ATTACKKK!

Armadong Akrostik (1)


“Any exit from the logic of language might be an entry in a symptomatic dictionary. The alphabetical order of this ample block of knowledge might render a dense lexicon of lucid hallucinations. Beside the bed, a pad lies open to record the meandering of migratory words. In the rapid eye movement of the poet’s night […]

“Any exit from the logic of language might be an entry in a symptomatic dictionary. The alphabetical order of this ample block of knowledge might render a dense lexicon of lucid hallucinations. Beside the bed, a pad lies open to record the meandering of migratory words. In the rapid eye movement of the poet’s night vision, this dictum can be decoded, like the secret acrostic of a lover’s name.”
Sleeping with the Dictionary, Harryette Mullen

*    *     *

Minsan, nabingwit ang curiosity ko ng isang maliit na bahagi sa Florante at Laura ni Francisco Balagtas: ang ikalimang saknong sa “Sa Babasa Nito” na ang sabi:

Ang may tandang letra alinmang talata,
di mo mawatasa’t malalim na wika,
ang mata’y itingin sa dakong ibaba,
buong kahuluga’y mapag-uunawa.

Para sa mga guro at kritiko, simple lang ang ibig sabihin nito. Gustong sabihin ni Balagtas na kung may hindi ka maintindihan sa sinulat niya, tumingin ka lang sa footnote. Tapos.

*     *     *

Pero bakit hindi ako makuntento sa interpretasyong iyon? Dahil gusto kong basahin ang saknong na iyon bilang isang cryptic message. Pansinin ang mga parirala: tandang letra, malalim na wika, ang mata’y itingin sa dakong ibaba, buong kahuluga’y mapang-uunawa.

Ang “dakong ibaba,” para sa akin, ay tumutukoy sa pababang pagbasa ng mga tandang letra. Isang acrostic! Pwede?

*     *     *

Pero kung aling bahagi ng Florante at Laura ang may acrostic, ‘yan ang hindi ko alam. Iiwan ko na ‘yan sa mga gurong magtuturo ng korido ni Balagtas sa ikaapat na markahan sa Baitang 8. Kung may kritikong makulit na makatuklas, pakibulong na lang sa akin.

*     *     *

Ang gusto kong banggitin ay ang pinakasikat na kundiman noong 1896 hanggang 1898. Ito ang Musica del Legitimo Kundiman Procedente del Campo Insurecto (“Musika ng Lehitimong Kundiman na Nanggaling sa mga Naghihimagsik”) ng mga Katipunero. Mas kilala bilang Jocelynang Baliuag, tinawag itong “Kundiman ng Rebolusyon.”

*     *     *

Narito ang kabuuan ng kundiman:

Pinopoong sinta, niring calolowa
Nacacawangis mo’y mabangong sampaga
Dalisay sa linis, dakila sa ganda
Matimyas na bucal ng madlang ligaya.

Edeng maligayang kinaloclocan
Ng galak at tuwang catamis-tamisan
Hada cang maningning na ang matunghaya’y
Masamyong bulaclac agad sumisical.

Pinananaligan niring aking dibdib
Na sa paglalayag sa dagat ng sakit
‘Di mo babayaang malunod sa hapis
Sa pagcabagabag co’y icaw ang sasagip.

Icaw na nga ang lunas sa aking dalita
Tanging magliligtas sa niluha-luha
Bunying binibining sinucuang cusa
Niring catawohang nangayupapa.

Tanggapin ang aking wagas na pag-ibig
Marubdob na ningas na taglay sa dibdib
Sa buhay na ito’y walang nilalangit
Cung hindi ikaw lamang, ilaw niring isip.

At sa cawacasa’y ang kapamanhikan
Tumbasan mo yaring pagsintang dalisay
Alalahanin mong cung ‘di cahabagan
Iyong lalasunin ang aba cong buhay.

*     *     *

Inaawit ang kundimang ito. At kung kukunin ang unang letra ng unang taludtod sa bawat saknong, mabubuo ang PEPITA.

Si Pepita o Josefa Tiongson ay isang magandang binibining taga-Baliuag. Gayunman, hindi isang harana ang Jocelynang Baliuag. Tumutukoy na ito sa Inang Bayang Katagalugan.

*     *     *

Para sa mga nagsasabing ang konsepto ng “Inang Bayang Katagalugan” ay para lang sa mga nakatira sa Tagalog Region, may paliwanag sa atin si Emilio Jacinto.

Sa talababa ng Katipunan nang mga A.N.B – Sa may nasang makisanib sa katipunang ito, ipinaliwanag na ang mga Tagalog ay “lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito, samakatwid, Bisaya man, Iloko man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din.” Ibig sabihin, lahat ng katutubo ng arkipelagong tinatawag ngayong Republika ng Pilipinas o Filipinas.

*     *     *

Wala namang dapat pagtalunan dito dahil pambansa-demokratiko ang rebolusyon ni Bonifacio. Pangunahing layunin nito ang makalaya tayo sa mga kamay ng kolonyalistang Kastila.

*     *     *

Pansinin naman ang tulang “Hiling” ni Franco Remoroso, isa sa mga health worker na pinagbintangang mga miyembro ng New People’s Army at ikinulong noong 2010 (tinaguriang Morong 43):

Marahil ikaw ay nagtataka
At naguguluhan sa iyong nakikita.
Realidad ba o katotohanan
Itong nangyayari sa lipunan?
Api’t dukha walang pagamutan!

Center sa mga kanayunan
Ospital na ang doktor
Nanggagamot sa ibang bayan,
Caregiver na ang pinasukan.
Eto ang masang api’t dukha
Pilit humihingi’t nagmamakaawa.
Center, ospital at nurse na mapagkalinga,
Ibigay bago mapugot ang hininga,
O mapugto ang hininga, bago ibigay
Ng gobyernong hugas-kamay.

Dahil sa prinsipyo’t napangaralan
Aral sa eskuwelahan ay nalimitahan,
Lalong malawak itong lipunan,
Alayan ng serbisyo at paglingkuran.
Wala nang tatamis pa’t sasarap
Ialay ang buhay sa masang mahirap
Na api-apihan at salat.

Makulong man nang matagal at magdusa
Oras ng kalayaan ay laging pag-asa.
Ako’y nangangarap at laging umaasa
Kayo ang magpapalaya at magpapasiya.
Oras ng kalayaan, kayo ang magdidikta!

Isang matalas na tula ang “Hiling” ni Remoroso na naisulat niya habang nasa loob ng kulungan. Pinuna ang malalang kalagayan ng kalusugan sa bansa.

Ngunit kung susuriin, makikita ang kanyang itinatagong mensahe kung babasahin ito pababa: MARIA CONCEPCION DALAWIN MO AKO!

Hindi hiling ang laman ng tula ni Remoroso, kundi isang panawagan na magkaisa ang sambayanan at ialay ang buhay para sa tunay at ganap na kalayaan. Ang hiling ay ang panawagan niya sa kanyang minamahal. Acrostic poem pala ang “Hiling” ni Remoroso! Isang kundiman!

Ituloy natin sa susunod na labas ang pagtalakay! Padayon!