Editor's Pick Karapatang Pantao Manggagawa

Kalamidad at takot sa Baganga


Salaysay ng mamamahayag ng Pinoy Weekly na si Macky Macaspac hinggil sa karanasan ng mga naging bahagi ng fact-finding-mission sa Baganga, Davao Oriental

 

Mahirap puntahan ang Baganga, Davao Oriental. Hindi lamang dahil mahaba at masalimuot ang biyahe patungo rito mula sa Davao City, kundi dahil naging sentro ito ng kalamidad, ng pagragasa ng bagyong Pablo, noong Disyembre 2012. At hindi pa ito nakakabangon hanggang ngayon.

Bagamat natural na kalamidad ang tumama sa lugar, matagal nang niraragasa ito ng kalamidad na tao ang may gawa: kapabayaan ng gobyerno, kakulangan ng serbisyong panlipunan, matinding presensiya ng militar.

Matapos bisitahin ng bagyong Pablo, tumindi ang kalamidad na tao ang may gawa: May mga alegasyong nakurakot ang dapat sana’y ipinamamahaging relief goods sa mga nasalanta. Pati ang pansamantalang tirahan ng mga biktima, nabalitang overpriced daw ang pagkakagawa. Samantala, halos hindi na raw gumagana ang lokal na pamahalaan, namamayani na raw ang mga militar.

Ito ang gustong alamin ng isang fact-finding and humanitarian mission na nagtungo sa lugar kamakailan.

Lulan ng tatlong bus galing sa Davao City, tinahak ng mga misyonerong aabot sa 76 katao kabilang ang mga madre, doktor, nars, psychologist, forester at iba pang nais tumulong ang mahaba, masalimuot na biyahe patungong Baganga. Kasama rito ang mga alagad ng midya, kabilang ang Pinoy Weekly.

Mga militar na namamalagi sa mga bahay ng sibilyan sa Sityo Timbawon, Binondo, Baganga.  (Macky Macaspac
Mga militar na namamalagi sa mga bahay ng sibilyan sa Sityo Timbawon, Binondo, Baganga. (Macky Macaspac)

Patungong Baganga

Sa una, maayos pero mabilis ang takbo ng bus. Sementado at aspaltado pa kasi ang hayway. Maganda at kaaya-aya din ang mga tanawin.

Pero habang papalayo sa Davao City at papalapit sa mga bayang sinalanta ng bagyo, nag-iiba na ang tanawin. Bagamat malinis na ang daan mula sa kalat na nilikha ng bagyo, bakas pa rin ang pinagdaan ng mga bayang ito. Kumikislap ang magkabilang panig ng haywey.

Mula ang kislap sa mga bubong ng mga bahay na tinangay ng malakas na hangin sa kasagsagan ng bagyo. Bagong palit ang mga yerong bubong. Nakasalansan din ang hollow blocks sa ilang itinatayong bagong bahay. Kahit ang mga pananim tulad ng saging, nagsisimula nang mamunga, ilan sa mga ito ang may balot na ng plastik, berdeng-berde din ang ilang malawak na palayan.

Wala na rin sa tabing haywey ang mga biktimang nakasahod ang kamay sa paghingi ng tulong. Pero kalauna’y napag-alaman namin: Nandoon pa rin sila, sa kani-kanilang mga komunidad, naghihirap.

Papalayo pa, unti-unting napapalitan ang kinang ng yero ang tabing haywey. Napalitan ito ng mga kulay-puting tolda. Tolda ito na ipanamahagi ng mga organisasyon at ginawang bubong ng mga residente. Marami rin ang gumamit ng mga lumang tarpaulin bilang bubong at dingding. Nakahilera pa rin ang mga tent city sa ilang bayang dinaanan ng grupo.

Gayundin, marami pa rin sa mga nabuwal na puno, laluna na ang mga punong niyog. Nakahandusay pa rin ang mga ito sa mga gilid ng burol at mga kabundukan. Pakitid nang pakitid ang daanang tinahak ng tatlong bus. Salitan ang putik at alikabok, hindi na sementado ang daan. Mabagal na rin at pagewang-gewang ang takbo ng mga bus dahil sa malubak na daan. Bahagi na ito ng Compostela Valley na kanugnog ng bayan ng Cateel patungong Baganga.

Dito unang nadaanan ng grupo ang isang detatsment ng militar. Hindi naman pinahinto ang grupo, mukhang nagulat ang mga sundalo sa pagdaan ng tatlong bus. Ang iba kasi, naliligo sa gawing kaliwa ng kalsada at ang iba’y nakaupo at nakatayo lang sa gawing kanan.

“Dito na iyon, ’yung bahay na sinunog,” sabi ng isang kalahok na miyembro ng grupong Karapatan. Tanong naman ng iba: “Hihinto ba tayo?”

“Hindi na, kuha lang tayo ng litrato ng bahay na sinunog.” Nagmenor ang bus. Itinutok ng mga nasa loob ng bus ang kanilang mga kamera, at nagsipitikan.

“Andar na manong, alis na tayo,” sabi ng taga-Karapatan, paspas na ang bus kahit maalikabok ang daan. Walang nagawa ang mga sundalo, nakamasid na lamang sila sa papalayong mga bus. Pero ang isa, kumaripas ng takbo patungo sa kanilang kampo na isang eskuwelahan. Malamang na nagreport na ito sa mga “nakakataas.”

Patuloy na tinahak ng tatlong bus ang paliku-likong kalsada. Tinitiyak ng mga drayber na hindi magkakalayo ang agwat ng mga bus. Bukod kasi sa malubak ang kalsada, gilid din ito ng bangin. Pero mahigit dalawang oras pa lamang ang lumilipas, gumanda ang takbo ng bus, hindi na umaalon-alon at tumatalbog-talbog, patag at sementado na kasi ang daan pero biglang tumigil ang konboy ng mga bus. Tsekpoint ng 67th Infantry Batallion ng Philippine Army. Nasa bayan na ng Cateel ang grupo, sa Sityo Dispatching ng Brgy. Malibago.

“Baba ang mga lalaki,” utos ng isang militar na nakasukbit sa balikat ang armalayt at bandoler ng mga bala. Bumaba ang mga lalaki kasama ang mga madre at mga lider ng Balsa Mindanao. Nagsimula ang negosasyon, habang isa-isang inakyat ng isang sundalo ang bus. Tiningnan ang loob nito, hindi naman malaman kung may hinahanap siya. Lilinga-linga lang sa mga upuan at sa mga natira tao sa loob ng bus. Lahat silang sundalo, nakasuot ng full battle uniform pero walang mga nameplate.

Sinabi ng mga madre at ibang negosyador ang pakay ng grupo, patungong Baganga at magbibigay ng relief goods at medikal na serbisyo, gayundin na isasadokumento ng grupo ang kalagayan ng mga biktima ng bagyo.

Tumagal ang negosasyon. Sabi ng lider ng sundalo, “Pasensiya na, trabaho lang.” Dagdag pa niya, hintayin daw ng grupo ang kanilang commanding officer at doon makiusap na padaanin ang konboy. Mag-iisang oras na nang payagang makadaan ang grupo. Pero bago pa ito, isang nakamotorsiklong sundalo ang humarurot palayo sa detatsment.

At halos 25 metro mula sa tsekpoint, sa palusong na pakurbadang daan, hinarang ng isang sundalong nakamotorsiklo ang isang logging truck. Inutusan ng militar ang drayber ng trak na ibalagbag ang kanyang sasakyan sa kalsada. Pagkatapos, kumaripas ng takbo papunta sa mga militar ang drayber, tangay ang susi ng trak. Maliban pa ang ikinalat na mga troso sa harapan ng trak at sa maliit na puwang sa pagitan ng trak at sa mga nakasalansan na mga troso.

Napilitan ang mga kalahok sa misyon na buhatin ang mga troso at alisin ang salansan ng mga troso para makadaan ang mga bus. Nanguna na ang mga madre sa pagbuhat; tulung-tulong ang lahat.

Lumarga ulit ang konboy. Pero hindi pa tumatagal ang biyahe’y bumulaga naman ang mga tipak ng batong nakahilera pahalang sa kalsada. Imposible namang gumulong mula sa bundok at humilera nang dikit-dikit sa kalsada. Halatang may naglagay.

Hindi malayo ang suspetsa ng marami na inilagay ito ng nakamotor na militar na nauna sa konboy. Hindi pa nasapatan ang militar, makailang-ulit  pa silang naglagay ng hambalang na mga bato, kahoy sa kalsada at, ang pinakahuli, hinukay na lupa, graba at putik na inilagay sa gitna ng kalsada. Malakas ang hinala ng marami sa misyon na ginamitan ito ng backhoe truck: mainit pa kasi ang makina ng isang backhoe na nakaparada malapit sa tambak.

Gamit ang kamay, paa at patpat, sinikap alisin ng mga misyonero ang tambak at mabigyan ng puwang kahit maliit lang na daan ang mga bus.

Hinarang pa rin

Mga bata na nakapila para sa Operation Tuli ng medical mission. (Macky Macaspac)
Mga bata na nakapila para sa Operation Tuli ng medical mission. (Macky Macaspac)

Medyo matiwasay na ang takbo ng konboy. Lumapat na rin ang mga gulong ng mga bus sa sementadong kalsada.

Pero wala pang tatlong oras, tumigil ulit ito. Tsekpoint ulit. Nasa Cateel pa rin ang grupo pero nasa Brgy. Aragon na. May signboard na nakabalagbag na sa kalsada: “Stop Military checkpoint. B coy 57th IB, 10th ID, PA”. Sa bandang unahan ng tsekpoint, may nakaparadang mobile vehicle ng PNP. Biglang inilabas naman ng mga pulis ang kanilang signboard: “Stop Comelec checkpoint, Please bear with us. Thank you for your cooperation”.

Muli, pinababa ang mga lalaki. Inspeksiyon daw. Pagbaba ng mga negosyador papalapit naman ang isang pulis na may pangalang “PO1 Miguel”—batay sa kanyang nameplate at sa pagpapakilala na rin niya. Dumistansiya ang isang sundalo na unang lumapit sa mga bus. Hindi rin umakyat at nag-inspeksiyon sa mga sakay at kargada ng bus.

Mahaba ang paliwanagan ng mga negosyador ng grupo at ni Miguel. Pinipilit ni Miguel na hindi puwedeng makadaan ang konboy at magpatuloy patungong Baganga. May memo raw ang kanilang nakakataas na opisyal na huwag padaanin. Ninais pa ng mga pulis at militar na ilagay sa logbook ang pangalan ng lahat ng mga kalahok sa misyon na tinutulan ng mga negosyador ng grupo.

“Sir bawal na ’yang ginagawa ninyo sa DOJ memo tungkol sa pag-conduct ng mga checkpoint. Dapat visual inspection lang at hindi hino-hold,” sabi ng isang negosyador.

“Utos ng nakakataas. May memo kasi sa amin,” sagot ng pulis. Pero nang hanapin ang kanilang sinasabing memo, walang maipakita ang pulis, gayundin na kahit pumayag na ang isang madre na mag-logbook para sa buong grupo, wala namang logbook. Ang kapansin-pansin, hindi pinapahinto ang ibang motoristang dumadaan sa tsekpoint. Kaway-kaway lang ang ginagawa ng mga pulis at militar sa mga ito.

Isa pang makatawag-pansin ang isang lalaking nakasibilyan at nakatakip ang mukha na siyang tila nagpapasya sa tinatakbo ng negosasyon.

Nang komprontahin siya ng isang madre kung sino siya, arogante niyang sinagot ang madre: “You don’t have the right to question me. Ako ang humihingi ng mga pangalan ninyo at hindi ko ibibigay ang pangalan ko sa inyo.” Maliban pa sa taong ito, isa namang sibilyan na residente raw ng lugar ang panay ang bulong sa mga pulis at militar na huwag padaanin ang grupo, at sinisigawan ang grupo.

Katwiran ng mga pulis at militar, magpoprotesta raw ang grupo, kaya pinipigilan nilang makadaan. “Pupunta kayo rito para maghikayat ng mga tao na magrali sa Davao,” sigaw ng sibilyan na residente na isang rebel returnee, sa tantya ng grupo.

Tumagal ng dalawang oras ang pagbinbin sa grupo, Nang pumayag si Miguel na makadaan na ang grupo, isang pulis naman na may pangalang “De Jesus” ang biglang humarang sa naunang bus. Tatayo lang daw siya sa harap ng bus para hindi makaalis ang grupo. “Utos sa akin na tumayo lang dito,” sabi niya. Pinayagan ding makadaan ang grupo ng magkompromiso ang mga ito na sasabay ang PNP bilang escort patungong Baganga.

Ang nakakatuwa, binaklas ng PNP ang kanilang signboard, isinakay sa kanilang mobile patrol at lahat ng mga pulis kasama kabilang na ang aroganteng nakatakip ang mukha.

Walang iniwan tanging tsekpoint lang ng militar ang naiwan sa Brgy. Aragon.

Bahid ng pagkatakot

Playground: Tila iniisip ng bata kung kailan magagawa ang gym ng Baganga na winasak ni Pablo. (Macky Macaspac)
Playground: Tila iniisip ng bata kung kailan magagawa ang gym ng Baganga na winasak ni Pablo. (Macky Macaspac)

Pagpasok sa bayan ng Baganga, muling pinahinto ang konboy, lumapit na naman ang isang pulis na may markang LTO sa kanyang dibdib. Pero maiksing panahon lamang ang itinigil dito ng grupo. Naulinigan ng isang negosyador ng grupo na pinapadaan ang grupo sa Incident Command Post (ICP)—pero hindi pumunta ang grupo at tumuloy sa sentro ng bayan, bagamat escorted pa rin ng pulis mula sa Cateel.

Ang ICP raw ang itinayong sentruhan ng relief goods na dinadala ng anumang grupo na nagnanais magbigay sa mga biktima. Pinamamahalaan ito ng isang opisyal militar na si Col. Kris Mortela, commanding officer ng 67th IB sa basbas daw ng gobernador ng Davao Oriental na si Cora Malanyaon.

Mababakas ng sinuman na maganda ang bayan ng Baganga bago sinalanta ng bagyong Pablo. Bulunduking bayan ito na nasa tabi ng kalmadong dagat. Pero kung ano ang imahe na ipinakita sa mga telebisyon matapos bayuhin ng bagyo, ganoon pa rin ang imahe, maliban sa nalinis na ang mga kalat. Sira ang halos lahat ng bahay, marami sa mga ito tolda at trapal ang bubong, laluna ang mga maliliit at katamtamang laki na mga bahay. Kahit ang munisipyo, sira pa rin. Ang iba nakatira pa rin sa mga tent at pinagtagpi-tagping kahoy, trapal na nasa tabi ng haywey.

Dahil sa abalang inabot ng grupo sa daan, hindi na kayang tumuloy sa pinakamalayong barangay ng bayan ang grupo. “Dito na tayo magpapalipas ng gabi. Delikado ang daan,” sabi ng isang miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan ng Southern Mindanao Region (Bayan-SMR).

Pero bago magpahinga, tinungo ng grupo ang bahay ni Cristina Jose sa lugar kung saan napaslang siya. Si Jose ang isa sa mga lokal na lider ng grupong Barug Katawhan sa Baganga na namuno sa paggiit sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilabas ang relief goods na itinatago ng naturang ahensiya, dahil nagugutom na ang mga taga-Baganga, wala nang makain. Nagprotesta sila sa harap ng DSWD sa Davao City. Inireklamo rin niya ang presensiya ng mga militar sa Baganga. Noong Pebrero, pinaslang ng armadong kalalakihan—pinaghihinalaang mga militar—si Jose.

Nag-alay ng maikling panalangin at nagtirik ng kandila ang mga misyonero, bilang pagpupugay sa lider ng mga biktima ng kalamidad.

“Papunta si Cristina sa Davao para ibulgar ang nagaganap na anomalya sa distribution ng relief goods,” kuwento ni Hanimay Suazo, na pangkalahatang kalihim ng Karapatan-SMR. Hindi na nakarating si Jose sa Davao. “Hindi na natin malalaman kung anong impormasyon mayroon si Cristina, dahil patay na nga siya,” sabi naman ng isang kalahok sa misyon.

Isa sa mga akusasyon ng Barug Katawhan ang hoarding ng mga bigas na para sa mga biktima. Marahil, totoo ang akusasyon dahil isang biktima na nasa bunkhouse ang nagrereklamo. “Grabe ang panloloko ng gobyerno. Hindi na namin naiintindihan ang nangyayari. Nakakaawa ang mga bata. Minsan, may bigas, minsan wala.Minsan mabaho pa ang bigas (na bigay ng DSWD). Nagkakasakit na ang mga bata. Umaasa na lang kami sa bigay na bigas, hino-hold pa,” reklamo ni Boni Magson, isang residente.

Sa loob ng ilang buwang pananatili sa bunkhouse, madalang na rin ang relief goods sa 40 pamilyang nasa bunkhouse. Bukod sa natatakot na rin ang mga ito na anumang oras paalisin na sila sa pansamantalang tirahan sa tabi ng wasak na gym ng bayan.

“Saan kami pupunta? Sira ang mga bahay namin. Sira ang mga pananim. ’Yung mga niyog namin, natumba lahat. ’Yung mga saging, natapyas,” daing ni Magson. Wala rin daw inaalok na bahay na malilipatan ang mga biktima. Sa kabila ito ng pahayag ng mga opisyal ng probinsiya na magtatayo ito ng housing units sa Baganga.

“Sana mapalitan na ang gobyerno. Mapalitan ang governor (at) vice governor,” ani Magson.

Kinabukasan, lulan ng dalawang saddam (logging) truck, tumulak patungong Sityo Limot ang 69-kataong kalahok sa misyon. Umabot sa 69 na lang kasi nagpaiwan ang iba sa sentrong bayan para sa psycho-social intervention sa mga bata sa bunkhouse. Personal pa nga na binantayan ito ng alkalde ng Baganga habang naghahanda sa pag-alis ang grupo.

“Ingat kayo sa daan,” sabi ng alkalde, sabay kaway sa grupong papaalis.

Tatlong oras na binagtas ng saddam ang mabato, maputik at makitid na daang paakyat sa bulunduking Brgy. Binondo. Pero hanggang Sityo Timbawon lang ang kaya ng saddam. Paakyat sa Sityo Limot, kailangan nang maglakad ng grupo o sumakay sa habal-habal (motorsiklo na ginawang sasakyan para sa maraming tao) ng isang oras.

“Mauna na ang medical team. kailangang maihanda nila ang mga gamit medikal. Sila ang unang sasakay sa habal-habal at kapag nahatid, balikan na lang ang mga naglalakad,” sabi ni Glades Maglunsod ng Bayan.

Mistulang batas militar sa Baganga. (Macky Macaspac)
Mistulang batas militar sa Baganga. (Macky Macaspac)

Pasado ala-una ng hapon nang mabuo ang grupo sa Sityo Limot. Nagsisimula na ang medical mission. Nakapila na ang mga magpapatingin sa mga doktor na kasama ng grupo. Ilan sa mga bata ang nakasilip sa isang bahay na ginawang operating room para sa mga magpapatuli, ang iba nagpabunot ng ngipin.

Lumabas sa pagsisiyasat at konsultasyon ng mga doktor, walang pumapasok na tulong medikal sa lugar. “Karamihang sakit ng mga tao rito ay gastritis—sanhi ng kakulangan ng makakain at pinapalala pa ng stress, ubo’t sipon, sakit sa katawan at balat, at urinary track infection,” paliwanag ni Ian Morales ng Health Alliance for Democarcy o HEAD.

Bagamat may mga tulong na nakapasok na sa lugar, hindi pa rin nakakasapat ang mga ito para sa tribung Mandaya na naninirahan sa lugar. Wasak ang kanilang pananim at hindi rin nila masimulang makapagtanim ulit. Walang silang puhunan. Gayundin, walang anumang tulong para sa kanilang kabuhayan na natatanggap.

Dalawang linggo matapos ang pagsalanta ng bagyong Pablo bago pa napasok ng mga organisasyong nagbibigay ng relief goods ang lugar. “Dalawang linggo bago dumating ang tumulong dito,” ani Thelma Matibag, na taga-Limot. Nagkasya na lang daw ang mga tao sa pagkain ng kamote, mais at natitirang bigas ang mga tao sa Sityo Limot.

Sa kabila nito, halatang takot ang mga tao sa Sityo Limot. Takot sila, laluna kung ang pag-uusapan ang tungkol sa napaslang nilang kagawad na si Cristina Jose. Iisa ang pagkaalaman nila sa pinaslang na kagawad: “Maasahan siya at matulungin, kahit anong oras nalalapitan namin siya,” sabi ni Matibag.

Sa kabila pa nito, halata rin na iniiwasang pag-usapan ng mga residente ang pagpatay kay Jose. Kahit ang mga batang kalahok sa psycho-social therapy, atubili sa mga psychologist. Isang bata nga ang nagtanong sa kapwa bata niya: “Mga militar ba sila?”, bago sumama sa playgroup.

Isang impormasyon ang nakarating sa grupo na ilang araw bago dumating ang misyon, dumating ang mga militar at sinabihan ang mga residente na huwag magsasalita at sabihin na ang tumulong sa kanila ay mga militar lang at ilang malalaking organisasyon. Napansin din ng ilang kalahok ang pagdaan ng militar habang nagpapahinga ang grupo kinagabihan. Tumahol kasi ang mga aso. “Nag-roving sila kagabi,” pagkukumpirma ng isang residente sa presensiya ng militar.

Inamin ni Matibag na malaki ang naitulong ng grupong Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. (Misfi) na hindi humingi ng tulong sa militar para makarating sa sityo. “Oo, maraming ibinigay ang Misfi, kumpleto ang relief goods nila,” inamin niya, bagamat di niya mabanggit sa una. Bukod sa pagkain, nagbigay ng gamit pambahay ang Misfi at kasalukuyang may proyektong eskuwelahan para sa mga bata.

Pero ikinuwento ng mga bata na mga miyembro ng New People’s Army o NPA ang unang nagbigay ng tulong sa kanila matapos ang bagyo. Kinumpirma ito ng ilang residente sa Sityo Cabuyao kung saan naistranded ang grupo bago makalabas ng lugar.

Habang sakay ng saddam na dala ng mga nag-rescue sa grupo sa Sityo Cabuyao, kapansin-pansin na tuluy-tuloy ang pagputol ng mga kahoy sa kabundukan. Kahit pa noong papasok pa ang grupo mula sa Cateel, hindi lang isang beses na may nakasalubong na mga logging truck na sakay ang mga troso. Taliwas sa programa ng paamahalaang probinsiya na tree-planting, hindi naman pinapatigil ng mga ahensiya ng gobyerno at ng militar ang pagputol ng kahoy sa kabila na dinaanan na ng malakas na bagyo ang Davao Oriental.

Nakakabahala ang takot ng mga mamamayan ng Baganga sa mga militar. Naranasan din ng misyon ang takot na ito, nang magdala ng panandaliang tulong sa mga biktima ng bagyong Pablo at ng gobyerno.