Karapatang Pantao

Guwardiyang ikinulong, inakusahang lider-rebelde, nagsampa ng kontra-demanda vs AFP, PNP


Nagsampa ng kaso ang security guard na si Rolly Panesa laban sa mga militar at pulis na ilegal na umaresto, nagkulong at nagtortyur sa kanya, sa loob ng 11-buwang pagkakakulong sa akusasyong lider-rebelde siya. Kasama ng mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) at grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, nagtungo sa Department […]

Hanap ay hustisya. Si Rolly Panesa na nagsampa ng kaso sa DOJ  laban sa mga militar at pulis na umaresto at nagpahirap sa kanya. (Macky Macaspac
HUSTISYA ANG HANGAD. Si Rolly Panesa na nagsampa ng kaso sa DOJ laban sa mga militar at pulis na umaresto at nagpahirap sa kanya. (Macky Macaspac)

Nagsampa ng kaso ang security guard na si Rolly Panesa laban sa mga militar at pulis na ilegal na umaresto, nagkulong at nagtortyur sa kanya, sa loob ng 11-buwang pagkakakulong sa akusasyong lider-rebelde siya.

Kasama ng mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) at grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si Panesa noong Setyembre 4 para sampahan ng kaso ang ilang opisyal at tauhan ng militar at pulis.

Sinampahan ni Panesa ng reklamong paglabag sa Anti-Torture Act of 2009 (Unlawful Arrest) sina Maj. Gen. Alan Luga, dating kumander ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines; Maj. Gen. Eduardo Del Rosario, kumander ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army; P/Csupt. James Andres B. Melad, dating Regional Director ng Philippine National Police Regional Office IV;

P/SSUPT. Manuel M. Abu, Chief of Regional Intelligence Office ng PNP Regional Office IV; P/CINSP. Reynaldo Mendoza ng Regional Intelligence Office; P/Ins. Bonifacio L. Guevarra, SPO1 Cristopher E. Flores; PO2 Ariel dela Cruz; PO2 Joseph M. Fernandez; at POI Ellior de Lima.

Kasong perjury naman ang isinampa ni Panesa kay Col. Generoso Bolina, tagapagsalita ng Southern Luzon Command; at Luis Grajo Rayos, Micheal Rojo Alvarado at Erwin Rosales, na pawang rebel returnees.

Inaresto si Panesa noong Oktubre 5, 2012 at nakulong nang 11 buwan, dahil siya daw si Benjamin Mendoza na isang lider ng New People’s Army (NPA) at may PhP5.6-Milyon pabuya sa ikadarakip nito.

Noong nakaraang buwan, ibinigay ni AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista ang pabuya sa taong nagsabing si Panesa ay si Benjamin Mendoza din.

Pero nito lamang Agosto 29, pinaboran ng Court of Appeals (CA) ang petisyong habeas corpus na isinampa ng kaanak ni Panesa. Sa desisyon ng CA, tahasang sinabi nito na mistaken identity ang nangyari kay Panesa at inatasan ang warden ng Camp Bagong Diwa na palayain siya.

“Pinagpilitan nila na ako daw si Benjamin Mendoza, ‘yung Rolly Panesa ginawa nilang alyas,” aniya sa panayam ng mga midya. Sinabi din ni Panesa na hindi sinabi ng mga umaresto sa kanya kung bakit sila inaaresto, kasama niya ang kanyang pamilya noong Oktubre 5, 2012.

Bagama’t hindi niya maidetalye ang pinagdaanang pagpapahirap sa kamay ng mga umaresto, lumalabas ito sa mga medico-legal na ekseman na kasama sa ebidensiyang isinampa niya lumalabas na siya ay tinortyur.

“Hindi ko na matandaan kung ano ang ginawa nila sa akin, basta nagkamalay na lang ako na binibihisan ng aking asawa at puro dugo na. Basag ‘yung right eardrum ko mahina na pandinig, basag din ngipin ko. Ang dami nilang ginawa sa akin,” sabi ni Panesa.

Pinatotohanan naman ito ni Dr. Geneve Rivera-Reyes, na sumuri kay Panesa apat na araw matapos na siya ay arestuhin. Sinabi ni Rivera ng Health Action for Human Rights na may palatandaang tinortyur si Panesa.

“Tinanggihan nga siya na i-custody ng BJMP sa Camp Bagong Diwa noong una siya dinala doon dahil duguan siya,” ani Rivera.

Sinabi naman ni Ephraim Cortez, abogado sa ilalim ng NUPL, na malinaw umanong lumabag sa karapatan ni Panesa ang mga nasasangkot na militar at pulis. Kahit alam nilang hindi si Benjamin Mendoza ang kanilang nahuli, gayundin matapos ang pagpapakita ni Panesa ng kanyang legal na mga dokumento, hindi pa rin pinalaya si Panesa.

“Maraming tiwali sa gobyerno na kayang paikutin ang batas, tulad ni Alex Alberto Popanes ng Philippine Army Judge Advocate General’s Office (PA-JAGO), na kahit may desisyon na ang CA, tinangka pa nitong ibinbin ang pagpapalaya kay Panesa,” sabi naman ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan. Sinampahan ng kasong incriminatory machination si Popanes.

Dagdag ni Palabay, patunay ang kaso ni Panesa sa double standard na  pagtrato ng gobyerno sa mga bilanggo. “Samantalang malaki ang ginagastos sa pagkain ni Janet Lim Napoles, at may food taster pa, ang mga bilanggong pulitikal nirarasyon ang pagkain, samantalang karamihan sa kanila ay inosente naman,” sabi ni Palabay.