Karapatang Pantao

Mga Lumad, lumikas dahil sa pambobomba ng militar, di dahil tinulak sila ng mga progresibo


Dinepensahan ng mga Lumad ang progresibong mga grupo na tumutulong sa kanila sa evacuation camp sa Davao City. Ayon sa Salugpongan ‘Ta Tanu Igkanugon, organisasyon ng mga Ata-Manobo, di-totoo ang pahayag ni Mayor Basilio Libayao at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinilit silang palikasin mula sa kanilang mga komunidad sa Talaingod, Davao del […]

Aabot sa 1,000 katutubong mamamayan mula sa Talaingod, Davao del Norte ang lumikas sa kanilang mga komunidad dahil sa matinding militarisasyon. Niel Brene Lopez
Mga bata ang ilan sa pinaka-apektado ng mga paglabag ng militar sa karapatang pantao. Niel Brene Lopez
Mga bata ang ilan sa pinaka-apektado ng mga paglabag ng militar sa karapatang pantao. Niel Brene Lopez

Dinepensahan ng mga Lumad ang progresibong mga grupo na tumutulong sa kanila sa evacuation camp sa Davao City. Ayon sa Salugpongan ‘Ta Tanu Igkanugon, organisasyon ng mga Ata-Manobo, di-totoo ang pahayag ni Mayor Basilio Libayao at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinilit silang palikasin mula sa kanilang mga komunidad sa Talaingod, Davao del Norte.

Nakarating sa Davao City ang mahigit 1,000 kataong Ata-Manobo matapos ang isang linggong paglalakad para makaiwas sa matinding militarisasyon at pagbomba ng mga militar sa Talaingod, at pansamantalang nakatira sa isang compound ng simbahang protestante ang mga ito.

“Noong nagsimula ang pagbomba (militar) nila sa aming mga komunidad, tulad sa Sitio Bagang at Sitio Lasakan, naisip ng mga lider ng Salugpongan na pumunta na sa Davao City, gaya ng ginawa namin noong 1994,” ani Datu Duluman Dawsay, tagapagsalita ng Salugpungan. Noong taong iyon, matindi rin ang militarisasyon sa kanilang lugar. Tinulungan daw sila ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na makipangegosasyon sa isang logging company na Alsons noong panahong iyon.

Sa ulat ng Davao Today, hinikayat ni Libayao na bumalik na sa kanilang mga lugar ang mga katutubong Manobo. Bibigyan daw sila ng tulong pinansiyal ng alkalde kung gagawin nila ito.

Samantala, inakusahan naman ng militar ang militanteng mga grupo na ginagamit lamang ang mga katutubo. “These Lumads are being exploited by these people, itong mga nagdala sa kanila sa Davao City para ipamukha, ipakita na kaawa-awa sila, habang sana sinosolve natin ang problema mas lalong pinapalala nitong mga gumagamit sa mga lumads na ‘to,” sabi ni Maj. Jake Obligado ng 10th Infantry Division ng Philipine Army.

Pero sinabi naman ni Dawsay na dapat tigilan na ng militar ang pagpapakalat ng “kasinungalingaan”. “Ang mga grupong ito, tulad ng RMP (Rural Missionaries of the Philippines), Pasaka at iba pa, ang nagbibigay ng tulong sa amin noon pa man, tulad ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon na libre. Kahit ang pinatay na si Fr. Pops Tentorio, madalas na bumisita sa amin para magbigay ng tulong,” ani Dawsay. Idinagdag pa niya na kahit ang mga taga-ibang bansa ay nagbibigay ng tulong sa kanila.

“Ang mga militar ang halimaw. Sila ang lumalabag sa aming mga karapatan. Walang engkuwentro na naganap katulad ng sinasabi nila,” sagot ni Dawsay, bilang reaksiyon sa pahayag ng militar na nandoon sila sa Talaingod para tugisin ang mga miyembro ng New People’s Army o NPA.

“Sila ang nanggulo sa mapaya naming komunidad at nagbomba,” giit ni Dawsay.

Noong Abril 1, lumikas ang mga katutubong Lumad sa Sitio Nasilaban, Brgy Palma Gil dahil mas malapit ito sa kanilang mga komunidad. Pero mas lalo umanong nasindak ang mga katutubo sa pagdating ng mga militar kasama ang opisyal ng municipal social welfare at pigilan silang lumikas.

“Matapos nila kaming guluhin, bastusin ang mga babae, takutin ang mga bata, bombahin ang aming mga komunidad at taniman at pagbantaang papatayin ang limang Lumad sa bawat isang sundalong mamamatay, sasabihin nilang manahimik na lang kami at hayaan na lang na pahirapan ang mga kapwa namin katutubo?” galit na sinabi ni Dawsay.

Umapela din siya kay Libayao na huwag pagamit sa mga militar. Sinabi ni Dawsay na alam ng mga katutubong Manobo na walang magagawa ang Mayor sa presensiya ng militar. “Galing sa itaas ang utos sa mga militar, sa nasyunal at hindi kay mayor,” aniya.