Kababaihan

‘Puwersahang’ paglipat kay Andrea Rosal sa piitan kinondena


Kinondena ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang diumano’y di-makataong pagtrato ng mga ahente ng gobyerno sa bilanggong pulitikal na si Andrea Rosal nang ilipat ito mula sa Philippine General Hospital pabalik sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig. Sinabi ng grupo na “halos kaladkarin” ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) […]

Bantay sarado ng mga taga-BJMP si Andrea Rosal habang patungo ito sa burol ng kanyang anak. FFilephot/Macky Macaspac
Bantay sarado ng mga taga-BJMP si Andrea Rosal habang patungo ito sa burol ng kanyang anak. Macky Macaspac

Kinondena ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang diumano’y di-makataong pagtrato ng mga ahente ng gobyerno sa bilanggong pulitikal na si Andrea Rosal nang ilipat ito mula sa Philippine General Hospital pabalik sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.

Sinabi ng grupo na “halos kaladkarin” ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Rosal matapos ipalabas ang discharge order niya sa naturang ospital.

Si Rosal ang bilanggong pulitikal na kamakaila’y namatayan ng sanggol matapos pahirapan ng mga ahente ng gobyerno sa pagkakakulong. Pinagbibintangan siyang lider-rebelde, bagay na pinabubulananan niya at mga tagasuporta niya na nagsabing organisador sa hanay ng mga magsasaka si Rosal.

Siya rin ang anak ng pumanaw na tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines na si Gregorio “Ka Roger” Rosal.

Nakarating kay Rosal ang utos na palalabasin na siya noong Hunyo 4 nang alas-singko ng hapon. Pero bago pasado alas-sais ng gabi, ipinagpilitan na raw ng BJMP na ilipat na siya kahit hindi pa siya handa.

“Inaasahan ng mga kamag-anak niya na papayagan pa silang maghapunan, at maaaring ipagbukas na ang paglipat sa Bicutan dahil tapos na ang office hour. Aayusin pa kasi nila ang mga bayarin at kailangang abisuhan din ang mga abogado,” kuwento ni Rjei Manalo, pangkalahatang kalihim ng Gabriela-Southern Tagalog.

Sinabi pa ni Manalo na mistulang warzone ang kuwarto ni Rosal dahil sa dala-dalang malalakas na baril ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at BJMP.

“Kahit ang dalawang kasama ni Andrea, pinagbawalang basahin ang order,” sabi pa ni Manalo.

Dagdag pa niya, hindi rin sila pinayagang makatawag sa mga abogado at kinumpiska pa ang kanilang mga cellphone.

“Handa kaming sumama kay Andrea kahit sa kulungan. Sobra-sobra ang pag-alala namin, kinorner na lamang nila kami sa loob ng kuwarto at hindi na palabasin. Natakot kaming baka kung san siya dalhin, gabi na,” sabi ng isa sa mga bantay ni Rosal.

Sinabi pa ng grupo na “mistulang mga magnanakaw” ang mga miyembro ng AFP at BJMP na umaatake lamang sa gabi.

“Sobra-sobrang pagpapahirap ang ginagawa nila kay Andrea,” sabi ni Manalo.