Editor's Pick Pambansang Isyu

Tanaw sa 2014: Ekonomiyang ampaw, diskuntentong aapaw


“Ampaw,” o walang totoong ganansya para sa ordinaryong mamamayan ang ‘paglago’ umano ng ekonomiya noong 2013. Kaya ngayong 2014, dapat asahan ang mas matinding diskuntento sa administrasyong Aquino. Ito ang tanaw ng think tank na Ibon Foundation, matapos suriin ang kalagayang pampulitika at pang-ekonomiya ng Pilipinas noong nakaraang taon. Ayon sa Ibon, noong 2013, lumalim […]

Ang kapalpakan ng administrasyong Aquino sa pagharap sa Bagyong Yolanda ay dagok sa kanyang popularidad. Ngunit ang pagbuhos ng ayuda ay maaari ring magpagana ng bangkaroteng ekonomiya sa 2014.
Ang kapalpakan ng administrasyong Aquino sa pagharap sa Bagyong Yolanda ay dagok sa kanyang popularidad. Ngunit ang pagbuhos ng ayuda ay maaaring magpagana ng bangkaroteng ekonomiya sa 2014, ayon sa Ibon Foundation. (PW File Photo)

“Ampaw,” o walang totoong ganansya para sa ordinaryong mamamayan ang ‘paglago’ umano ng ekonomiya noong 2013. Kaya ngayong 2014, dapat asahan ang mas matinding diskuntento sa administrasyong Aquino.

Ito ang tanaw ng think tank na Ibon Foundation, matapos suriin ang kalagayang pampulitika at pang-ekonomiya ng Pilipinas noong nakaraang taon. Ayon sa Ibon, noong 2013, lumalim ang krisis sa ekonomiya at tuluyang naglaho ang “ilusyon” na may makabuluhang pagbabago sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Totoong lagay ng ekonomiya

Sa isang economic and political briefing sa Quezon City kamakailan, inilahad ng Ibon ang tindi at lawak ng krisis sa ekonomiya na lalong nagpapahirap sa karamihan, at nagpapayaman naman sa iilan:

  • Kahirapang pinagtatakpan

Pilit itinatago ng gobyerno ang napakalaking bilang ng mahihirap na Pilipino. Umano’y makailang beses nang binago ng National Statistics Coordination Board o NSCB ang kanilang pamantayan ng “mahirap”. Tinatayang 19 milyong mahihirap ang tinanggal sa opisyal na talaan ng mahihirap dahil sa mga pagbabagong ito.

Ngayon, tinataguriang “mahirap” lamang ang isang Pilipino kapag nabubuhay sa halagang P52 kada araw. Sa tantiya ng gobyerno, nasa 23.7 milyon ang bilang nito. Pero kung sa pamantayan na “mahirap” na nabubuhay sa halagang P125 kada araw, aabot sa 66 milyong Pilipino ang naghihirap, ayon sa Ibon.

  • Lumalagong kita ng malalaking kompanya, mayayamang pamilya

Kasabay ng malawak na kahirapan ang paglago ng kita o net income ng Top 1000 Corporations sa bansa. Lumago nang 24.5 porsiyento (katumbas ng P212.8 Bilyon) ang kanilang kita noong 2012 kumpara sa nakaraang taon. Tatlong beses itong mas malaki kaysa sa paglago ng Gross Domestic Product (GDP).

Lumago rin ang kita o net worth ng 40 Richest Filipinos nang halos apat na beses, o katumbas ng $16.8 B, mula noong 2009. Ito ang mga pamilya Sy, Tan, Razon, Gokongwei, Ayala, Aboitiz, Consunji, Ty, Cojuangco (kinabibilangan ni Pangulong Aquino), Zobel, Lopez, Araneta, Yuchengco, at iba pa, na may-ari ng iilang kompanyang nagdodomina sa pangunahing mga sektor ng ekonomiya.

  • ‘Paglago’ ng ekonomiya: mababaw, ampaw

Ipinagmamalaki ng administrasyong Aquino ang 7.4 porsiyentong growth rate ng GDP o paglago ng ekonomiya ng bansa noong unang tatlong kuwarto ng 2013: isa raw ito sa pinakamabilis sa buong mundo.

Ngunit ayon sa Ibon, kalakhan ng paglago ay nagmula sa sektor ng real estate at construction, na kakaunti ang nalilikhang trabaho at hindi pinalalago ang iba pang sektor ng ekonomiya. Malaking bahagi naman ng paglago sa sektor ng pagmamanupaktura ay may kinalaman pa rin sa real estate at construction.

Samantala, nananatiling napakababa ng paglago ng sektor ng agrikultura (1.1 porsiyento).

Ang paglago ng real estate at construction ay bunga ng pagbagsak ng interest rates ng mga bangko, ayon sa Ibon. Dahil sa kagustuhan ng mga kapitalistang bansa na paganahin ang kanilang ekonomiya at maibsan ang krisis, ipinatupad nila ang polisiyang tinatawag na quantitative easing at naglagak ng $3.5 Trilyon sa mga bangko at iba pang pampinansiyang institusyon simula noong 2008. Dahil dito, bumagsak ang interest rates sa 0.27 porsiyento noong 2013, mula 5.3 porsiyento noong 2007.

Ngunit pansamantala at mababaw umano ang ‘paglago’ sa ekonomiya na itinulak ng mababang interest rates at pangungutang sa bangko ng maliit na bahagi lamang ng lipunan.

Halimbawa, ang demand sa real estate at construction ay kalakhang nagmumula sa mga business process outsourcing at may-kayang Overseas Filipino Workers (OFWs) lamang. (Tinatayang bababa rin ang demand na ito kapag tumaas na ang interest rates.) Hindi ito nakabatay sa istableng lokal na demand at produksiyon.

Gayundin, napakaliit ng nalilikhang trabaho sa real estate at construction (ang real estate, 0.5 porsiyento lamang ng kabuuang pag-eempleyo at ang construction, 6.2 porsiyento). Nakakonsentra lamang din ito sa National Capital Region, at Calabarzon.

paglago ng ekonomiya: para kaynino? | Create infographics

Sa kalakhan, nananatiling atrasado ang agrikultura at industriya ng bansa dahil sa pagsunod sa dispalinghadong mga economic roadmap ng administrasyong Aquino. Ayon sa Ibon, ang mga roadmap na ito ay hindi nagmumula sa isang estratehikong plano para sa pambansang industriyalisasyon at pag-unlad, kundi sa “kagustuhan ng mga negosyo, kabilang ang dayuhang negosyo, na palakihin ang kanilang produksiyon at kita.”

Halimbawa, sa dayuhang mga kompanyang transnasyunal (TNC) napupunta ang 65 porsiyento ng kita sa sektor ng pagmamanupaktura.

Ang mga kompanyang TNC–bukod sa hindi nag-aambag sa pag-unlad ng lokal na industriya, at nagpapababa sa halaga ng mga produktong lokal dahil pinapaloob lamang ang mga ito sa pandaigdigang supply chain–ay may tendensiya ring mag-empleyo ng pinakakaunting manggagawa sa pinakamababang sahod.

  • Kawalang trabaho, mababang sahod

Ipinunto ng Ibon na ang diumano’y ‘paglago’ ng ekonomiya ay hindi lumikha ng mga trabaho. Noong 2013, nasa 0.8 porsiyento lamang ang paglago ng empleyo, o katumbas ng 317,000 trabaho.

Nasa all-time high naman ang unemployment rate o kawalan ng trabaho sa 10.6 porsiyento, o katumbas ng 4.5 milyon, batay sa tantiya ng Ibon. Ang sariling tantiya ng gobyerno–na mas mababa dahil sa gamit na depinisyon ng ‘may trabaho’–ay nasa 7.1 porsiyento o 2.9 milyon. Pero anumang estadistika ang gamitin, ayon sa Ibon, isa ito sa pinakamalalang antas ng kawalang-trabaho sa Asya at maging sa mundo.

Samantala, hindi pa umaabot sa kalahati ng family living wage (o sahod na kinakailangan para mabuhay ang isang pamilya) ang minimum na sahod na natatanggap ng isang manggagawa sa National Capital Region. At dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, halos pareho lang o lumiit pa ang totoong halaga ng sahod mula 2010 hanggang 2013. Totoo ito para sa 79 porsiyento ng mga manggagawa, ayon sa Ibon.

  • Mataas na presyo ng bilhin

Kinatampukan ang 2013 ng pagtaas sa presyo ng bigas at langis at singil sa tubig at kuryente, na bunga ng pribatisado at deregularisadong industriya ng batayang mga serbisyo at yutilidad.

Mula sa P30 kada kilo noong 2012, tumaas ang presyo ng bigas sa P36 kada kilo noong 2013, samantalang tumaas naman ng 10 hanggang 30 porsiyento ang presyo ng maraming gulay.

Noong nakaraang taon, tumaas nang 26 na beses ang presyo ng gasolina habang nag-rollback naman ng 14 na beses. Kaya mula sa P39.50 – P42.45 kada litro noong 2012, tumaas ito sa P49.15 – P55.30 noong 2013. Tumaas din ang presyo ng LPG. Mula P670 -P814 kada 11kg na tangke, naging P842 – P965 ito.

Nakabinbin naman dahil sa oposisyon ng iba’t ibang grupo ang malakihang mga pagtaas sa singil ng kuryente, tubig, at MRT/LRT.

“Ang pinakamalaking kabiguan ng administrasyong Aquino ay ang paggamit nito sa kapangyarihan ng estado para itaguyod ang pribadong tubo ng mga dayuhang kompanya at lokal na oligarkiya, habang iniiwasan ang redistristribusyon (ng yaman) para sa kapakanan ng naghihirap na mayorya,” ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon.

Dagdag pa niya, sinusuportahan ang mga polisiya ni Aquino ng internasyunal na mga pampinansyang institusyon, dayuhang kapitalista, malaking bahagi ng lokal na oligarkiya, gobyerno ng US at iba pang makakapangyarihang bansa.

Aabangan sa 2014

Ngunit dahil sa lalim ng mga problemang sosyo-ekonomiko, umano’y laging hinog ang mga kondisyon sa diskuntento at paglaban ng mahihirap na mamamayan, na batid ang papalala nilang sitwasyon. “Maging ang mga nasa panggitna at nakatataas na uri, kinukuwestiyon na rin ang kakayahan, pagdedesisyon, at sinseridad ni Aquino,” ayon kay Africa.

Umano’y pinakamatinding yumanig sa popularidad ni Aquino ang usapin ng korupsiyon sa pork barrel, kabilang ang sariling Disbursement Acceleration Program o DAP, at ang kapalpakan nito sa pagharap sa Bagyong Yolanda.

Sa 2014, inaasahan ng Ibon na tutumal ang ‘paglago’ ng ekonomiya (na nagsimula na noong huling kuwarto ng 2013), dahil sa unti-unting pagtaas ng interest rates at pagbaba ng growth rate ng OFW remittances. Posible lamang umanong pansamantalang buhayin ang ekonomiya ng pagpasok ng tinatayang P361 Bilyon mula sa rekonstruksiyon at rehabilitasyon sa mga eryang sinalanta ng Bagyong Yolanda.

Sa huling dalawang taon ng administrasyong Aquino, susubukan din nitong bawiin ang nawalang suporta ng publiko sa pamamagitan ng “pakitang-tao” na pagtugis sa korapt na mga kalaban sa oposisyon, ayon sa Ibon. Umano’y magdudulot ito ng mas maigting na tunggalian ng mga paksyong elite na nagpoposisyon na rin ng kani-kanilang kandidato para sa 2016 presidential elections.

Sa gitna ng lahat ng ito, iigting ang paghahanap ng mga mamamayan–lalo na sa kanayunan–ng radikal na pagbabago sa bansa. Sa monitoring ng Ibon, tumaas ang bilang ng mga engkuwentro sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at New People’s Army (NPA) sa 372 noong 2013, mula 323 noong 2012, ayon. Sa mga engkuwentrong ito, tumaas ang bilang ng mga kaswalti ng gobyerno habang bumaba naman ang sa mga rebeldeng NPA.

Susubukan umanong pahupain ni Pangulong Aquino ang tumitinding diskuntento sa pamamagitan ng dole-outs at propaganda na bubuti rin ang sitwasyon ng mahihirap.

“Totoong hindi kayang solusyunan sa loob ng tatlo o kahit anim na taon na presidential term ang matatagal nang problema ng bansa. Ngunit ang pagpapatuloy (ni Aquino) sa mga polisiyang napatunayan nang bigo at dispalinghado ay magpapalala lamang sa mga problemang ito,” ayon kay Africa.

Ang totoong solusyon umano sa krisis pang-ekonomiya ay ang pagtaas ng lokal na demand sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo at pagtaas ng sahod. Gayundin ang pagtaas ng lokal na produksiyon sa pamamagitan ng suporta at proteksiyon sa lokal na produksiyon, sa halip na pag-akit sa dayuhang kapital na pinagkakakitaan lamang ang murang paggawa, natural na rekurso, at merkado ng Pilipinas.

Ngunit sa halip na humakbang papalayo sa luma at di-demokratikong mga polisiya, kabaligtaran ang ginagawa ni Aquino, ayon sa Ibon. Delikado at nag-iimbita umano ng pag-aalsa ang tinatahak na daan ng administrasyon.