Sining at protestang offline para sa karapatan online


Kung layunin ng Cybercrime Prevention Act of 2012 na patahimikin ang mga kritiko ng pamahalaan at pigilan silang ihayag ang kanilang kritika sa malikhaing paraan, tila nagkakamali ang mga nagtaguyod nito. Lumalaganap sa offline at online ang iba’t ibang masining na porma ng protesta kontra rito. Muling umiinit sa social networking sites ang mga usapan […]

Bandang Plagpul, na tumugtog sa pangkulturang gabi kontra sa Cybercrime Law. (Pher Pasion)
Mga lider-kabataang estudyante na nagsipaglahok sa Unlike. Kasama rito sina Gidget Estella ng CEGP at PIa Montalban ng KM64. (Pher Pasion)
Mga lider-kabataang estudyante na nagsipaglahok sa Unlike. Kasama rito sina Gidget Estella ng CEGP at PIa Montalban ng KM64. (Pher Pasion)

Kung layunin ng Cybercrime Prevention Act of 2012 na patahimikin ang mga kritiko ng pamahalaan at pigilan silang ihayag ang kanilang kritika sa malikhaing paraan, tila nagkakamali ang mga nagtaguyod nito.

Lumalaganap sa offline at online ang iba’t ibang masining na porma ng protesta kontra rito. Muling umiinit sa social networking sites ang mga usapan hinggil sa batas, at mabilis na nagiging viral ang mga post at memes na bumabatikos rito – malinaw na patunay na hindi aatras ang netizens sa banta ng pagsikil sa kanilang karapatang magpahayag online.

Samantala, mabilis ding lumalaganap ang aktuwal na mga pagtitipon para ihayag ang pagtutol sa naturang batas. Noong nakaraang linggo, isang katulad na pagtitipon ang isinagawa sa Conspiracy Bar, Quezon City. At siyempre, may pamagat ito na hango sa kultura sa social media: “Unlike.” Pinangunahan ito ng Kilometer 64 (KM64) at College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ilang araw bago mapaso ang temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema sa naturang batas at sisimulan ang oral arguments sa Korte Suprema sa Enero 15.

Sa naturang pagtitipon, sari-saring tula, awitin at talumpati bilang protesta ang ibinahagi sa mga dumalo. Para sa kanilang mga makata at alagad ng sining, ganitong paraan sila makakapag-ambag upang mailapit sa mga mamamayan ang mga isyu sa lipunan kabilang ang Cybercrime Law.

Panulaan para sa kalayaan

Ayon kay Pia Montalban ng KM64, sa umaga pa lamang matapos nilang makaalam ng balita sa telebisyon o radyo, agad silang sumusulat ng tula para para ilapit sa mga mamamayan ang mga isyu sa masining na paraan.

“May malaking epekto maging sa amin na nagpoprotesta gamit ang tula kung hindi maibabasura ang batas na ito (Cybercrime Law). Protesta ang mga ito sa anyo ng tula at maaaring kasuhan kami ng libelo kung sino man ang babasa at sabihing libelous nga ang naisulat namin,” ayon kay Montalban.

Dagdag pa niya, tanging ang internet na lamang ang kanilang benyu o daluyan para ibahagi ang kanilang sining sa pinakamabilis na paraan. Maaaring tuluyang mawala ito kung hindi maibabasura ang nasabing batas.

“Dominante ng malalaking kompanya o mayayaman ang media sa bansa. Kung ang internet na tangi naming pinagdadaluyan ay sisikilin, hindi lamang ang mga manunulat ang mawawalan kundi higit maging ang mga mamamayan. Alam naman natin na ang tula ay isang paraan ng komunikasyon upang maging  mas simple nilang maunawaan ang mabibigat na isyung mayroon sa lipunan,” ani Montalban.

Ayon naman kay Mark Angeles, makata na nakatanggap na ng mga parangal at pagkilala, may malaking papel ang kultura sa buhay ng mga mamamayan bilang protesta.

“Kultura ang sumasalamin at nagtatawid ng niloloob ng sambayanan. Ito ang nagbubuklod sa atin. Alam ito ng mga kolonyalista. Halimbawa, noong sakupin tayo ng mga Espanyol, sinira at sinunog nila ang mga aparato ng ating kultura dahil ayaw nilang magkaroon ng pagkakaisa ang sambayanan,” ani Angeles.

Sinabi pa niya na “nilito at pinagsabong tayo maging ng imperyalistang Kano. Kung magkakaisa tayo, magiging madali ang pagtaboy sa mga mananakop.”

Batas para kanino

Para naman sa CEGP, ang usapin sa Cybercrime Law ay hindi lamang tungkol sa internet freedom. Kasama na rito siyempre ang karapatan ng mga mamamayang magpahayag.

“Hindi dahil tinututulan natin ang Cybercrime Law ay ibig sabihi’y gusto natin ng sinasabing cybercrimes tulad ng child pornography, identity theft, o anuman pang krimen na nangyayari sa internet. Dahil kung titignan natin ang Cybercrime Law na ito ni Aquino ang tunay na tatamaan ay ang mga progresibo o kritikal sa mga nasa gobyerno,” paliwanag ni Gidget Estella, tagapangulo ng CEGP.

Ayon kay Estella, hindi malulutas ng Cybercrime Law ang mga krimen sa internet gaya ng child pornography. Kasalukuyan, mayroon nang mga batas at panukalang batas laban sa mga ito. Bagkus, ang Cybercrime Law ay dadagdag pa sa problema o magpapalala sapagkat gaya ng libelo sa revise penal code, ang online libel ay tiyak na gagamitin laban sa mga mamamahayag.

“Malinaw na sa Cybercrime Law, ang nais gawin (ng gobyerno) ay patahimikin ang mga mamamayan at mamamahayag sa mga isyung panlipunan na matagal nang hindi nasasagot o natutugunan ng gobyerno. Kasama rito ang mga usapin tulad ng pamamaslang, sahod, militarisasyon, korapsyon, at iba pa na nagpapatuloy sa kasalukuyan,” ayon kay Estella.

Dagdag ni Estella, higit na makikinabang lamang sa batas na ito (Cybercrime Law) ang mga nasa kapangyarihan at hindi ang ordinaryong mga mamamayan. Kailangang baguhin ito — sa pamamagitan man ng kultura o sa offline na paglaban.

Bandang Plagpul, na tumugtog sa pangkulturang gabi kontra sa Cybercrime Law. (Pher Pasion)
Bandang Plagpul, na tumugtog sa pangkulturang gabi kontra sa Cybercrime Law. (Pher Pasion)