Main Story

Ika-50 taon ng pagdaloy ng ‘agos’

Ipinagdiwang ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ang ika-50 taon ng pagkakalathala ng “mga agos sa disyerto” noong Pebrero 22, 2014 sa kampus nito sa Sta. Mesa, Maynila. Ang okasyon na may temang “Kahalagahan ng Makabayang Panitikan sa Panahon ng Multi-media at Globalisasyon” ay pinangunahan ng Sentro para sa Malikhaing Pagsulat ng PUP. Hindi naman […]

Kinilala ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang kontribusyon ng "mga agos sa disyerto". Nasa larawan sina Abueg at Ordoñez, (ikaapat at ikalima mula sa kaliwa), kasama sina  Dr. Emanuel De Guzman, presidente ng PUP, Dr. Manuel M. Muhi, Bise Prwesidente ng PUP, Dr. Bienvenido Lumbera at E. San Juan, Jr. (Maricris Magaling)
Kinilala ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang kontribusyon ng “mga agos sa disyerto”. Nasa larawan sina Abueg at Ordoñez, (ikaapat at ikalima mula sa kaliwa), kasama sina Dr. Emanuel De Guzman, presidente ng PUP, Dr. Manuel M. Muhi, Bise Presidente ng PUP, Dr. Bienvenido Lumbera at E. San Juan, Jr. (Maricristh Magaling)

Ipinagdiwang ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ang ika-50 taon ng pagkakalathala ng “mga agos sa disyerto” noong Pebrero 22, 2014 sa kampus nito sa Sta. Mesa, Maynila.

Ang okasyon na may temang “Kahalagahan ng Makabayang Panitikan sa Panahon ng Multi-media at Globalisasyon” ay pinangunahan ng Sentro para sa Malikhaing Pagsulat ng PUP.

Hindi naman nakapagtatakang parangalan ng PUP ang mga beterano ng “agos” dahil dalawa sa mga ito, sina Rogelio L. Ordoñez at Efren R. Abueg, ay kapwa nagtuturo sa naturang unibersidad.

Ang “agos” na nalathala noong 1964 ay binubuo ng 25 maiikling kathang isinulat sa wikang Filipino nina  Ordoñez, Abueg, Dominador B. Mirasol, Edgardo Reyes, at Rogelio R. Sikat.

Inilathala ng grupo ang unang edisyon ng “agos” para ipakita sa mga nagpaparatang na ang Panitikang Filipino ay isang disyerto. Hindi sila naniniwala rito at ang kanila’y pagsisikap na “paagusan” ito ng bagong anyo, paksa, at paniniwala na ipinahihiwatig ng kanilang mga akda.

Mariin din itong pagsalungat sa pamamayagpag umano ng panitkang Ingles at talamak na komersiyalisasyon ng panitikan.

Bukod sa pagsusulong ng panitikan sa wikang pambansa, tinalakay rin ng “agos” ang mga temang iniiwasan ng mga kwentong nanlilimahid sa kuwento ng pag-ibig tulad ng kalagayan ng mga manggagawa, prostitusyon, karahasan sa lungsod, kawalan ng lupa ng mga magsasaka at iba pang isyung panlipunan.

Dahil dito kaya tinawag na isa sa mga panandang bato sa panitikan ng Pilipinas ang naturang antolohiya.

Ayon nga kay Ordoñez, na dati ring punong-patnugot ng Pinoy Weekly, isang pagrerebelde ang maiikling kuwento sa agos sa disyerto laban sa kalakaran noon ng mga akdang namamayani sa mga komerisyal na magasin na karaniwang nagtatampisaw lamang sa de kahong mga paksa ng malalapot na paglalambingan at nanggigitatang pagmamahal o naglulunoy kaya sa daigdig ng pantasiya o kababalaghan na walang pangunahing layunin kundi aliwin lamang at iduyan sa ilusyon ang madlang mambabasa.

“Katunayan, hindi lumabas sa mga magasing iyon ang mga akdang nasa agos, kundi sa mga diyaryong pang-unibersidad at pampanitikang mga dyurnal. sa maikling salita, iba at salungat ang paksa, estilo at wika ng agos kaysa mga akdang pangkomersiyal sapagkat tinalakay ng mga ito ang marawal na reyalidad ng lipunan at ng mismong buhay ng busabos na masang sambayanang patuloy na pinagsasamantalahan at binibiktima ng uring hari-harian sa ating nakasusukang sistema sosyal at, hanggang mahigpit na kontrolado ng iilang diyus-diyosan ang pambansang pulitika[t ekonomiya, malayong makaahon sa lusak ng karalitaan ang busabos na masang sambayanan. isang panawagan ang agos sa kamulatan ng nakararaming ordinaryong mamamayan” dagdag niya pa.

Kabilang sa mga nagpaunlak ng pananalita para sa programa ang Pambansang Alagad ng Sining na si Bienvenido Lumbera, at ang makata, kritiko, iskolar at manunulat na si E. San Juan, Jr.

Nauna nang kinilala ni Lumbera ang ambag ng “agos” sa kasaysayan ng kuwento sa Pilipinas. Aniya, karugtong ito ng tradisyon ng kamalayang panlipunan ng mga nobela ni Rizal at tumiwalag sa pamamaraan at tono ng naunang mga henerasyon.

Nang una itong malathala, pinangunahan ng mga awtor ng “agos” ang panitikan sa Pilipinas at naging inspirasyon ng mga sumunod na henerasyon ng mga manunulat na lumikha ng mga antolohiya tulad na lamang ng Sigwa na lumabas noong 1971.

Sinabi naman ni E. San Juan, Jr. na lalong kailangan ng lipunan ang mga akdang makabayan at progresibo sa panahon na ang pangunahing gawain ng tao ay “malling” at pagtutok sa elektronikong gaheto at libangan.

Nagpasalamat naman si Medekka Morales, puno ng Sentro para sa Malikhaing Pagsulat ng PUP, unang-una kina Ordoñez at Abueg sa tiwalang ibinigay ng mga ito para maisagawa ang ika-50 anibersaryo ng agos, gayundin kina Lumbera at San Juan, Jr sa kanilang ibinahagi sa naturang okasyon at sa pamunuan ng PUP.

Mula nang mailathala ang “agos” nagkaroon na ito ng mga edisyon noong 1974, 1993, at 2010. Bawat edisyon ay nagkaroon ng kani-kaniyang pagbabago.