Pluma at Papel

Sa Pagitan Ng Dilim At Liwanag


kahit malimit tayong nagugutom at kinakayod tumigas na tutong sa puwit ng kalderong ginahasa ng panahon tuloy pa rin madamdamin nating paglalakbay sa pagitan ng dilim at liwanag habang nagsasayaw sa telon ng balintataw nagliliyab na mga gunitang hitik sa mithiing dakila sinusuhayan ng mga ugat niyon pinatatatag ng puno niyong sintigas ng kamagong mga […]

kahit malimit
tayong nagugutom
at kinakayod
tumigas na tutong
sa puwit ng kalderong
ginahasa ng panahon
tuloy pa rin
madamdamin nating paglalakbay
sa pagitan ng dilim at liwanag
habang nagsasayaw
sa telon ng balintataw
nagliliyab na mga gunitang
hitik sa mithiing dakila
sinusuhayan ng mga ugat niyon
pinatatatag ng puno niyong
sintigas ng kamagong
mga tuhod nating nais nang sumuko
sa pagtahak sa madawag na landas
sa pagsalunga sa mga burol at talampas.

oo, patuloy tayong maglalakbay
sa pagitan ng dilim at liwanag
kahit nagbabanta
itim na balumbon ng mga ulap
kahit pumupusyaw
namumulang mukha ng araw
mga paa nati’y mananalunton
di sa tuwid na daan ng mga sukab
ng iilang diyus-diyosang mandurugas
kundi lagi tayong kakaliwa
sa sangandaan ng paniniwala
tungo sa hardin
ng mahalimuyak na mga adhika
mabulas na mamumulaklak din
laya’t ligaya
ng pinakasisinta
nating la tierra pobreza
magbabanyuhay rin ang lahat
tungo sa katubusan
ng dayukdok, binubusabos na masa.

oo, mga kapatid ko’t kasamang
nakakilala
sa mga talulot ng luha
ng dalamhati ng lahi
nakarinig
sa tagulaylay ng mga sawimpalad
nakadama
sa hapdi ng bitukang napilipit
nakakita
sa pawisang mukha’t katawan
ng namayat na magsasaka’t manggagawa
sa mga asyenda’t pabrikang
sila’y ibinartolina
oo, sa maalab nating paglalakbay
sa pagitan ng dilim at liwanag
hahantong din ang ating mga paa
sa katuparan ng mga pag-asa
magdiriwang din tayo sa mesa ng laya’t ligaya
susunugin mga bangkay
ng uring mapagsamantala!