Main Story

Pag-indak laban sa pagpapalayas sa ospital ng mga bata


Isang iglap na pag-indak ang ginawa ng mga kawani ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) bilang pagpapakita ng  pagkakaisa na pigilan ang planong paglipat ng nasabing ospital. Plano kasi ng Department of Health (DOH) na ilipat ang nasabing ospital sa bakuran ng Lung Center of the Philippines (LCP) na tinututulan ng mga kawani at mga […]

Sumayaw bilang pagtutol ang mga taga-PCMC sa paglipat ng ospital.<strong>Pher Pasion</strong>Sumayaw bilang pagtutol ang mga taga-PCMC sa paglipat ng ospital.<strong>Pher Pasion</strong>
Sumayaw bilang pagtutol ang mga taga-PCMC sa paglipat ng ospital. Pher Pasion

Isang iglap na pag-indak ang ginawa ng mga kawani ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) bilang pagpapakita ng  pagkakaisa na pigilan ang planong paglipat ng nasabing ospital.

Plano kasi ng Department of Health (DOH) na ilipat ang nasabing ospital sa bakuran ng Lung Center of the Philippines (LCP) na tinututulan ng mga kawani at mga pasyente nito dahil hindi umano akma ang lugar na iyon para sa mga bata.

Bahagi umano ang paglipat ng PCMC ng modernisasyon ng ospital sa ilalim ng public-private partnership ng administrasyong Aquino. Malinaw umano na isa ang PCMC sa kandidato para sa pribatisasyon, ayon sa #SavePCMC Alliance, isang alyansa na nagtatanggol para sa nasabing ospital.

Pero hindi lamang simpleng paglilipat sa PCMC ang pinangangambahan ng mga kawani at pasyente nito.

Pinapalayas

Pagtutol laban sa paglipat ng PCMC sa bakuran ng Lung Center.<strong>Pher Pasion</strong>
Pagtutol laban sa paglipat ng PCMC sa bakuran ng Lung Center. Pher Pasion

Setyembre noong nakaraang taon nang mag-isyu ng notice ang National Housing Authority sa PCMC na kailangan nilang bayaran ng P1.3 Bilyon ang 34-taong pananatili ng nasabing ospital sa 3.7 ektaryang kinatatayuan nito ngayon sa kahabaan ng Quezon Ave, sa Lungsod ng Quezon.

Pero ayon sa PCMC, hindi nila ito kayang bayaran dahil sa maliit na pondong inilalaan ng gobyerno sa kanila.

Dahil dito, kanilang idinudulog sa administrasyong Aquino na ibigay na lamang sa kanila ang lupang kinatatayuan ng PCMC. Pero wala pa rin silang naririnig na paborableng tugon tungkol dito.

“Pirma lamang ng pangulo (Aquino) ang kailangan para maibigay na sa PCMC ang lupa na ito tulad ng ginawa sa NKTI noon. Kaya hinahamon natin ngayon ang administrasyong Aquino lalo na’t ang PCMC ang nag-iisang publikong ospital na nangangalinga sa mga batang pasyente,” ayon kay Anna Saplor, tagapagsalita ng #SavePCMC Alliance at Akap Bata, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Nasa 80,000 out-patients at 55,000 ang pasyente naman ang siniserbisyuhan ng PCMC kada taon. Tinatayang 60 porsyento ng mga pasyente nito ang mahihirap.

Nasa 1,000 doktor, nars, at kawani ang pinangangambahang maapektuhan kung matuloy ang paglipat ng PCMC. Hindi kasi malayo na matulad ang mga kawani sa PCMC sa kinakaharap ngayon ng mga taga-Philippine Orthopedic Center (POC) na nangangambang malipat sa ibang ospital o mawalan ng trabaho.

Tulak ng PPP

Ayon kay Julie Caguiat, doktor at tagapagsalita ng Network Opposed to Privatization (NOP), tulak ng pribatisasyon ang paglipat ng PCMC tulad ng ginagawa ng gobyerno sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong, POC, at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, sa panayam ng Pinoy Weekly.

<strong>Pher Pasion</strong>
Kuha ni Pher Pasion

“Nandun sila (ang mga ospital na nabanggit) sa iskemang na aalisin sila doon sa lupa kasi tatayuan ng mall, papasukin yung mga private investors doon sa lupain. E di ba mga lugar na ay nasa sentro. Madaling puntahan. Bakit mo ililipat ‘yung mga publikong ospital na ‘yan tapos ang kapalit lang eh yung mga negosyo,” ayon kay Caguiat.

Sinang-ayunan naman ito ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus. Nasa balangkas umano talaga ng PPP ni Aquino ang nagaganap ngayon sa mga ospital.

“Ang gusto talaga nila papasukin ang mga negosyante para ‘yung mga kakulangang pondo, sasabihing kulang sa pondo, at kailangan nilang (ng gobyerno) magpapasok ng negosyante,” ayon kay De Jesus.

Dagdag ni De Jesus, kinakailangan ang totoong pagmomodernisa sa mga publikong ospital sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na badyet para sa kalusugan at hindi mula sa pagpasok ng pribadong sektor.

Ang PPP umano ni Aquino ang siyang kumukubabaw na patakaran ng gobyerno para makapasok ang mga negosyante at pagkakitaan kahit mga ospital, ayon kay De Jesus.

“Sa budget hearing isa ito sa itutulak namin, na sa general appropriations act masiguro kung saan ba talaga mapupunta ang pondong pambansa… Magandang busisiin talaga kung paano matitiyak na magkaroon talaga ng pondo ang PCMC na ang duduluhan ay hindi na sila matatanggal dito at ma-improve ang ospital,” ayon kay De Jesus.

Ayon naman kay Caguiat, kung ide-develop ang PCMC hindi sa iskema ng PPP. Dapat manggaling ang badyet mismo sa pamahalaan at ide-develop para maka-accommodate ng mas maraming kabataan.

Bidyo ng Buhay Manggagawa: