na pagbawalan ang mga komersiyal na pangingisda sa loob ng 15 kilometrong dagat munisipal para bigyan daan ang mga lokal na mangingisda.
Para sa kanila, ang bawat markang “X”, bawat abiso ng demolisyon at bawat biglaang sunog ay hindi aksidente. Ito’y sistematikong pamamaran upang pulbusin ang kanilang pagkakaisa at agawin ang kanilang kabuhayan.