Pluma at Papel

Bulkang Sosyal Ang Bansa


MGA ILANG dekada na ang nakararaan, maraming mga palaaral sa lipunan at pulitika ang naghambing sa bansa sa isang bulkang sosyal na maaari diumanong sumabog anumang oras kagaya ng Mt. Pinatubo kahit mga 600 taon na itong natulog. Mula pa sa nagdaang mga rehimen dahil sa napakasamang kalagayang panlipunan, lalo na sa panahon ng diktadurang […]

MGA ILANG dekada na ang nakararaan, maraming mga palaaral sa lipunan at pulitika ang naghambing sa bansa sa isang bulkang sosyal na maaari diumanong sumabog anumang oras kagaya ng Mt. Pinatubo kahit mga 600 taon na itong natulog. Mula pa sa nagdaang mga rehimen dahil sa napakasamang kalagayang panlipunan, lalo na sa panahon ng diktadurang Marcos, kung sinu-sino na ang humula na puputok na sa wakas ang naturang bulkang sosyal kapag hindi nabago ang grabeng kalagayang panlipunan, pampulitika man o pangkabuhayan.

Katunayan, sa isang artikulo ng yumaong Teodoro M. Locsin, Sr. ng Philippines Free Press, nilinaw niyang inihambing na noon ni Claro M. Recto — namayapa na rin at kinilalang makabayang senador noon ng Republika — ang pambansang kalagayan sa umiral na mga pangyayari sa Cuba bago nagkarebolusyon doon na pinamunuan ni Fidel Castro at nagbagsak sa malupit at mapagsamantalang rehimen ni Fulgencio Batista. Sa isang artikulo rin sa Reader’s Digest ni Carl Rowan, dating direktor ng US Information Agency, binigyang-diin niya na kagaya nga ng Cuba ang Pilipinas bago napatalsik sa poder si Batista.

Ano ang mga kalagayang umiiral noon sa Cuba na masasabing namamayani rin ngayon sa Pilipinas?

Sabi nga ni Rowan: “ang pagwawalang-bahala ng naghaharing-uri, ang pagkakaroon ng mga subersibo at gerilya sa kabundukan, ang patuloy na pag-ungol ng disgustadong mga estudyante at intelektuwal sa mga siyudad.” Idinagdag pa niya na “napakaliit ng minoryang mahigpit na pumipisil” o kumokontrol sa kayamanan at pulitika ng bansa at nagigising na ang masa, ang sambayanan, sa katotohanang ito. Nakikita na ng mga mamamayan, ayon kay Rowan, “ang kasalanan ng isang oligarkiyang gumagamit ng katiwalian, at umuupa ng mga mamamatay-tao, para makapanatili sa kanilang pribilehiyadong katayuan.” Kung hindi diumano mababago ang masamang kalagayang ito, kung hindi diumano “magigising ang naghaharing-uri sa mga pangangailangan ng masa,” dagdag niya, “maaaring magkaroon ng malaking gulo sa bansa.”

Pero bakit hindi pa nga pumuputok ang bulkang sosyal? tanong noon pa man ni T. M. Locsin, Sr. O nabago na ng kasalukuyang rehimen ang napakasamang kalagayang panlipunan at kontento na ang sambayanan?

Sinasabing lalo pa ngang naging malaganap ang karalitaan ngayon. Mga 85% ng sambayanan ang talagang pobre at lubhang miserable na ang pamumuhay. Hindi na maikakailang marami sa kanila ang kulang sa masustansiyang pagkain, nagtitiis sa kanin at asin o lugaw na hangin ang ulam. Marami sa kanila ang walang bahay, walang lupa, walang-wala, at nakikisiksik sa nagsisiksikan nang mga barungbarong sa mga suluk-sulok ng lungsod habang, sa kabilang banda, nagtatampisaw sa kayamanan ng bansa ang dayuhang mga negosyante, ang bastardong mga pulitiko, ang iilang grupo ng maimpluwensiya’t mapribilehiyong Pilipino. Katunayan, batay sa pananaliksik ni John Doherty — Amerikanong Heswita — isang ikalimang (1/5) bahagi lamang ng populasyon ang nakikinabang sa 50% ng pambansang kita at 60 pamilya lamang, ayon naman sa manunulat-mananalaysay na si Stanley Karnow, ang kumokontrol sa kabuhayan ng bansa.

Bunga ng naturang katotohanan, bukod pa sa mapaminsalang galamay dito ng imperyalismong Amerikano, hindi na dapat ikagulat kung manatiling busabos ang malaking bahagi ng sambayanan, ang 85% ng populasyon na halos kumain-dili. Hindi na rin katakatakang lalong lumaki ang agwat na naghihiwalay sa mayaman at sa mahirap at lalo pang maghirap ang milyun-milyong maralitang Pilipino.

Sa kabila ng mayabang na ipinangangalandakan ng mga tambolero o propagandista ng kasalukuyang rehimen na “maganda’t papaunlad ang buhay ng mga mamamayan at ang ekonomiya ng bansa,” hindi na kailangan marahil ng sinuman ang may mataas na gradong salamin upang makita ang tumitinding mga kontradiksiyon sa ating lipunan. Mahirap nang mapasubalian ang katotohanang patuloy na lumalaganap ang kawalang-trabaho o disempleyo, patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo nang walang kaukulang pagtaas sa suweldo lalo na ng ordinaryong mga manggagawa. Patuloy na tumataas ang mga buwis, at nag-iimbento pa ng mga bago, patuloy na bumabagsak ang halaga ng piso kontra dolyar habang patuloy namang ibinabaon sa utang ang bansa — kaya patuloy at patuloy ngang nagiging miserable ang kalagayan ng masang sambayanan.

Malinaw nang nailarawan ng yumaong Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. sa isa niyang pagtatalumpati sa Amerika noon ang naturang marawal na pambansang kalagayan. Bagaman ang katayuan ng bansa sa ilalim ng diktadurang Marcos ang tinutukoy niya noon, kapansin-pansin na parang wala ngang ipinagbabago ang mga problemang pangkabuhayan at pampulitika o panlipunan ng bansa magpahanggang ngayon.

Sinabi ni Ninoy Aquino: “Ang Pilipinas ay isang lupain ng nakalilitong pagkakaiba. Narito ang isang lupaing iilan ang labis na mayaman habang lubos na nagdaralita ang masa. Narito ang isang lupaing ang kalayaan at mga biyaya nito ay totoo lamang para sa iilan at isang ilusyon lamang o pangarap para sa nakararami. Narito ang isang lupaing nananalig sa demokrasya ngunit pinatatakbo ng isang matibay na plutokrasya. Narito ang isang lupain ng pribilehiyo at ranggo — isang republikang diumano’y para sa pagkakapantay-pantay pero sinasalaula ng isang sistema ng pag-uuri-uri.”

Idinagdag pa niya na ang pamahalaan nito’y “halos bangkarote sa pananalapi” at ang mga sangay nito’y “pinaghaharian ng mga utang at katiwalian” at, higit sa lahat, “bagsak ang mga industriya.” Sa kabila ng lahat, binigyang-diin ni Ninoy, “wala namang pagpaplanoing pangkabuhayan, walang pagtatangkang paunlarin ang ekonomiya, kung kaya nanlulupaypay ang mga Pilipino… nakakulong sa kawalang-pag-asa, walang layunin, walang disiplina, at walang pagtitiwala sa sarili.” Sabi niya, ito’y dahil na rin sa ating “mga lider na nangangalandakan ng pagmamahal sa bayan ngunit, sa katotohanan ay higit ang pagmamahal sa kani-kanilang sarili.”

Pero bakit hindi pa nga pumuputok ang bulkang sosyal? tanong nga noon pa man ni Locsin. O hindi pa totoong miserable ang sambayanan?

Maaaring kontento pa nga ang sambayanan at nakangingiti pa sa kanilang kabusabusan. Ikinakatuwiran ng mga palaaral sa pulitika na ang sambayanang Pilipino ay hindi naman kasing miserable ng sambayanang Ruso bago ibinagsak ng mga Bolshevik, sa pamumuno ni Vladimir Ilyich Ulyanov o Lenin, ang rehimeng Tsarista ng mga Romanov sa Rusya. Hindi rin sila diumano kasing miserable ng sambayanang Tsino bago naluklok sa poder ang rehimeng Komunista nina Mao Tsetung. At, ayon noon kay Locsin, lalong hindi sila napakamiserable kagaya diumano ng milyun-milyong taga-India na hindi naman naghimagsik laban sa kanilang sistema sosyal at sa gobyernong dahilan ng kanilang pagkamiserable.

Kung hindi pa nga ganap na miserable at kahabaghabag ang sambayanang Pilipino, bakit nga ba magagalit at maghihimagsik? dagdag na tanong pa ni Locsin.

Sa punto ng mga konserbatibo, totoong patuloy na yumayaman ang mayaman at talagang lalong naghihirap ang mahirap dahil kontrolado nga ng iilang pamilya ang ekonomiya’t pulitika ng bansa habang, sa kabilang banda, patuloy pang hinuhuthot ng mga dayuhan pero, sa bawat panahon, anuman ang dumating na rehimen, nakasanayan na daw ng masang sambayanan ang kahirapan at kilalang-kilala na nila ang mukha ng karalitaan. Kung totoo mang binubusabos ng mga kapitalista sa dambuhalang mga pabrika’t korporasyon ang mga manggagawa, o kung inaalipin man ng mga propiyetaryo’t asendero ang mga magsasaka, may trabaho pa naman daw sila kahit papaano at higit daw mahirap ang wala silang pinagkakakitaan lalo na ngayong laganap ang disempleyo.

Kung hindi man daw sapat ang kanilang suweldo o kinikita sa kanilang pang-araw-araw na mga pangangailangan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo — bigas man o mais, tubig man o kuryente, sabon man o mantika — may kinikita pa rin daw sila kahit paano. Makabibili pa rin daw sila ng kape’t ilang pandesal na pantighaw sa kumakalam na sikmura. Kahit malimit na hindi na sila kumakain nang tatlong beses sa maghapon, kahit kamote’t mais, kahit lugaw at asin ang kanilang kinakain, ang mahalaga daw ay may kinakain pa rin sila at sanay naman silang kumain ng kahit ano, basta puwedeng kainin.

Kung mataas man daw ang pasahe sa mga sasakyan, puwede daw naman silang maglakad na lamang dahil hindi pa naman sila pinuputulan ng mga paa. Kung sa dampa man daw sila nakatira, o sa mumurahin at masikip na entresuwelo, o sa mga barungbarong sa mga suluk-sulok ng lungsod, o natutulog na lamang sa mga bangketa, sa mga kariton at mga damuhan ng parke, ang mahalaga daw ay may natutulugan pa rin sila at puwede bang lumikha ng bata. Kung nagdaramit daw sila ng animo’y basahan, kung hindi man daw nila mapag-aral ang kanilang palabuy-laboy na mga anak, kung anuman ang lahat ng kahirapang ito, ang mahalaga daw ay nabubuhay pa rin sila kahit ipinagkakait sa kanila ng tiwaling lipunan ang karapatang mabuhay nang parang tao sa ilalim ng isang tunay na hustisya sosyal.

Bakit nga ba magagalit pa? tanong ng mga konserbatibo. Matitiis pa naman daw, marahil, ang lahat-lahat.

Ayon nga sa artikulo ni T. M. Locsin, Sr. noon, nariyan pa naman ang Simbahan kung saan puwedeng magdasal kahit minu-minuto, oras-oras o araw-araw. Baka nga mahabag din ang maawaing langit at kahit hindi kami naniniwala sa mga milagro, baka bigla ngang umulan ng bigas at talong na may kasama pang bagoong, ng damit at pera para sa sambayanang dayukdok. Isa pa, sabi ng mga relihiyosong nag-uunan ng Bibliya, mapapalad daw ang mga maralita. Mas matindi diumano ang paghihirap nila sa lupa, mas malaki daw naman ang kanilang gantimpala sa kalangitan. Hindi na bale daw na maghirap, magtiis at magsakripisyo sila nang husto sa lupa sapagkat, sa kabilang banda, puro kaligayahan naman daw ang naghihintay sa kanila sa sinasabing kabilang-buhay — walang gutom, walang uhaw, at buhay na walanghanggan basta’t manuntunang lubos sa mga aral ni Kristo. Puwede ngang tiisin ang lahat — kung gayon.

Nariyan din daw ang kalayaan sa pamamahayag at binubuhay nito diumano ang ilusyong may kalayaan. Sabi nga, huwag lamang libelo, pinahihintulutan daw ang sambayanang ipahayag ang anumang pagtuligsa sa masama’t tiwaling administrasyon, batikusin man ng maaanghang na mga salita ang kinauukulang mga opisyal o isumpa man ang umiiral na sistema sa lipunan. Kahit kontrolado ng mga hari-harian sa lipunan ang “mass media” — radyo, diyaryo at telebisyon — iplnahihintulot naman daw ang mga pagtuligsa upang mabawasan sa pamamagitan nito ang galit ng sambayanan. Pero, kaiingat, kung banta na ito sa katatagan o kapangyarihan at kaayusan ng uring naghahari-harian, malamang na ipasara ang mga iyon tulad noong rehimeng Marcos. Maaaring ipakulong pa — o ipapatay — ang masusugid na kritiko ng nakasusulukasok na rehimen.

Bakit nga ba maghihimagsik kung puwede namang malayang ipahayag ang matinding galit? muling tanong ng mga konserbatibo.

Nariyan naman daw, isa pa, ang sinasabing demokrasya. Kahit hindi nga nababago ang tiwaling balangkas ng lipunan, ipinahihintulot daw naman nito na makapamili ang sambayanan ng mga manunungkulan sa gobyerno kahit pare-pareho naman, kung tutuusin, ang pagpipilian. Mapapalitan diumano ang isang masama’t abusadong rehimen at maparurusahan ang mapagsamantalang mga opisyal. Sa pamamagitan daw ng eleksiyon, maipahahayag ng sambayanan ang kanilang galit at pagkasuklam – sa bisa ng balota — laban sa mga lider na nagpapakabundat sa kapangyarihan at nagbabasura lamang sa tunay na pambansang kapakanan. Sa bawat eleksiyon, nagkakaroon daw ang sambayanan ng pag-asang bubuti rin, sa wakas, ang busabos nilang buhay at magiging maganda na’t maunlad ang pambansang kabuhayan.

Bakit nga ba maghihimasik, muling tanong ng mga konserbatibo, kung puwede namang parusahan ng mga mamamayan sa bawat eleksiyon ang sinumang salanggapang na lider ng bansa? Pero, sa kabilang banda, tanong naman ng mga radikal, may totoo bang malinis na eleksiyon sa bansa upang maibandila ang tunay ding damdaming-bayan?

Puputok na nga ba ang bulkang sosyal? O talagang hindi pa napakamiserable’t kahabaghabag ang masang sambayanan?