Pluma at Papel

Lagi Kitang Hahanapin


lagi kitang hahanapin sa lagablab ng apoy sa namamaalam na mga alipato kung gabing kulimlim papawirin ng panimdim lagi kitang hahanapin sa puso’t dugo ng mga sawimpalad sa nahukot na gulugod ng inaliping magsasaka at binusabos na manggagawa lagi kitang hahanapin sa pasigan ng kaluluwa sa ragasa ng mga alon sa singasing ng kidlat at […]

lagi kitang hahanapin
sa lagablab ng apoy
sa namamaalam
na mga alipato
kung gabing kulimlim
papawirin ng panimdim
lagi kitang hahanapin
sa puso’t dugo
ng mga sawimpalad
sa nahukot na gulugod
ng inaliping magsasaka
at binusabos na manggagawa
lagi kitang hahanapin
sa pasigan ng kaluluwa
sa ragasa ng mga alon
sa singasing ng kidlat
at dagundong ng kulog
sa kalawakan ng pagmamahal
sa mga layuning mapagpalaya.

oo, lagi kitang hahanapin
sa sundot ng amorseko
sa nanilaw na pilapil ng pag-asa
sa nagbitak na pinitak
ng bukiring naninimdim
sa naglilingkisang mga kugon
sa burol man at sabana
sa gumagapang na cadena de amor
sa limot nang libingan
ng mga mandirigma
para sa laya’t ligaya
ng sambayanang masa
at katubusan ng la tierra pobreza
sa tanikala ng inhustisya
at kadena ng pagsasamantala.

oo,lagi kitang hahanapin
magmaliw man ang dapithapon
lumuha man ang mga damo
pagpitada ng umaga
magtatagpo rin kita
dahil pinagdugtong ang ating ugat
ng daluhong ng dalita’t dusa
dahil pinakulo ang ating dugo
ng habagat ng protesta
at pinaglapat ang ating puso
ng rebolusyon ng pagsinta
para sa pinakamamahal nating
la tierra pobreza
kadluan ng madugo nating mga alaala
pandayan ng ngitngit at himagsik
ng binubusabos nating lahi.

oo, lagi kitang hahanapin
at magtatagpo rin tayo’t magniniig
kapag ganap na namulaklak ang mga talahib
at agasan ng dugo ang obaryo ng kalbaryo
lulunurin sa wakas
inuuod na mukha’t katawan
ng uring hari-harian!