Kabataan Main Story

Kabuwisitan sa ‘Calendar Shift’ sa UP


Nitong Pebrero nagulantang ang mga estudyante, kawani at guro sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) dahil sa biglaang pagpapalit ng buwan ng pasukan para sa susunod na taong pang-akademiko sa naturang pamantasan. Sa academic year 2014-2015, Agosto na ang magiging simula ng pasukan na magtatapos sa buwan ng Mayo sa UP System dahil sa calendar shift. Hindi […]

Press conference ng mga propesor ng UP Diliman na tutol sa calendar shift. <strong>Pher Pasion</strong>
Press conference ng mga propesor ng UP Diliman na tutol sa calendar shift. Pher Pasion

Nitong Pebrero nagulantang ang mga estudyante, kawani at guro sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) dahil sa biglaang pagpapalit ng buwan ng pasukan para sa susunod na taong pang-akademiko sa naturang pamantasan.

Sa academic year 2014-2015, Agosto na ang magiging simula ng pasukan na magtatapos sa buwan ng Mayo sa UP System dahil sa calendar shift. Hindi pa kasama sa pagbabagong ito ang Diliman campus dahil sa pagtutol ng mga propesor na nauwi sa referendum o botohan kung pabor ba sila o hindi dito. Pero sa ibang mga kampus, ipatutupad na ito.

Para umano ang calendar shift sa internationalization ng UP: Mas makapaghikayat daw ito ng banyagang mga mag-aaral at propesor para tumaas ang ranking nito, batay sa mga istandard ng Asean University Network o AUN.

Inaprubahan ang hakbang na ito ng Board of Regents ng UP mula sa boto ng mayorya noong Pebrero 6. Nasa 16 umano ang sumuporta sa referendum, lima ang tumutol, at isa ang nag-abstain.

Pero para sa Congress of Teachers / Educators for Nationalism and Democracy in UP (Contend-UP), hindi internationalization ang higit na kailangan ngayon ng UP, at hindi ang mga mag-aaral at propesor sa UP ang higit na makikinabang sa calendar shift na ito.

Hindi ginagarantiya ng synchronization ng kalendaryo natin sa kalendaryo sa mataas na edukasyon ng mga partner sa Asya at sa mundo ang demokratisasyon ng pagpasok sa UP Diliman lalo na sa mahihirap pero matatalinong mga estudyante…Hindi nakakapagbigay ng sapat at kapani-paniwalang dahilan ang administrasyon (ng UP) kung bakit kailangang madaliin ang synchronization ng ating kalendaryo sa kalendaryo ng ibang partner na mga pamantasan,” pahayag ng Contend-UP, sa wikang Ingles.

Calendar shift, walang basehan

Ayon kay Emmanuel De Dios, ekonomista at propesor sa UP School of Economics, hindi siya tutol sa internationalization sa kabuuang pakahulugan nito. Resulta umano ito ng kahusayan ng isang unibersidad at pagiging “internationally reputable” ito na pinupuntahan ng mga propesor at mag-aaral mula sa ibang bansa.

Pero sa kahandaan at proseso ng pagpapasa nito sa ngayon, hindi magiging epektibo ang calendar shift sa mga nais nitong makamit, ayon sa propesor.

Sinabi ni Evangeline Amor ng University Registrar na hindi nagsisimula sa Agosto o Setyembre ang 81 unibersidad na bumubuo sa 43 porsyento ng global partners ng Pilipinas.

Ang anim na unibersidad ng Australia (Pebrero ang simula), ang 38 unibersidad sa Japan (Abril), at ang 37 unibersidad sa Korea (Marso).

It is not the academic calendar. Rather it is the failure to provide a sufficient atmosphere, funding, and facilities for research… Kaya hindi ko maintindihan kung saan galing yung ideya na malaking hadlang sa internationalization ang academic calendar. Ang may malaking hadlang ay kung anong mga kondisyon (meron) sa loob ng Unibersidad,” ani De Dios.

Para naman kay Marivic Raquiza, propesor mula sa National Center for Public Administration and Governance sa UP Diliman, hindi nagkaroon ng isang makabuluhang debate para sa calendar shift. Wala umanong anumang siyentipiko at kritikal na pag-aaral para sa maaaring kalabasan ng implementasyon nito.

“We have not yet exhausted the critical discussion that need to take place before we make any decision. Calendar shift is a major reform with major consequences,” ayon kay Raquiza.

Quezon Hall ng UP Diliman campus. <strong>Pher Pasion</strong>
Quezon Hall ng UP Diliman campus. Pher Pasion

Sinabi ni Ramon Guillermo, propesor sa College of Arts and Letters UP Diliman at presidente ng All UP Workers’ Union, na iba-iba ang antas ng konsultasyon na naganap sa mga kampus ng UP kaya madaling napasunod ang mga ito. Sa UP Diliman lamang umano nagkaroon ng forum kung saan tinalakay ang mga positibo at negatibong epekto ng calendar shift.

Sa may limang pahina ang policy proposal ng UP administration para sa calendar shift–hindi umano sapat ang argumento o basehan ng proposal kaya ni-reject ng Diliman, ayon kay Guillermo.

“Sa maraming campuses nagkaroon ng hazy discussion tapos immediate voting. Sa aming palagay walang quality discussion makingIt was a rushed process,” ayon kay Guillermo.

Ayon naman kay Gerry Lanuza, propesor sa sosyolohiya sa UP, mistulang gagawing eksperimento ang UP para sa calendar shift; kung magiging matagumpay, susundin ito ng ibang mga pamantasan sa buong Pilipinas.

“If it fails, what will happen to students? What will happen to this generation?” ayon kay Lanuza.

Sa pag-aaral na The Academic Calendar in the Philippines: A Historical Review ni Dr. Maria Bernadette Abrera ng Department of History, mas mahalaga umano na malaman kung kailan magtatapos ang mga klase para sa bakasyon kaysa kung kailan magbubukas ang mga klase.

Kasama umano sa mga konsiderasyon para sa mga buwan ng bakasyon ang ekonomiyang aktibidad, pangkulturang kagawian, at pagiging komportable ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan.

Do we have good reasons doing this? There are no good reasons. Isipin nyo kung sino ang makikinabang dito? Is it just for the convenience of the few students and faculty?” ayon kay De Dios.

Ayon naman kay Victor Paz, propesor sa Archaelogical Studies Program ng UP Diliman, ang pagbago g kalendaryo ay may epekto sa kanilang pananaliksik bilang researchers na naghuhukay.

Panahon ng tag-init ang kanilang pinakamainam na panahon para makapag-research at maaaring hindi nila ito magawa kung magbabago ang kalendaryo.

“Kailangan namin ang magandang panahon sa tag-init, tuyo. Kapag may klase sa summer, mapipilitan kaming mamili, magturo o mag-research. Sa ngayon, nagagawa namin pareho. Pagnagbago ang kalendaryo, hindi namin magagawang pareho,” ayon kay Paz.

Ayon kay Krista Melgarejo, student regent ng UP, wala namang magsasabi na hindi gumagana ang kasalukuyang academic calendar para sa UP.

Iba pang epekto

Hindi lamang umano pagbabago ng buwan ng pasukan napapatungkol ang calendar shift. Kasama rito ang pagpili sa mga sabdyek at kurso na “marketable” o madaling mabenta sa mga estudyante, at makakasabay sa “quality assurance standards” ng AUN.

Sinabi pa ni Guillermo na nagkukumahog ang mga propesor sa UP Los Banos (Laguna) para magkaroon ng “marketablity assessment” ng kanilang subjects. Kailangang may mapili silang subjects na maiibebenta umano o nakapag-compete sa AUN.

Sa UP Manila kampus naman, mayroong program review na magbibigay-daan sa pagra-rationalize at pagre-realign ng kanila umanong limitadong badyet para sa mga competitive subjects, ayon kay Guillermo.

“Calendar shift also determines what we can teach,” ayon kay Guillermo.

Simbolo ng pagtutol ng mga mag-aaral at propesor sa calendar shift. <strong>Pher Pasion</strong>
Simbolo ng pagtutol ng mga mag-aaral at propesor sa calendar shift. Pher Pasion

Ayon kay Melgarejo, bilang ang maiinit na buwan sa Pilipinas ay mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo, kailangan ng magandang environment para sa mga klase at hindi ito magagawa kung sobrang init ang mga classrooms.

“Kailangang i-recognize rin natin na tumaas ang presyo ng kuryente. Kaya hindi malayo na magkaroon ng karagdagang bayarin kapag nagkaroon ng summer classes. Dahil yung gobyerno natin ngayon ay hindi nagbibigay ng sapat na maintenance and other operation expenses sa mga SUCs. Kaya hinding-hindi malayo na ipapasa na naman sa mga estudyante at pamilya nila yung additional cost for summer classes,” ayon kay Melgarejo.

Ayon naman kay Lanuza, lalong tataas ang temperatura nang 1.3 degress celcius sa 2020 ayon sa mga mananaliksik at siyentista. Inaasahan umano nila ang mas maiinit na summer at mas malalakas na bagyo sa susunod na panahon kaya magiging mas mahirap ito para magklase.

Karamihan pa umano sa mga pasilidad gaya ng mga electric fan ay hindi gumagana o di kaya ay wala sa mga classroom, dagdag ni Lanuza.

Dagdag naman ni Melgarejo, nananatili pa ring agrikultural ang Pilipinas kaya nakaasa ang maraming magulang sa panahon ng tag-ani para mapaaral ang kanilang mga anak.

“May epekto ito lalo at maaaring mas maraming mag-aaral ang hindi makakapag-aral dahil hindi magagawa ng mga magulang na ipitin ang kanilang maliit na kikitain sa anihan at hintayin ang Agosto,” ayon kay Melgarejo sa panayam ng Pinoy Weekly.

Mas higit na kailangan

Pero bago pa muna ang internationalization, mas higit na kailangan umano na unahin na ayusin at pagandahin ang UP hindi lamang para sa mga dayuhan kundi maging para sa mga Pilipino mismo.

What is truly more important for international character is to address fundamental concerns like upgrading classrooms and research facilities, as well as students and faculty welfare,” ayon kay Raquiza.

Dagdag ni De Dios, hindi nangangahulugan ng agarang improvement sa karakter ng Unibersidad ang internationalization. Hindi naman umano ibig sabihin na nagpalit tayo ng buwan ng pagpasok ay dadagsa na rito ang dayuhang mga mag-aaral at mga guro.

“Ang daming kailangan sa kampus. Na-solve na ba natin ‘yung dormitoryo ng mga estudyante? Kung hindi mo yun ma-solve para sa sarili mong estudyante, what do you think is the requirement to accommodate foreign students? Puwede bang sa tabi-tabi lang ang foreign students? Are you ready for that?” ayon kay De Dios.

Ayon kay De Dios, ang pinakamainam na paraan para makahamig ng dayuhang mgamag-aaral ay sa pamamagitan ng maayos na pagtrato sa sarili mong mga mag-aaral. Kapag umano nababastos ang sariling estudyante, huwag asahan na makakakuha ng dayuhang estudyante. Gayundin daw sa faculty.

Pagpapahusay sa kondisyon sa sariling tao ang pundasyon para sa internationalization, ayon kay De Dios.

“We are not a University that does serious research, largely because of our teaching load. We have 12 units, 9 units, and sometimes even more,” ayon kay De Dios.

Dapat daw itong bawasan at maglaan ng sapat na panahon para sa research. Sa ganitong paraan umano dadami ang publikasyon kada faculty ng Unibersidad at mula dito tataas ang reputasyon nito at doon pa lamang dadagsa ang foreign students.

Ayon naman kay Melgarejo, wala sa kalendaryo ang problema ng UP kundi ang pangangailangan sa mas mataas na badyet. Kahit na umano palitan ang buwan ng pasukan kung nananatiling walang sapat na badyet para sa Unibersidad hindi ito kasiguraduhan na gaganda nga ang standing ng UP sa international community.

“Hindi ang pagpasok ng foreign students ang dapat pangunahing iniisip ng administrasyon. Dapat pangunahin nitong iniisip kung papaano mas maraming Pilipino ang makakapasok sa UP,” ayon kay Melgarejo.

Gusto ng administrasyon ng UP na yanigin ang Unibersidad sa ganitong pagbabago, sabi ni Lanuza, sa panayam ng Pinoy Weekly.

“Kung nais ng administrasyon ni (Presidente Alfredo) Pascual na yanigin ang UP, dapat ibasura nito ang STFAP (Socialized Tuition and Financial Assistance Program–ang socialized tuition program sa UP). Itigil ang kontraktuwalisasyon. Taas ang sahod ng mga faculty. Manawagan ng mas mataas na badyet para sa unibersidad,” pagtatapos ni Lanuza.