Karapatang Pantao

Grupong makakalikasan mula UP, pinagbawalang magtanim sa Nueva Vizcaya


Hinarang at pinagbawalan ng mga armadong guwardiya ng isang minahan sa Nueva Vizcaya ang grupo ng mga estudyante at guro mula sa University of the Philippines-Diliman noong Mayo 31. Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE), sa loob ng anim na oras ay hinarang at pinigilan ng 13 guwardiya ng FCF Minerals Corp. […]

Ang mga estudyante taga-UP na nagpapahinga habang binabantayan ng mga guwardiya ng FCF Mineral Corporation. Kontribusyon
Ang mga estudyanteng taga-UP na nagpapahinga habang binabantayan ng mga guwardiya ng FCF Mineral Corporation. Kontribusyon

Hinarang at pinagbawalan ng mga armadong guwardiya ng isang minahan sa Nueva Vizcaya ang grupo ng mga estudyante at guro mula sa University of the Philippines-Diliman noong Mayo 31.

Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE), sa loob ng anim na oras ay hinarang at pinigilan ng 13 guwardiya ng FCF Minerals Corp. ang grupo ng 12 estudyante ng UP kasama ang tatlo nilang guro.

Isasagawa sana ng grupo ang kanilang proyektong tree-planting sa Sitio Bit-ang, Brgy. Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya, na saklaw naman ng mining operation ng FCF Minerals Corporation.

“Papunta kami sa tree-planting site nang harangin kami ng mga guwardiya na armado ng malalakas na baril. Pinigilan at hinaras nila kami,” sabi ni Joan Manzano, guro sa UP at miyembro ng Taripnong-Cagayan Valley.

Sa mensaheng ipinadala ni Manzano sa Pinoy Weekly, sinabi niyang hinala nila na utos ng kompanya ng mina na harangin at pigilan ang kanilang grupo.

Sa kabila raw kasi ng paunang abiso ng grupo sa opisyal ng barangay na bibisita sila sa komunidad at magtatanim ng mga puno, pinigilan at sinabihan daw sila ng mga guwardiyang bawal ang pumasok sa Sityo Bit-ang dahil walang permiso. Iginigiit pa raw ng mga guwardiya na di-puwede magtanim sa Sitio Bit-ang kundi sa ibang Sityo na di-saklaw ng minahan.

Bukod sa mga guwardiyang kasama rin sa humarang at nagbawal sa kanilang ang limang pulis. Gayundin, pinagbawalan silang pumunta sa bahay ng isang lider-katutubo dahil daw sa tutol ang huli sa pagmimina.

“Limang pulis ang nandun na pinamumunuan ni PO1 Primo Valdez. Ganun din ang sinasabi: Pinabababa kaming lahat dahil bawal daw magtanim sa lugar. Wala raw kming permit,” sabi ni Manzano

Ikinakatwiran din daw ng mga pulis at guwardiya na hindi puwedeng magtanim sa mga saklaw ng Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ng FCF.

“Sa kasalukuyan,wala pang pagmiminang nagaganap sa Sityo Bit-ang. Plano pa lang na i-demolish ang buong komunidad para masimulan ang proyekto ng FCF,” ayon kay Manzano. Nauna nang minahin ng kompanya ang Sitio Tayab at Malilibeg; tanging ang Bit-ang na lamang ang hindi pa nasisimulan na may pinakamaraming residenteng tumututol sa pagmimina.

Halos kalbo na ang kagubatang saklaw nang pagmimina ng FCF Mineral Corporation sa Nueva Vizcaya.  Leon Dulce
Halos kalbo na ang kagubatang saklaw nang pagmimina ng FCF Mineral Corporation sa Nueva Vizcaya. Leon Dulce

Sinabi naman ni Noni Abao, miyembro ng Minggan-UP Diliman, na may itinatago ang kompanya ng mina kung kaya’t pinigilan ng mga guwardiya ang mga estudyante at guro na ituloy ang kanilang aktibidad.

“Makikinabang ang kompanya sa paglimita sa mga bisitang pumapasok sa Sitio. Maitatago nila ang tunay na isyu ng pagmimina sa publiko,” ani Abao.

Dagdag pa ng grupo, lumalabag na sa karapatang pantao ang FCF. Ayon sa grupo, noong 2009, nagsampa ng kasong harassment ang kompanya laban sa mga residente ng Brgy. Runruno dahil sa pagtanggi nilang ibenta sa kompanya ang kanilang mga lupain.

Marahas ding binuwag ng mga guwardiya ng FCF ang barikadang itinayo ng mga residente noong Disyembre 2012. Pinakahuling paglabag ang pagwasak sa mga bahay ng mga minerong nagsasagawa ng small-scale mining noong Hunyo 2013.

Sinabi pa ng Kalikasan-PNE na saklaw ang 3,000 ektarya sa naturang lugar sa FTAA ng FCF Minerals Corp., na nagsasagawa ng open pit mining para makakuha ng ginto. Pinapayagan din daw sa ilalim ng FTAA na alisin ang lahat ng istruktura sa mga lupang miminahin ng kompanya.

“Sinabi ng kompanya noong nagsagawa kami ng fact finding mission noong nakaraang taon na may karapatan daw ang FCF sa mga mineral sa ilalim ng mga pag-aaring lupain ng mga magsasaka at katutubo. Ang karapatang landag daw ng mga magsasaka ay sa ibabaw (surface rights) na maaari nilang alisin,” ani Leon Dulce, campaign coordinator ng Kalikasan-PNE.

Pinangangambahan ng grupo na tuluyang masira ang ekolohiya sa lugar. Tinatayang makakaapekto ito, hindi lamang sa mga residente, kundi maging sa mga magsasaka sa karatig probinsiya na umaasa sa tubig mula sa kabundukan ng Nueva Vizcaya.

“Aabot sa mahigit 500,000 ektarya ng probinsiya ang idineklarang watershed reserves, at idineklara pa nga ng National Economic and Development Authority na “watershed haven” dahil sa suporta ng probinisya sa 7 multi-million infrastructure projects para sa irigasyon at pangangailangan sa hydroelectric power generation, kasama na ang Magat Casecnan Hydroelectric Power Dams,” dagdag pa ni Manzano.

Pero sa kabila raw ng deklarasyong ito, pinahihintulutan naman ang FCF Mineral Corp. na magputol ng mga kahoy, dumihan ang mga pinagmumulan ng tubig at paalisin ang mga tao sa kanilang tirahan at kabuhayan. Sisirain din daw ng minahan ang biodiversity ng Sierra Madre mountain range, na kilala bilang isa sa nalalabing prontera ng bansa.

“Kung nagawa ng kompanyang FCF ang pagbawalan at takutin kaming mga taga-UP, paano pa kaya ang mga katutubong tumututol sa pagmimina at ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupang kanila naman talaga,” sabi pa ni Manzano.

Panawagan naman ng Kalikasan-PNE na dapat imbestigahan ng Commission on Human Rights ang insidente at hinamon ang lokal na mga opisyal ng Nueva Vizcaya na kanselahin ang permit ng FCF Mineral Corp.