Main Story Pluma at Papel

Hulyo 4: Huwad na Kasarinlan


MATAPOS linlangin ng pamunuang Amerikano si Hen. Emilio Aguinaldo at agawin ng mga ito ang idineklara ni Aguinaldo na paglaya ng bansa sa kamay ng kolonyalistang mga Kastila noong Hunyo 12, 1898 — sinakop nga ng lahi ng mga Yankee ang Pilipinas sa pamamagitan ng Tratado sa Paris na binayaran ng $20-M ng Estados Unidos […]

MATAPOS linlangin ng pamunuang Amerikano si Hen. Emilio Aguinaldo at agawin ng mga ito ang idineklara ni Aguinaldo na paglaya ng bansa sa kamay ng kolonyalistang mga Kastila noong Hunyo 12, 1898 — sinakop nga ng lahi ng mga Yankee ang Pilipinas sa pamamagitan ng Tratado sa Paris na binayaran ng $20-M ng Estados Unidos ang Espanya para maging kolonya naman nito ang bansa. Pinairal nila dito noon, sa halos 50 taon, ang imperyalista nilang mga patakaran at interes, pampulitika man, pang-ekonomiya, pang-edukasyon o panlipunan na, higit na masama, umiiral pa rin hanggang ngayon.

Sa pamamagitan ng Batas Tydings – McDuffie na pinagtibay ng gobyernong Amerikano noong 1934 na nangakong ibabalik nila ang kasarinlan ng Pilipinas 10 taon matapos pagtibayin ang dinisenyo nilang kolonyal na Konstitusyon ng 1935. Sa ilalim ng naturang batas, tiniyak na mananatili ang karapatan ng mga korporasyon at mamamayang Amerikano na magkaroon ng mga ari-arian sa Pilipinas, magtalaga ng mga tropa’t magtayo ng mga base militar sa malawak na teritoryo nito. Gayundin, tiniyak din ang pagpapatupad ng malayang kalakalan ng Amerika’t Pilipinas.

Sa ilalim pa ng minamaniobra nila noong rehimeng Roxas, iba’t iba nang imperyalistang pagsasamantala ang kapalit ng diumano’y kasarinlang ibinalik noong Hulyo 4, 1946. Nariyan ang Batas sa Ari-arian na nagtadhanang hindi maaaring pakialaman ang lahat ng lupa’t gusali’t iba pang ari-ariang pag-aari na ng mga Amerikano bago, at pagkatapos, ng Hulyo 4, 1946. Nariyan ang Batas Bell sa Kalakalan at Parity Rights na nagpahintulot na dambungin ng kapitalistang mga Amerikano ang likas na yaman ng bansa at diktahan ng Estados Unidos maging ang taripa at halaga ng piso kontra dolyar.

Nariyan pa rin nga ang Kasunduang Militar ng Amerika at Pilipinas na nagpahintulot sa pagtatayo ng mga base militar nila dito na napalayas lamang pagkatapos ng 99 na taon pero, sa kabilang banda, nahalinhan naman ngayon ito ng VFA (Visiting Forces Agreement) na, hindi maikakaila, instrumento pa rin ng mga Amerikano upang supilin ang mga kilusang makabayan at progresibo o laban sa interes ng Amerika dito. Hindi na tuloy dapat ikagulat ngayon kung bakit nag-aalok ng tulong na militar sa AFP ang Amerika kamakailan para lipulin diumano ang CPP-NPA at iba pang tropang agad nilang binabansagang mga terorista. Bilang paghohosana kay Presidente George W. Bush ng kasalukuyang rehimen, lumilitaw na hindi na mahahadlangan ang pagpapatupad na nito ngayong Hulyo ng masahol pa sa teroristang HSA (Human Security Act) o batas kontra-terorismo.

(Mula kaliwa) Emilio Aguinaldo, Manuel Roxas, Sergio Osmena, at Manuel Quezon.
(Mula kaliwa) Emilio Aguinaldo, Manuel Roxas, Sergio Osmena, at Manuel Quezon.

Sapagkat ginawa nilang tau-tauhang sunud-sunuran o papet ang pambansang liderato, mula pa kina Osmena, Roxas at Quezon hanggang ngayon, malaya nilang nahakot sa murang halaga ang asukal, abaka, niyog, troso, mineral at iba pang hilaw na materyales at, sa kabilang banda, ginawa nilang tambakan ng sobra nilang mga produkto’t kapital ang bansa, tulad na lamang ng mga gamot at kemikal at mga kagamitang medikal, bukod pa sa kung anu-ano pang mga produktong ayaw na yatang tangkilikin sa kanilang bansa ng mga mamamayan nila.

Hindi maikakaila, iginilgil at pinairal nila sa bansa ang isang edukasyong kolonyal at nasa wikang Ingles na, kung tutuusin, ay mabisang instrumento ng pampulitikang indoktrinasyon ng sambayanan para mangayupapa ang mga ito sa mga bagay at pagpapahalagang maka-Amerikano. Kinontrol din nila maging ang daluyan ng malayang komunikasyon (radyo, telebisyon, babasahin at maging internet ngayon) para mapalaganap ang kanilang mga propaganda’t maianunsiyo pa ang kanilang mga produkto upang tangkilikin ng mga mamamayang Pilipino sa kapinsalaan ng lokal na mga industriya.

Dahil sakal-sakal pa rin ng diyus-diyosang Amerikano ang halos lahat ng antas ng pambansang larangan, hindi na tuloy katakataka kung manatiling bitukang agrikultural nito ang Pilipinas at patuloy na anino lamang ang pambansang industriyalisasyon habang, sa kabilang banda, nagdaralita’t busabos ang masang sambayanan, ipinagkakait sa kanila ang tunay na hustisya sosyal at binabansot ang kanilang makabayan at mapagpalayang mga adhikain tungo sa pambansang katubusan.

Sa maikling salita, kahit ibinalik ng mga Amerikano noong Hulyo 4, 1946 ang inagaw nito sa kamay ng mga rebolusyonaryong Pilipino na idineklarang kasarinlan noong Hunyo 12, 1898, nananatili pa ring huwad hanggang ngayon ang naturang kalayaan at kasarinlan, lalo’t nadidiktahan nito at napapaikot sa kanilang imperyalistang mga layunin ang walang gulugod at kasabuwat pang pambansang liderato. Naiparatang tuloy noon ng yumaong makabayang Sen. Claro M. Recto na kaakibat ng huwad na kasarinlang ito ang isang bagong pang-aalipin.

At hindi naiwasang ipayo noon ni Recto sa sambayanang Pilipino: “Mangarap tayong kagaya ni Bonifacio, at ipagpatuloy natin ang pakikibaka para sa ganap na katubusan ng ating lahi mula sa kamay ng bagong pang-aalipin, at huwag tayong padala sa takot at pag-aalinlangan, bagaman maaari tayong salubungin ng dambuhalang mga alon sa ating paglalakbay.”