Karapatang Pantao

Biktima ng Batas Militar, pinapahirapan sa pagkuha ng danyos


Inirereklamo ng grupong Karapatan ang “mabagal, magulo at pahirapang” aplikasyon para sa bayad-pinsala ng mga biktima ng batas militar. Sa loob ng halos dalawang buwan matapos magsimula ang aplikasyon ng mga biktima sa Human Rights Victims Claims Board (HRVCB), maliit na porsiyento lamang ng mga biktima ang naproseso, anila. Isa sa mga dahilan ang maraming […]

Si Marie Hilao Enriquez,tagapangulo ng Karapatan at biktima rin ng batas militar. Macky Macaspac
Si Marie Hilao Enriquez,tagapangulo ng Karapatan at biktima rin ng batas militar. Macky Macaspac

Inirereklamo ng grupong Karapatan ang “mabagal, magulo at pahirapang” aplikasyon para sa bayad-pinsala ng mga biktima ng batas militar.

Sa loob ng halos dalawang buwan matapos magsimula ang aplikasyon ng mga biktima sa Human Rights Victims Claims Board (HRVCB), maliit na porsiyento lamang ng mga biktima ang naproseso, anila.

Isa sa mga dahilan ang maraming rekisito na hinihingi ng claims board. “Biktima na nga, pinapahirapan pa,” sabi ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan at biktima rin ng Batas Militar.

Sinabi ni Enriquez na hinahanapan ng claims board ang mga biktima ng mga birth certificate, marriage contract, death certificates na awtentikado ng National Statistics Office, gayundin ng original release papers, at iba pa.

“Paano magkakaroon ang mga biktima ng mga dokumento, kung sila ay minasaker, inaresto, tinortyur. Panahon ‘yun ng batas militar,” aniya.  Tinanong din ni Enriquez kung paano raw magkakaroon ng release papers ang mga biktimang nakatakas sa mga kamay ng pulis at militar.

Iginiit ni Enriquez na hindi malinaw ang proseso ng aplikasyon at wala rin daw na information dissemination kung paano ang proseso ng aplikasyon.

Maliban pa sa requirements, iilang lugar lamang ang naikutan ng HRVCB caravan.Naglunsad ng caravan ang board sa Angeles, Lucena, Calbayog, Tarlac, Cebu, Iloilo, Bacolod at Cotabato.

Pero ayon kay Enriquez, pahirapan ang pagpunta sa mga lugar na ito at ilang araw lamang ang itinakda sa aplikasyon.

“Kailangan pa nilang gumastos ng pamasahe para makapunta sa mga processing center, tulad ng mga taga-Panay at Capiz pupunta sa Iloilo para lang maproseso. Ilan nga sa kanila ang hindi umabot,” ani Enriquez.

Sa Iloilo, mahigit 800 biktima ang dumating para sa aplikasyon. Pero 268 biktima lang ang naproseso sa loob ng dalawang araw na pananatili ng board. 

Sa Angeles City, Pampanga, 300 biktima lamang ang naproseso, samantalang mayroon pang ilang daan ang hindi nakapagsampa ng kanilang aplikasyon. Sinabihan daw ang mga aplikante na babalik ang board para maproseso ang natitira pang mga aplikante pero walang eksaktong araw kung kailan ang balik.

Sa Lucena City, 93 lamang ang naproseso sa abot 600 na dumating.

Taliwas ito sa sinasabi ng claims board na hindi sila napag-iiwanan. Sinabi ni  HRVCB Chair Lina Sarmiento na aabot sa 3,600 claimants mula sa tinataya nilang 20,000 biktima ang naproseso na ng board.

Pero ayon kay Enriquez, mas malaking bilang pa rito ang naging biktima ng batas militar. “Sa taya namin, nasa 120,000 ang mga ikinulong, wala pa dito ang mga pinatay at ‘yung mga nawawala,” aniya.

Kuwestiyonableng sekretaryo

Ang dokumentong nakuha ng Karapatan hinggil sa pagtanggi ng Bureau of Immigration sa appointment  ni tty. Lara s Claims Board. Macky Macaspac
Dokumentong nakuha ng Karapatan hinggil sa pagtanggi ng Bureau of Immigration sa appointment ni Atty. Lara sa Claims Board. Macky Macaspac

Binatikos din ng grupo ang pagtatalaga kay Grace Gandelyn Lara bilang secretary ni Sarmiento.

Sa isang dokumentong ipinakita ng Karapatan, si Lara na isang abogado  mula sa Bureau of Immigrations ay may kasong “gross neglect of duty” at hindi nirerekomenda ng ahensiya para sa HRVCB.

“Paano magiging maayos ang implementasyon ng batas, kung incompentent ang mga inilalagay sa board,” sabi ni Enriquez.

Dati nang kinukuwestiyon ng Karapatan ang pagkakatalaga ni Sarmiento bilang pinuno ng claims board dahil sa pagiging dating opisyal ng kapulisan.

Binuo ang HRVCB alinsunod sa Republic Act  10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 para magproseso at tumanggap ng aplikasyon ng mga biktima ng batas militar.

Sampung bilyong piso mula sa  ill-gotten wealth ng pamilyang Marcos ang inilaan para sa bayad-pinsala sa mga biktima. Ayon sa batas, kinikilala nito ang 9,539 na miyembro ng class suit at ang 24 na direct action plaintiffs laban kay Marcos na isinampa sa Hawaii.

Pero walang pahayag ang claims board na kasama ang mga ito sa kasalukuyang proseso.

Anim na buwan ang inilaan ng claims board para sa aplikasyon at magtatapos sa Nobyembre 10, 2014.