Manggagawa

Protestang bayan ikinakasa ng iba’t ibang grupo vs taas-presyo ng langis


Nagbanta ang iba’t ibang sektoral na organisasyon na maglulunsad sila ng protestang bayan sa Marso dahil sa sunud-sunod na taas-presyo ng langis. “Nakakagalit ang sunud-sunod na pagtaas. Halatang-halata na may overpricing na ginagawa ang kartel ng langis,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Sa pananaliksik ng grupo noong ikalawang hati ng […]

Sa buwan pa lamang ng Pebrero, apat na beses ng tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo kaya't panawagan ng iba't-ibang sektor na isabansa ang industriya ng langis para maiwasan ang pagmomonoployo ng tinguriang big 3. (kontribusyon)
Sa buwan pa lamang ng Pebrero, apat na beses ng tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Panawagan ng iba’t ibang sektor na isabansa ang industriya ng langis para maiwasan ang pagmomonoployo ng tinguriang “Big 3.” (Kontribusyon)

Nagbanta ang iba’t ibang sektoral na organisasyon na maglulunsad sila ng protestang bayan sa Marso dahil sa sunud-sunod na taas-presyo ng langis.

“Nakakagalit ang sunud-sunod na pagtaas. Halatang-halata na may overpricing na ginagawa ang kartel ng langis,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Sa pananaliksik ng grupo noong ikalawang hati ng 2012, aabot umano sa P9.00 ang overpricing sa presyo ng mga produkto ng langis.

Noong nakaraang linggo, muling itinaas ng mga kompanya ng langis ang kanilang produkto ng P0.95 sa kada litro sa unleaded gasoline, P0.65 sa diesel, P1.15 sa regular gasoline, at P0.70 sa kerosene.

Dahil dito, umabot na sa mahigit P4.00 ang pagtaas sa kada litrong presyo ng gasolina at mahigit P3.00 naman sa kada litrong presyo ng diesel ngayong buwan.

Ito rin ang pang-apat na pagtaas sa buwan ng Pebrero.

Ayon kay Soluta, sa kabila ng pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado at paghina ng dolyar kumpara sa piso sunud-sunod pa rin ang pagtaas ng lokal na mga produktong petrolyo.

Inakusahan din ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operator Nationwide o Piston ang administrasyong Aquino na kinukunsti ang mga kompanya ng langis. Pangangampanya lang umano ng kanyang mga kandidatong senador (Team PNoy) ang inaatupag.

“Sina Aquino at DOE (Department of Energy) Sec. Jericho Petilla, walang ginagawa kundi puro pagtatanggol at pangungunsinti sa sunud-sunod na oil price increases at ovepricing sa langis,” sabi ni George San Mateo, tagapangulo ng Piston.

Kasabay umano ng protestang bayan, ipoprotesta rin nila ang pagtaas ng singil sa kuryente, tubig at pagsasapribado ng mga pampublikong ospital.

Dagdag pa ng KMU, kasabay ng pagsirit ng presyo ng langis, sunud-sunod naman ang mga panukala para itaas ang singil sa kuryente tulad ng universal charge, bill deposit at pre-paid na kuryente.

Giit ng grupo, walang kinalaman ang mga ito sa aktuwal na kuryenteng kinokonsumo ng publiko. Maiuugat umano ang mga taas-singil sa tubo at bayad-utang ng malalaking kapitalista sa sektor ng elektrisidad na ginarantiyahan naman ng gobyerno sa patakaran nitong pribatisasyon.

Sinabi rin ng grupo na dagdag-pasanin sa publiko ang pagsasapribado ng mga ospital tulad ng Philippine Orthopedic Hospital na na igagawad sa nanalong bidder sa buwan ng Abril.

Dalawampu’t anim na pampublikong ospital ang sinimulang isailalim sa pribatisasyon noon nakaraang taon. Hindi raw dapat na ipinapaubaya ng gobyerno sa malalaking kapitalista ang mga produkto at serbisyong napakahalaga para sa karaniwang tao.

“Para sa mga manggagawa at karaniwang tao na lumiliit ang sahod o walang trabaho, napakalaking pabigat nitong sunud-sunod at malakihang pagtaas ng presyo ng langis. Grabeng dinadagdagan pa ng pagtaas ng singil sa kuryente at tubig at lalong pabibigatin pa ng pagsasapribado sa mga pampublikong ospital,” sabi ni Labog.