Talakay-Takilya

Welga sa pelikula


Ilang buwan na ring nakatayo ang piketlayn ng mga nagwewelgang manggagawa ng Pentagon Steel Corporation, ngunit nito lamang Hulyo unang nailathala sa komersyal na pahayagan ang balita tungkol sa welga. Kung hindi pa sumiiklab ang karahasan na nagresulta sa pagkamatay ng isang gwardya noong Hulyo 13, hindi ito mabibigyang pansin ng mainstream na midya. Bagamat […]

Ilang buwan na ring nakatayo ang piketlayn ng mga nagwewelgang manggagawa ng Pentagon Steel Corporation, ngunit nito lamang Hulyo unang nailathala sa komersyal na pahayagan ang balita tungkol sa welga. Kung hindi pa sumiiklab ang karahasan na nagresulta sa pagkamatay ng isang gwardya noong Hulyo 13, hindi ito mabibigyang pansin ng mainstream na midya.

Bagamat pangkaraniwan na sa bansang batbat ng krisis ang pagwewelga bilang sandata ng manggagawa laban sa pang-aabuso ng mga kapitalista, bibihirang itinatampok ang kwento ng welga sa telebisyon man o sa sine. Kung mayroon man, periperal o sekondaryang kwento lamang ng naratibo ang welga sa mga palabas at pelikula.

PW-sister-stella-l

Kung kaya naman maituturing na natatangi ang pelikula “Sister Stella L.” ni Mike de Leon na nagbigay-mukha sa mga manggagawang naninindigan para sa kanilang mga karapatan. Isa sa pinakamapangahas na ipinrodus ng mainstream na film outfit (Regal Films), ipinalabas ang “Sister Stella L.” noong 1984, ilang taon pa bago tuluyang nagwakas ang diktadurang Marcos. Sa panulat nina de Leon, Jose F. Lacaba at Jose Almojuela, kwento ang pelikula ng pagkamulat ni Sister Stella Legaspi (Vilma Santos) sa reyalidad ng lipunan nang makisalimuha siya sa mga nagwewelgang manggagawa ng isang pabrika ng mantika.

Bagamat ang pokus ng pelikula ay ang radikalisasyon ng isang madre na nagmula sa konserbatibong mundo ng kumbento, malalimang tinalakay ng pelikula ang problema sa paggawa at ang tumitinding kahirapan. Kasabay ng pagkamulat ng Sister Stella, iminumulat din ng pelikula ang mga manonood sa situwasyon ng mga manggagawang ginigipit ng kapitalista at natulak magwelga. Pinasikat sa pelikula ang islogan na “Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan?” na una nang lumabas sa pahayagang pang-mag-aaral na Philippine Collegian noong dekada ’70.

Inilarawan din sa pelikula ang iba’t ibang pamamaraan ng panggigipit sa mga manggagawa tulad ng paggamit ng mga eskirol, panghahati sa mga manggagawa at unyon, pakikipagsabwatan sa kapulisan upang buwagin ang piketlayn at pandarahas. Rumurok ang pelikula sa pagdukot, pagtortyur at pagpaslang sa pangulo ng Republic Oil Labor Union na si Ka Dencio (Tony Santos) at sa panawagan para bigyang hustisya ang pagkamatay nito.

Sina Vilma Santos at Laurice Guillen bilang nakikibakang mga madre sa piketlayn ng mga manggagawa sa "Sister Stella L" na dinirehe ni Mike de Leon
Sina Vilma Santos at Laurice Guillen bilang nakikibakang mga madre sa piketlayn ng mga manggagawa sa “Sister Stella L” na dinirehe ni Mike de Leon

Ilang dekada matapos ng pagbagsak ng rehimeng Marcos at panunumbalik umano ng demokrasya, ganito pa rin ang situwasyon ng pag-uunyon sa bansa. Ilang lider ng mga unyon na rin ang napaslang sa panahon ni Gloria Arroyo at maging ni Noynoy Aquino. Dalawa sa mga ito ay sina Ding Fortuna, pangulo ng unyon ng mga nagwelgang manggagawa ng Nestle Philippines, at Ric Ramos ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Hacienda Luisita, na pag-aari ng pamilya ni Aquino.

Iniigpawan ng “Sister Stella L.” ang pagsasalarawan lamang ng kalunos-lunos na kalagayan ng mga mangagawang Pinoy. Higit, itinatampok din nito ang kahalagahan ng pag-uunyon bilang matibay na sandata ng mga manggagawa laban sa pambubusabos. Sa pamamagitan ng kwento nina Sister Stella at Ka Dencio, nabibigyang katuwiran ang pagwewelga bilang lehitimo at makatarungang aksyon ng mga manggagawa upang ipaglaban ang kanilang karapatan.

At ito ang talas ng “Sister Stella L.” na hindi mapupurol ng panahon.