Migrante

Pagpapalaya sa OFW mula sa death row ikinagalak ng Migrante


Galak ang salubong ng Migrante International sa pagpapalaya kay Rodelio “Dondon” Lanuza mula sa death row sa bansang Saudi Arabia. “Masaya kami para kay Dondon at sa pamilya Lanuza,” sambit ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. “Hindi nasayang ang lahat ng ating pinaghirapan, at dahil ito sa paglaban ni Dondon at ang kolektibong pagpupunyagi […]

Rogelio "Dondon" Lanuza
Rogelio "Dondon" Lanuza
Rogelio “Dondon” Lanuza

Galak ang salubong ng Migrante International sa pagpapalaya kay Rodelio “Dondon” Lanuza mula sa death row sa bansang Saudi Arabia.

“Masaya kami para kay Dondon at sa pamilya Lanuza,” sambit ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

“Hindi nasayang ang lahat ng ating pinaghirapan, at dahil ito sa paglaban ni Dondon at ang kolektibong pagpupunyagi ng kanyang mga kaibigan, pamilya at tagasuporta. Kung wala ang mga ito, hindi mabibigyan ng mga gobyerno ng Pilipinas at ng Saudi ng sapat na atensiyon ang kanyang kaso,” sabi pa ni Martinez.

Naging laman ng balita si Lanuza ng nakaraang mga taon sa paghingi niya ng tulong na makalaya mula sa death row. Nahatulan siya ng kamatayan noong 2000 nang mapatay niya ang isang Saudi national.

Nakulong siya ng 12 taon, bagaman depensa niya ay self-defense ang kanyang nagawa.

Noong Pebrero 2011 ay pinagbigyan ang kanyang pamilya na maglikom ng blood money kapalit ng kanyang paglaya. Mismong ang hari ng Saudi na si King Abdullah ang siyang nagbigay ng dagdag sa blood money, na nagkakahalagang 2.3 milyong Riyals, ani Lanuza.

Inaasahan ang pagbibigay ng Saudi Reconciliation Committee (SRC) ng kalayaan ni Lanuza sa pagkumpleto ng blood money.

Kasama ang Migrante International sa mga sasalubong kay Lanuza sa kanyang pag-uwi sa bansa. Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang pakikipagugnayan ng grupo sa iba pang manggagawang mga Pilipino na nasa alangan ang buhay sa ibang bansa.

“Marami pang tulong ang kailangan para sa kampanya para sa mga buhay ng iba pang OFWs na nasa death row. Magsisilbing inspirasyon ang karanasan ni Dondon sa iba pa nating kababayan na nawawalan ng pag-asa,” dugtong ni Martinez.

May 125 Pilipino na nasa death row sa kasalukuyan. Walo sa mga kasong ito ang hawak ng Migrante International, kasama ang kaso ni Lanuza.

Idinugtong pa ni Martinez ang mga kaso ng magkapatid na Rolando and Edison Gonzales at Eduardo Arcilla, na hinatulan ng kamatayan sa Saudi noong 2006 sa pagpaslang sa kapwa Pilipino na sina Romeo Lumbang, Jeremias Bucud at Dante Rivero.

Bagaman nakatanggap na ng blood money ang mga pamilya ng mga biktima, hindi garantiya ito na makalalaya ang mga kausado, ayon sa batas ng KSA.

Dagdag pa niya na tungkulin ng gobyerno ng Pilipinas ang lobbying efforts, laluna dahil hindi naman agarang nakalalabas ng bansa ang mga pamilya ng mga biktima.

“Ang kailangan ng gobyerno ay magprisinta ng ‘letter of forgiveness’ mula sa mga pamilya papunta sa SRC upang umusad ang pagproseso ng mga kaso, tulad sa kaso ni Dondon,” diin ni Martinez.