Talakay-Takilya

Panata at sumpa*


Ayon sa isang makata, may labingtatlong paraan para sipatin ang isang itim na ibon. Ito ang malimit na gamiting talinghaga para isalarawan ang dami ng paraan para basahin ang isang akdang sining at bigyan ito ng pakahulugan. May iba’t ibang paraan para basahin ang pelikulang Debosyon ni Alvin Yapan. Kung pagbabatayan ang pagiging guro ng […]

Ayon sa isang makata, may labingtatlong paraan para sipatin ang isang itim na ibon. Ito ang malimit na gamiting talinghaga para isalarawan ang dami ng paraan para basahin ang isang akdang sining at bigyan ito ng pakahulugan.

May iba’t ibang paraan para basahin ang pelikulang Debosyon ni Alvin Yapan. Kung pagbabatayan ang pagiging guro ng panitikan ni Yapan, maaaring tingnan ang bago niyang obra bilang pagbubuo muli (retelling) at/o pagwawasak ng mga katutubong mito’t alamat. Bilang pangkulturang kritiko, pagsasalarawan ito ng pagpupunyagi upang panatilihin ang katutubong tradisyon sa kabila ng pamamayani ng Kristiyanismo at Katolisismo. Kung sisipatin sa peministang lente, paglalahad ang pelikula ng pasibong papel ng kababaihan sa mga kwentong bayan at sa lipunan.

Mayaman sa simbolismo at bukas sa interpretasyon ang pelikulang Debosyon kung kaya posible itong basahin at tingnan sa iba’t ibang anggulo. Kuwento ito ni Mando (Paulo Avelino) na isang deboto ng Birheng Peñafrancia na umibig sa dalagang si Saling (Mara Lopez). Balot ng misteryo ang pagkatao ni Saling na piniling mamuhay na mag-isa sa pusod ng kagubatan ng Camarines.

Poster ng pelikulang "Debosyon" na dinirehe ni Alvin B. Yapan
Poster ng pelikulang “Debosyon” na dinirehe ni Alvin B. Yapan

Sagana ang kultura at tradisyong Pilipino sa imaheng nagtatangi sa kababaihan—ang mga diwata at engkantada, sina Maria Makiling, Daragang Magayon, Alunsina at Inang Bayan. Ang  mga imaheng ito raw ng kababaihan ang patunay na matriyarkal ang pinagmulan ng lipunang Pilipino. Sa ganitong arketipo hinubog ang misteryo ng pagkatao ni Saling. Dahil kakatwang namumuhay na mag-isa si Saling sa gitna ng gubat, iniisip umano ng ilan na isa siyang diwata.

Sa panitikan at mga awitin, ang paglalagay sa pedestal sa babae ay pagpapakita kung paano siya itinatangi at iniirog. Hindi rin ito nalalayo sa imahe ng babae sa Simbahang Katolika—sinasamba rin maging ang Birheng Maria. Sa unang tingin, pinapakita ng imahe ng kababaihan sa kulturang Pilipino kung paano pinahahalagahan ang papel ng babae sa lipunan. Patunay ng pagdakila ni Mando kay Saling ay ang sakripisyo niya para sagipin sa pag-iisa si Saling. Ito ang ginagamit na panukat sa debosyon ng lalaki sa babaing iniirog.

Ngunit sa kabilang banda, ang pagsamba at paglalagay sa kababaihan sa pedestal ay paggawa sa kanila bilang mga pasibong nilalang. Sa halip na pagpapahalaga, ang ganitong pagkakahon ay sumpa sa kababaihan. Tinatanggalan sila ng papel para baguhin ang kanilang kapalaran at tanganan ang sariling laban. Pinapanatili nito ang kaisipang mahina ang mga babae at kinakailangan silang isalba.

Kinikilala ni Saling na ang paglalagay sa kanya sa pedestal ay sumpa sa kanya bilang babae. Ngunit ang pag-ibig ni Mando ang tutubos sa lumbay ng pag-iisa. Pero bigo si Mando, hindi masasalba ng kaniyang pag-ibig si Saling mula sa sumpa ng pag-iisa.

Mahalaga ang mapagpalayang pagsasalarawan sa kababaihan sa sining at sa pelikula. Sa pamamagitan nito, natutulungan ang kababaihang makita ang halaga ng sarili at puwang sa lipunan. Ang pagkilala sa kakayahan ng babaeng palayain ang sarili ay isang hakbang lamang palayo sa sumpang ipinataw sa kanila ng lipunan. Ngunit ang mas makabuluhan ay ang pagbawi ng kababaihan sa kanilang papel at lugar sa paghubog ng kasaysayan.

*Rebyu ng Debosyon (dulang pampelikula at direksyon: Alvin Yapan; produksyon:  Vim Yapan and Alem Chua Productions, Quantum Films, Voyage Studios at BigTop Productions). Itinanghal ang Debosyon sa Director’s Showcase Category ng Cinemalaya 2013.

Trailer ng pelikula: