Kapirasong Kritika

Cyberfear


Isang tagumpay ng sambayanan at ng mga tutol sa Cybercrime Prevention Act ang pagbibigay ng Korte Suprema ng walang palugit na Temporary Restraining Order sa naturang batas. Sa kabilang banda, nariyan pa rin ang batas at parang espadang pwedeng hugutin at iwasiwas kapag kinailangan ng gobyerno laban, syempre pa, sa mga mamamayan. Parang napakasimple at […]

Isang tagumpay ng sambayanan at ng mga tutol sa Cybercrime Prevention Act ang pagbibigay ng Korte Suprema ng walang palugit na Temporary Restraining Order sa naturang batas. Sa kabilang banda, nariyan pa rin ang batas at parang espadang pwedeng hugutin at iwasiwas kapag kinailangan ng gobyerno laban, syempre pa, sa mga mamamayan.

Parang napakasimple at napaka-inosente ng pag-like, pag-share at pag-tweet dahil iyun naman ang layunin ng mga nag-imbento ng Facebook at Twitter, ang gawing napakagaan ang gawin ang mga ito. Pero gaya ng ipinapakita ng paglikha at pagpasa sa Cybercrime Law, nagdudulot ang naturang mga aktibidad ng takot sa gobyerno ni Noynoy Aquino – at malamang, sa mga dayuhan, komprador at asyendero na naghahari sa bansa. Nasa mga kamay ito ng mga kabataan, at hindi ba’t sila ang talim kapag lumalaban ang sambayanan na parang punyal?

Malaking paliwanag ang nagpapatuloy na krisis pang-ekonomiya sa daigdig at sa Pilipinas. Sa paglala ng pangangamkam ng lupa, kawalang-trabaho, pagkaltas sa sahod at benepisyo, pagpapalayas sa mga maralita, at pagtataasan ng presyo ng batayang bilihin at serbisyo, tiyak na titindi ang panlipunang ligalig at protesta. At tiyak na magagamit ang cyberspace para isatinig ang galit ng mga mamamayan at isalin ito sa pagkilos. Para sa gobyernong Aquino, kailangang supilin ang pagpapahayag at protesta ng mga mamamayan.

Maaalala ang umano’y mahalagang gamit ng Facebook at Twitter sa Arab Spring o sa mga pag-aalsa sa Middle East at North Africa noong 2011. Ayon sa mga naghaharing elite, “susi” ang naging papel ng Facebook at Twitter sa naturang mga pag-aalsa. Ang ganitong mga pagsusuri ay pag-iwas sa mas malalim na mga ugat ng nasabing mga pag-aalsa, tampok ang kahirapan sa hanay ng mga mamamayan at katiwalian sa gobyerno. Sa pamamagitan ng ganitong pagsusuri, naituturo ng mga elite sa isa’t isa kung ano ang pwede nilang aksyunan, dahil hindi nila maresolba ang malalalim na ugat ng pag-aalsa, at ang aksyon nila ay ang pagsupil sa cyberspace. Isa itong interpretasyon sa sinabi ng maka-Kaliwang intelektwal na si Jodi Dean na ang ganitong mga pagsusuri ay “mga lubos na reaksyunaryong pagtatangkang igiit ang pagiging pangunahin ng kapitalismo sa mismong panahong nahaharap ito sa signipikanteng banta.”

Pero totoo namang magagamit ang Facebook at Twitter ng mga mamamayang nagpoprotesta, kung hindi pa man nag-aalsa. Kung naging mabisa ang mga ito para sa mga mamamayang ilang dekadang pinagsamantalahan, sinupil at ispontanyong lumaban, may bisa rin ito para sa Pilipinas kung saan matindi ang pagsasamantala, panunupil at may malakas na progresibong kilusan. Hindi mababago ng mas mabilis at malawak na daloy ng impormasyon at opinyon ang umiiral na kaayusang panlipunan, pero magagamit ito sa pagbago sa naturang kaayusan. Tiyak, laman ng walang katapusang bangungot ng mga naghahari ang mga kabataan ng Middle East at North Africa na walang trabaho, puno ng enerhiya at ideyalismo, at gumagamit sa cyberspace para magpalaganap ng tuligsa at protesta – patungo sa masa at lansangan.

Isa ring paliwanag ang katangian ng gobyernong Aquino. Umaasa itong makakaraos sa krisis sa pamamagitan ng panloloko. Patuloy ito sa pagpapatupad sa mga kontra-maralitang patakarang neoliberal ni Gloria Macapagal-Arroyo pero may mga armas ito sa panlilinlang: mula sa dominanteng masmidya hanggang sa mga ahensya ng sarbey, mula sa mga pseudo-progresibong grupong nagbibigay ng bihis-progresibo sa mga kontra-maralitang patakaran hanggang sa mga internasyunal na ahensyang nagbibigay-papuri.

Hindi makakaligtas sa mga susing taong nasa makinaryang pampropaganda ni Aquino ang gamit at halaga ng cyberspace sa pagpapahina ng naghaharing rehimen. Sinamantala nina Edwin Lacierda, Manuel L. Quezon III, Ricky Carandang, at maging ng mga taga-Akbayan ang cyberspace noong tinutuligsa pa nila si Arroyo. (Pansining nanahimik sila hinggil kay Arroyo nang sila na ang nasa pwesto.) Malaking bagay rin ang panlilinlang sa Oplan Bayanihan, ang mapanupil na programang kontra-insurhensya ng gobyernong Aquino. Layunin nitong huwag mapansin, mapagtakpan, o di kaya’y mapagmukhang maganda ang panunupil. Hindi ba’t nakatuntong sa kasinungalingan ang paboritong taktika ngayon ng gobyernong Aquino laban sa mga aktibista, ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso para pigilan ang kanilang pagkilos?

Hindi makakaligtas sa gobyernong Aquino ang pagkasumpong ng mga mamamayan, lalo na ng kabataan, sa cyberspace bilang espasyo para magtalakayan, bagamat mas malaganap pa rin ang gamit nito bilang pang-aliw at komunikasyon sa mga mahal sa buhay. Pinakitid at kinomersyalisa ng gobyerno ang mga parke at pampublikong lugar kung saan pwedeng magtalakayan, at pinalaganap ang mga mall para sa tubo ng iilan at dayuhan. Bagamat tulad sa mall ay naglipana ang agaw-atensyon sa cyberspace, may puwang sa huli para magtalakayan. Minilitarisa ng gobyerno ang mga komunidad at ginawang mapanupil ang mga paaralan, at inihahabol nito ang pagsikil sa cyberspace. Delikado sa mga naghahari ang kalayaan sa pagpapahayag.

Kakatwa ang isang larawang nalilikha. Umaabante ang teknolohiya at naghahawan ito ng espasyo para magtalakayan ang mga mamamayan. Ang ginawa ng gobyernong Aquino, binuhay ang 82-anyos na mapanupil na batas sa libelo para mambusal. Sa takot nito, sa kabila ng arogansya nito sa pagiging malakas, nag-apuhap ito ng sinaunang armas laban sa aktwal bagamat mas potensyal na bagong armas ng mga mamamayan. Bibiguin nila ito sa paglaban.

06 Pebrero 2013