Main Story Pambansang Isyu

‘Gang of Five’ ng gobyernong Aquino, pinapapanagot sa mga biktima ng Yolanda

“Salamat sa administrasyong Aquino sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda.” Ito ang pakutyang #AprilFools Day na mensahe ng mga biktima ng Yolanda sa ilalim ng People Surge. Kasabay nito, anunsiyo ng grupo ang buong-linggong protesta para panagutin ang administrasyon sa “kriminal na kapabayaan” umano nito sa kanilang mga biktima, maglilimang buwan […]

"Thumbs down" sa imahe ng "Gang of Five" ang ipinakita ng mga miyembro ng People Surge, Tindog, Kadamay at si Bishop Deogracias Iniguez, sa press conference sa Quezon City. <strong>Boy Bagwis</strong>
“Thumbs down” sa imahe ng “Gang of Five” ang ipinakita ng mga miyembro ng People Surge, Tindog, Kadamay at si Bishop Deogracias Iniguez, sa press conference sa Quezon City. Boy Bagwis

“Salamat sa administrasyong Aquino sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda.”

Ito ang pakutyang #AprilFools Day na mensahe ng mga biktima ng Yolanda sa ilalim ng People Surge. Kasabay nito, anunsiyo ng grupo ang buong-linggong protesta para panagutin ang administrasyon sa “kriminal na kapabayaan” umano nito sa kanilang mga biktima, maglilimang buwan matapos salantahin ng bagyo ang Eastern Visayas.

“Salamat sa administrasyong Aquino, mas mahirap, mas gutom kami, pero mas mabuting mga tao sa pag-asa sa sarili naming lakas. Kung naghintay pa kami sa mga pangako ng gobyerno, nasa Eastern Visayas pa sana kami sa halip na dinadala sa Maynila ang isyu ng pagpapabaya sa amin,” sabi ni Sr. Edita Eslopor, tagapangulo ng People Surge.

Binansagan ng People Surge ang limang opisyal ng administrasyong Aquino na sina Pangulong Aquino, Interior and Local Government Sec. Manuel “Mar” Roxas III, Social Welfare and Development Sec. Dinky Soliman, Rehabilitation Czar Panfilo Lacson, at Energy Sec. Jerico Petilla bilang “Gang of Five” na pangunahing responsable sa pagpapabaya sa mga bikitma ng Yolanda.

Pabayang lima

Joel Abano ng People Surge. <strong>Boy Bagwis</strong>
Joel Abano ng People Surge. Boy Bagwis

Binigyan-diin ni Eslopor na inamin mismo ni Aquino ang kapabayaan ng kanyang administrasyon sa pagsagip sa mga nasalanta matapos ang bagyo. “Pero walang kahulugan ito (ang paghingi ng paumanhin ni Aquino), hangga’t hindi niya tinutugunan ang kahilingan ng mga mamamayan,” sabi pa niya. Pinagpapanagot din nila si Roxas sa kabiguan niya sa rescue sa mga biktima noong panahon ng bagyo.

Pinatotoo ni Joel Abano, isa sa mga lider ng People Surge, ang pagpapabaya ng mga ahensiya ng gobyerno noong panahon ng bagyong Yolanda. Noong umaga ng Nob. 8, 2013, biglaan daw ang pagtaas ng tubig sa kanilang lugar sa Tacloban. Napaakyat siya sa kawad ng kuryente, kung saan sinagip siya ng mga kabataan.

“Masakit sa kalooban na marami sa mga kapitbahay, kabarangay mo ang patay,” kuwento niya. Ilang araw matapos ang bagyo, grabe ang paghihirap nila dahil walang makain at di sila pinaaabutan ng relief goods kahit taga-Tacloban lang mismo sila.

Binatikos din ng grupo ang DSWD at si Soliman sa di-pag-abot ng relief goods sa mayorya ng mga biktima, ilang buwan matapos ang bagyo. Sa kabila nito, talamak ang mga balita ng pagkabulok ng “trak-trak” na relief goods na nasa pag-iingat ng naturang departamento.

“Nangako si Petilla na magbibitiw siya kung di mababalik ang kuryente sa mayorya ng mga bahay sa Tacloban noong Pasko. Hanggang ngayon, wala pa ring kuryente ang mayorya roon. Hindi pa rin nagbibitiw si Petilla,” ani Eslopor. Binabatikos si Petilla ng mga residente ng Tacloban at iba pang lugar sa Leyte at Samar sa kabiguan ng Dep’t. of Energy na agarang mabalik ang kuryente sa rehiyon.

Isinama rin ng People Surge si Lacson sa “Gang of Five” dahil sa halip umano na pagtuunan ng rehabilitation efforts ng gobyerno ang pag-ayuda sa agrikultura ng Eastern Visayas na pinaka-apektado sa bagyo, imprastraktura at paggawad ng mga kontrata sa malalaking negosyante pa ang inaatupag ng opisina ni Lacson.

Sabi ni Marissa Cabaljao, tagapagsalita ng People Surge, tinatayang umabot sa P65-Bilyon ang pinsala sa agrikultura. “Otsenta porsiyento ng mga mamamayan sa Eastern Visayas ang nakaasa sa agrikultura,” paliwanag ni Cabaljao. Ang malala pa nito, aniya, nasasangkot sa kung anu-anong anomalya ang mga proyektong pang-imprastraktura, kabilang ang pinagawang bunkhouses na di umano matirhan ng karaniwang pamilyang Pilipino.

Bishop Deogracia Iniguez: Kailangang malaman ng madla ang nagaganap ngayon sa Eastern Visayas. <strong>Boy Bagwis</strong>
Bishop Deogracia Iniguez: Kailangang malaman ng madla ang nagaganap ngayon sa Eastern Visayas. Boy Bagwis

Sinabi rin ni Cabaljao na matapos ang dalawang buwan ng mga lider ng People Surge sa Maynila, nananatiling bingi ang administrasyon sa kanilang mga hiling. Ang masama pa raw dito, tila tinatakot pa ng mga ahente ng gobyerno ang mga miyembro nila sa Eastern Bisayas.

“Sa Albura, Leyte, pinatatanong ng militar kung sinu-sino ang pumirma (sa petisyon ng People Surge,” kuwento ni Cabaljao.

Suporta ng madla

Nagpahayag naman ng suporta si Bishop Deogracias Iniguez sa laban ng People Surge para sa katarungan. “Sana patuloy na mabuksan ang mga mata natin sa kung ano talaga ang nangyayari — marami (sa mga kuwentong pinapaabot ng People Surge ay) di-nakakarating sa kaalaman ng madla,” sabi pa niya.

Sinabi naman ni Carlito Badion, pangkalahatang-kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, na makikiisa ang mga maralitang lungsod sa malaking martsa ng mga biktima ng Yolanda sa Abril 8.Kalahok din sa naturang protesta ang mga kaanak ng mga biktima ng Yolanda sa ilalim ng Tindog Network, sabi ni Maritess Bacolod ng Tindog.

Sa Abril 8, ani Badion, may misang magaganap sa Quiapo Church na pangunguna ni Bishop Iniguez na iaalay sa mga biktima ng Yolanda ng alas-10:30 ng umaga. Matapos nito, tutungo ng Mendiola ang iba’t ibang grupo ng alas-3 ng hapon para doon magprotesta.

Sugod sa DSWD

Galit at dismayado ang mga biktima ng bagyong Yolanda sa ilalim ng People Surge sa DSWD kung kaya muli nilang sinugod ang tanggapan nito para kondenahin ang ahensiya sa mga nabubulok na relief goods sa kabila ng matinding kagutuman sa Eastern Visayas ngayon.

Bitbit din nila ang pitong pangalan ng mga namatay kamakailan sa Leyte dahil umano sa epekto ng kapabayaan ng administrasyong Aquino sa pagtulong dapat sa mga biktima ng bagyo.

Kabilang sa mga namatay sina Herminia Milar, Elizabeth Adoni, at Dameia Lota, na mula sa Brgy. Danao. Kasama rin sa naiulat ng People Surge na namatay kamakailan ay sina Francisco Salico, Anito Tisgado, Felisa Pantin, at isang tatlong buwan na sanggol mula Brgy. Liwayway.

Imbes na tulong umano ang ibigay, nabubulok na relief goods daw ang natanggap ng mga biktima mula sa nasabing ahensya.

“Tao kami. Hindi kami mga hayop na pakakainin ninyo (DSWD) ng bulok na pagkain. Bakit kami tinatrato ng ganito?” ayon kay Jessica Darantinao, biktima ng bagyong Yolanda na kabilang ngayon sa People Surge, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Sa panayam sa Pinoy Weekly, sinabi pa ni Eslopor na namatay kamakailan ang mga biktima dahil umano sa epekto ng kapabayaan ng gobyerno sa mga biktima. Namatay naman ang iba dahil sa sakit at walang matinong silungan para sa kanila. Ang iba ay humina ang resistensiya at nagkasakit dahil sa walang makain.

“Kung inayos lamang sana ng ahensiyang ito ang kanyang trabaho, hindi sana ito nangyari. Ayaw na namin itong madagdagan pa at maranasan ng iba,” ayon kay Marissa Cabaljao, biktima ng bagyong Yolanda mula Western Samar na nasa People Surge ngayon, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ayon naman kay Darantinao, walang natupad sa anumang ipinangako umano ni Sec. Soliman sa mga biktima mula noong kanilang dialogo.

Kasama si Darantinao sa nakipagdiyalogo sa DSWD noong Marso 12 para pag-usapan ang mga hinaing ng mga biktima. Nag-walk-out ang People Surge sa nasabing pagpupulong dahil sa pagkadismaya.

“Yung ipinangako niya (Soliman) na magpapatuloy ang pamimigay ng relief goods…ng bigas at cash for work na sinasabi, hanggang ngayon po ay wala pa. Lalo na yung ibang malalayo (na lugar sa Bisayas) na hanggang ngayon di pa rin naaabotan ng tulong,” aniya.

Nabubulok lang

Habang marami pa rin ang nagugutom sa mga lugar na napinsala ng bagyong Yolanda, lumabas naman ang balitang ibinaon na lamang ang mga nabulok na relief goods dahil sa hindi agarang naipamigay sa mga biktima.

Inamin naman ng DSWD ang paratang na ito, pero nasa isang sako lamang daw ng biskwit, 10 instant noodles, kalahating sako ng bigas, at isang sako ng mga damit ang ibinaon sa dump-site ng Palo at hindi trak trak tulad ng naunang napabalita.

“Talagang kakonde-kondena ang pagkabulok ng mga relief goods. Kung talagang nagkaroon lamang ang DSWD ng sistematikong pagtulong at maiparating hanggang sa mga liblib na lugar hindi sana nabulok ang mga relief goods,” ayon kay Eslopor.

Matagal na raw nilang ipinaaabot na hindi nakakarating sa mga malalayo at liblib na lugar ang tulong ng gobyerno. Pero tila hindi umano nagkaroon ng maayos na pakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan dahilan para mabulok umano ang mga relief goods sa mga bodega, dagdag ni Eslopor.

Nagsisinungaling daw umano si Soliman na konti lamang ang nabulok na relief goods. May nakausap umano silang drayber ng isang trak na nagtapon ng nabubulok na relief goods sa dagat. Pero ayaw umano nitong magpakilala dahil sa takot kung magsasalita ito at balikan.

“Kailangan pa rin ang mga relief goods dahil hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng mga biktima mula ng bumagyo dahil sa wala naman daw pangmatagalang tulong na ibinibigay o plano ang gobyerno sa mga nasalanta,” ayon naman kay Marissa.

Maging sa kanilang lugar sa Samar nagugutom pa rin ang mga tao dahil sa wala pa ring kabuhayan, dagdag ni Marissa.