Talakay-Takilya

Elehiya para sa isang alagad ng sining


Malaking kawalan sa Sineng Pinoy ang sunud-sunod na pagpanaw ng mga beteranong direktor ng pelikulang Pilipino. Sumakabilang-buhay noong nakaraang taon sina Mario O’ Hara, Marilou Diaz-Abaya at Celso Ad Castillo. Nagsimulang maging aktibo ang tatlo sa paggawa ng pelikula noong dekada 70, ang itinuturing na Second Golden Age ng pelikulang Pilipino. Hindi naman masyado napansin […]

Malaking kawalan sa Sineng Pinoy ang sunud-sunod na pagpanaw ng mga beteranong direktor ng pelikulang Pilipino. Sumakabilang-buhay noong nakaraang taon sina Mario O’ Hara, Marilou Diaz-Abaya at Celso Ad Castillo. Nagsimulang maging aktibo ang tatlo sa paggawa ng pelikula noong dekada 70, ang itinuturing na Second Golden Age ng pelikulang Pilipino. Hindi naman masyado napansin ang tahimik na pagpanaw nitong Marso ni Danny Zialcita, direktor ng higit sa 50 blockbuster at de kalidad na pelikulang melodrama noong dekada 70 at 80.

Nitong Mayo 28, binawian ng buhay si Eddie Romero, Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula, sa gulang na 88. Nakilala si Romero bilang direktor ng mga klasikong pelikula tulad ng “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?,” “Kamakalawa” at “Aguila.” Idinirehe rin niya ang adaptasyon para sa telebisyon ng “Noli Me Tangere” ni Jose Rizal noong 1992. Si Romero na siguro ang huling direktor na naturuan ni Gerardo de Leon, Pambansang Alagad ng Sining at direktor mula sa First Golden Age ng pelikulang Pilipino. Siya na rin siguro ang direktor na may pinakamatagal na karera sa lokal na industriya ng pelikula.

Eddie Romero, pambansang alagad sa sining sa pelikula
Eddie Romero, pambansang alagad sa sining sa pelikula

Hindi batid nang marami, tulad ng tinuring niyang gurong si de Leon, gumawa rin ng mga low-budget na pelikula sa Amerika si Romero bago pa siya nakilala sa Pilipinas. Sa paggawa niya ng pelikula sa bansa, bitbit-bitbit niya ang estilo at disiplina sa paglikha na natutunan niya sa Hollywood. Makikita ito sa pulido at mala-epiko niyang mga likhang pelikula.

Ambisyoso at engrande ang mga temang nais niyang talakayin sa kaniyang mga obra. Sa mga pinaka-kinilala niyang obra—Ganito…, Kamakalawa at Aguila, maging ang serye sa telebisyon na Noli Me Tangere—matingkad ang temang nais niyang suriin: ang pagkakakilanlan, kultura at kasaysayan ng mga Pilipino.

Sa panahon ngayon, bibihira na ang ganitong mga pagtatangka na gamitin ang sining ng pelikula para hamunin ang sensibilidad ng Pilipinong manonood. Sa kasalukuyang kalakaran ng komersyal na paggawa ng pelikula, pangunahing konsiderasyon ang pagpatok nito sa takilya. Naisasantabi na ang pagtingin sa pelikula bilang sining at bilang bahagi ng pagkakakilanlan, kultura at heritage ng mga Pilipino.

Sa tribute at burol kay Eddie Romero sa Cultural Center of the Philippines. (Larawan mula sa CCP website)
Sa tribute at burol kay Eddie Romero sa Cultural Center of the Philippines. (Larawan mula sa CCP website)

Sa kabila nito, hindi nawalan ng pag-asa si Romero sa sining ng pelikula sa bansa. Kahit na hindi kasing aktibo sa paggawa ng pelikula tulad ng dati, hindi tuluyang nawala si Romero sa eksena. Sa kaniyang huling dekada, ginugol ni Romero ang kaniyang panahon sa pagsuporta sa Sineng Pinoy sa pamamagitan ng pagdalo sa mga workshop para sa mga nagnanais na gumawa ng pelikula. Naging kabahagi rin siya ng Cinema Evaluations Board kung saan itinaguyod niya ang mga gawa ng mga bago at mapangahas na mga independent filmmaker.

Sumubok din siya sa paggamit ng teknolohiya ng digital filmmaking. Mas payak, hindi  tulad ng grandiyosong produksiyon kung saan siya kinilala, ang kaniyang huling dalawang pelikula—ang “Faces of Love” at “Teach Me to Love.” Gaya ni de Leon na kinilala niyang maestro sa pagpepelikula, nagsilbing inspirasyon si Romero sa mga batang nagnanais makibahagi sa nagpapatuloy na kasaysayan ng Sineng Pinoy.

Sa huling yugto ng kaniyang buhay at karera, tila mas mahalaga kay Romero ang pagpapamana sa susunod na henerasyon ng mga alagad ng sining ng mga aral ng nakalipas na dalawang ginintuang panahon ng pelikulang Pilipino.