Kababaihan

Meralco, pinapaparusahan ng Gabriela sa ERC


Nanawagan sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang grupong pangkababaihan na Gabriela na parusahan ang Manila Electric Co. (Meralco) dahil sa paglalagay nito sa billing ng kuryente para sa buwan ng Pebrero ang P4.15 per kilowatt hour na hinihingi nito sa kabila ng temporary restraining order ng Korte Suprema kontra sa pagpapatupad nito. “Hindi katanggap-tanggap” ang […]

Nilusob ng kababaihan mula sa Gabriela ang tanggapan ng Meralco sa Ortigas kahapon.  Nanawagan ang grupo na dapat daw maparusahaan ang Meralco dahil sa pagsingit nito ng P4.15 KWH na dagdag singil kahit ito ay naka-TRO. (Kontribusyon/Gabriela)
Nilusob ng kababaihan mula sa Gabriela ang tanggapan ng Meralco sa Ortigas kahapon. Nanawagan ang grupo na dapat daw maparusahaan ang Meralco dahil sa pagsingit nito ng P4.15 KWH na dagdag singil kahit ito ay naka-TRO. Kontribusyon/Gabriela

Nanawagan sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang grupong pangkababaihan na Gabriela na parusahan ang Manila Electric Co. (Meralco) dahil sa paglalagay nito sa billing ng kuryente para sa buwan ng Pebrero ang P4.15 per kilowatt hour na hinihingi nito sa kabila ng temporary restraining order ng Korte Suprema kontra sa pagpapatupad nito.

“Hindi katanggap-tanggap” ang paliwanag ng Meralco sa paglalagay nito sa P4.15 kWh na dagdag-singil kahit may TRO na ito, ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

“Palusot lang ito. Sinadyang ilagay ito ng Meralco para lituhin ang mga kostumer, lalo na yaong wala namang panahon para aralin pa ang bill, at bayaran na ang buong bill, kasama na ang dagdag-singil,” ani Salvador.

Sinabi naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na bahagi ito ng mga maniobra ng Meralco para magkamal ng mas malaking tubo. Panlilinlang daw sa mga konsiyumer ang ginawa ng Meralco.

“Malinaw na walang pagpapahalaga ang Meralco sa mga konsiyumer,” sabi naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. Patunay din daw ito na hindi dapat pinapatakbo ng malalaking kapitalista ang kuryente na isang napakahalagang industriya ng ekonomiya.

Bukod sa P4.15 kWh na unang hinihingi ng Meralco at nasampahan ng TRO, humihirit pa ito ng karagdagang P5.33 kWh. “Hindi tinatantanan ng Meralco ang pagpasa sa kostumer nito ng dagdag-singil sa pamamagitan ng pagbalewala sa TRO ng Korte Suprema, hindi rin namin sila tantanan ng protesta,” ani Salvador.

Sabi naman ng KMU, dapat alisan ng lisensiya ang Meralco bilang kaparusahan nito sa pagbalewala sa desisyon ng Korte Suprema. “Hindi na dapat pinapayagang makapagnegosyo ang mga kapitalistang tulad ng Meralco na pumipiga ng tubo sa mga mamamayang Pilipino dahil sa sobrang taas ng singil sa kuryente,” ani Labog.

Panawagan nila na ibalik ng Meralco ang ibinayad ng mga konsiyumer ang P4.15 na siningil para sa buwan ng Enero at Pebrero, gayundin ang hinihirit na P5.33 kWh na dagdag-singil.

Sinabi pa ni Salvador na dadalhin ng Gabriela ang isyu ng dagdag-singil sa kuryente at iba pang bilihin sa kanilang dambuhalang kilos-protesta sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.