Mga obrero nanawagang itigil ang militarisasyon sa Mindanao


Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harapan ng Kampo Aguinaldo para ipanawagan ang pagtigil ng militarisasyon sa Talaingod, Davao del Norte. Kasabay ng protesta ang isinasagawang national fact-finding mission sa naturang lugar para maisadokumento ang umano’y mga paglabag sa karapatang pantao ng militar na naging sanhi ng […]

Agui1
Panawagan ng grupong KMU na itigil ang militarisasyon sa Talaingod. Kontribusyon

Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harapan ng Kampo Aguinaldo para ipanawagan ang pagtigil ng militarisasyon sa Talaingod, Davao del Norte. Kasabay ng protesta ang isinasagawang national fact-finding mission sa naturang lugar para maisadokumento ang umano’y mga paglabag sa karapatang pantao ng militar na naging sanhi ng malawakang paglikas ng mga Lumad.

“Ipinagpipilitan ng gobyernong Aquino ang maling pagtingin na maaawat lang ang tumitinding insurhensiya sa Mindanao at ibang lugar sa bansa sa pamamagitan ng operasyong militar. Ang masama, mga komunidad at progresibong mga organisasyon na pinaparatangang tagasuporta ng mga rebelde ang kanilang inaatake,” sabi Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Sabi pa ni Soluta, hindi daw kapayapaan at pag-unlad ang itataguyod ni Aquino sa Mindanao. “Giyera ang dala niya laban sa mga Filipino at para sa mga malalaking dayuhang kapitalista,” aniya.

Kabilang ang Pinoy Weekly sa mga nagkober sa nasabing mission na pinangunahan ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao. Sa panimulang ulat ni Kenneth Guda, reporter ng Pinoy Weekly, sinabi ng mga lider katutubo na lumikas sila dahil sa matinding pagbomba ng militar sa kanilang mga komunidad.

Matatagpuan ang Talaingod sa Pantaron mountain range na nais umanong pasukin ng mga kompanya ng mina.

Dagdag ni Guda, nang makabalik ang mga katutubo sa kanilang lugar sa Sityo Bayabas mula sa Davao City, ginawang kampo ng mga militar ang kanilang mga kabahayan, sinira ang mga ari-arian at ginawang arinola ang mga kaldero.

Bukod pa rito ang pagputol sa suplay ng malinis na tubig ng mga komunidad. “Maraming lugar ang walang malinis na tubig ngayon,” sabi ni Guda. Sa kasalukuyan, dalawang bata na daw ang namatay dahil sa sakit na tigdas.

Sabi naman ng gupong Defend Talaingod Save Pantaron Range, na 88 porsiyento sa mga kabahayan sa mga sityo na apektado ng militarisasyon ang nasira, nawalan ng gamit o di kaya’y hinalughog ng mga militar. Hindi rin daw nakaligtas ang mga eskuwelahan sa paghalughog at vandalism.

Ayon sa Bayan-Southern Mindanao Region, 60 porsiyento ng puwersa ng Armed forces of the Philippines (AFP) ang dineploy para sa kontra-insurhensiya sa Mindanao. Nagreresulta umano ito sa dislokasyon ng mga Lumad mula sa kanilang mga komunidad, at matitinding paglabag sa karapatang pantao. Sa tala ng Karapatan, 25 sa 192 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang ang nagaap sa rehiyon ng Southern Mindanao. Ilan sa mga pinaslang ay mga lider-katutubo.