Kababaihan Main Story

‘ERC, walang ginawa sa dagdag-singil sa kuryente ng Meralco’


Dismayado ang grupong pangkababaihan sa kinalabasan ng diyalogo nila sa mga opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng pagtaas na naman ng singil sa kuryente para sa buwan ng Abril. Sinabayan din ng Gabriela ng protesta sa harapan ng tanggapan ng ERC ang nasabing dialogo sa Ortigas sa Pasig City. Nakatakdang magtaas ang Manila […]

Diyalogo ng Gabriela at mga opisyal ng Energy Regulatory Commission kaugnay ng dagdag-singil sa kuryente. Pher Pasion
    Diyalogo ng Gabriela at mga opisyal ng Energy Regulatory Commission kaugnay ng dagdag-singil sa kuryente. Pher Pasion
Diyalogo ng Gabriela at mga opisyal ng Energy Regulatory Commission kaugnay ng dagdag-singil sa kuryente. Pher Pasion

Dismayado ang grupong pangkababaihan sa kinalabasan ng diyalogo nila sa mga opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng pagtaas na naman ng singil sa kuryente para sa buwan ng Abril.

Sinabayan din ng Gabriela ng protesta sa harapan ng tanggapan ng ERC ang nasabing dialogo sa Ortigas sa Pasig City.

Nakatakdang magtaas ang Manila Electric Corp. (Meralco) ngayong Abril ng P0.89/kWh (kada kilowatt hour) na pinayagan ng ERC na dinepensahan din ng Malakanyang. Sa kabila din ito ng hindi pa rin natatapos na imbestigasyon kaugnay ng kontrobersiyal na taas-singil ng Meralco noong Nobyembre at Disyembre.

“Paano namin paniniwalaan ang pagtaas sa generation cost sa WESM (wholesale electricity stock market) na piniprisinta ng Meralco kung hindi pa nalilinis ang mga iregularidad sa kanilang mga naunang kalkulasyon,” ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Madaling magtaas, mahirap pigilan

Paliwanag ng ERC, may mekanismo kaugnay ng dagdag-singil na Automatic Generation Rate Adjustment (AGRA) kung kaya nakapagtaas ang Meralco base sa kanilang sariling kumputasyon ng nasabing kompanya.

Kailangan umano ng pormal na petisyon laban sa increase para umaksiyon ang ERC bilang judicial body. Kaya raw ipatigil ng ERC ang dagdag-singil kung may basehan ang petisyon batay sa kanilang magiging imbestigasyon, ayon kay Francis Saturnino Juan, executive director ng ERC.

Rep. Luz Ilagan ng Gabriela Women's Party (kaliwa) at Joms Salvador ng Gabriela (kanan) sa dialogo kaugnay ng dagdag-singil sa kuryente. <strong>Pher Pasion</strong>
Rep. Luz Ilagan ng Gabriela Women’s Party (kaliwa) at Joms Salvador ng Gabriela (kanan) sa dialogo kaugnay ng dagdag-singil sa kuryente. Pher Pasion

“Mabagal ang proseso ng pag-iimbestiga. Ilang buwan na? Noong nakaraang taon pa ‘yan. Hanggang ngayon, wala pa. Tapos heto na naman ang pagtataas nila. Hindi rin malinaw ang mekanismo nila para protektahan ang mga konsiyumer,” ayon kay Salvador, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ayon kay Josefina Patricia Asirit, komisyuner ng ERC, kailangan daw nilang balansehin ang interes ng mga konsiyumer at ng investors dahil malaki raw ang magiging epekto nito sa industriya.

Pero para kay Rep. Luzviminda Ilagan ng Gabriela Women’s Party, batay sa pamamaraan na ginagawa ng ERC, masasabing mas pumapanig ang komisyon sa malalaking negosyante tulad ng sa Meralco.

“Ang hinahanap namin, consumer protection. Bakit napakabagal at mukhang hindi tinitignan ang urgency dahil mayroon na namang naka-iskedyul na increase,” ayon kay Ilagan.

Aminado naman sina Asirit na may kabagalan ang kanilang proseso dahil daw sa kakulangan ng tao sa ERC.

EPIRA ipinababasura

Nanawagan ang Gabriela na ibasura na Electric Power Industry Reform Act (Epira). Sa 13 taon ng implementasyon nito, nasa 330 porsiyento ang taas-singil sa kuryente. Taliwas ito sa inaasahan na magkakaroon umano ng kompetisyon na magdudulot daw ng pagbaba sa halaga ng kuryente.

Piket ng Gabriela sa harap ng ERC kaugnay ng dagdag-singil sa kuryente. <strong>Pher Pasion</strong>
Piket ng Gabriela sa harap ng ERC kaugnay ng dagdag-singil sa kuryente. Pher Pasion

Kailangan na umano ng alternatiba sa Epira para tuluyan na itong mapalitan o maibasura. Hindi umuubra ang polisiya ng pribatisasyon na gawa umano ng Epira, ayon kay Ilagan.

“Saan ‘yung totoong kompetisyon? Papaano bababa (kung) ‘yung nagbebenta, siya rin ‘yung bumibili at ‘yun din ang nagbabahagi. Interlocking ang directorate,” sabi pa niya.

Dagdag pa ni Ilagan, kung nais nilang magkaroon ng talagang paradigm shift, kailangang ibalik ang responsabilidad ng gobyerno na magbigay ng serbisyo sa batayang yutilidad gaya ng kuryente.

Nanawagan ang Gabriela sa publiko na makiisa sa protestang “Lights Out” o pagpapatay ng ilaw sa Abril 14 at 21 bilang protesta sa dagdag-singil sa kuryente.