Istorya ng Linggo Main Story

Noynoy todo-depensa pa rin sa DAP, panawagang impeachment lumalakas


Agaran ang reaksiyon nila: Nagsisinungaling na naman si Pangulong Aquino. Inihayag ito ng iba’t ibang progresibong grupo, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nagtipon sa Plaza Miranda sa Quiapo, Manila para pakinggan ang talumpati ni Aquino hinggil sa Disbursement Acceleration Program (DAP) nitong Hulyo 14 ng gabi. (Tunghayan ang infographic ng Pinoy Weekly […]

Agad na binansagan ng progresibong mga grupo si Pangulong Aquino na sinungaling sa kanyang pagdepensa sa Disbursement Acceleration Program. <strong>KR Guda</strong>
Agad na binansagan ng progresibong mga grupo si Pangulong Aquino na sinungaling sa kanyang pagdepensa sa Disbursement Acceleration Program. KR Guda

Agaran ang reaksiyon nila: Nagsisinungaling na naman si Pangulong Aquino.

Inihayag ito ng iba’t ibang progresibong grupo, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nagtipon sa Plaza Miranda sa Quiapo, Manila para pakinggan ang talumpati ni Aquino hinggil sa Disbursement Acceleration Program (DAP) nitong Hulyo 14 ng gabi.

(Tunghayan ang infographic ng Pinoy Weekly hinggil sa DAP.)

“Bayan na ang hinoldap n’yo, gusto n’yo pa kayo pa ang pagpugayan. Ano tingin niyo sa amin, tanga?” sabi ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng grupong pangkabataan na Anakbayan. Reaksiyon ito sa sinabi ni Aquino na nakabuti ang DAP para sa mga mamamayan dahil inilaan nito ang sobrang ipon para sa mga proyektong pinakinabangan umano ng publiko.

Sinabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, na lalong lumalakas ang panawagan para sa impeachment ni Aquino dahil sa todo-depensa niya sa DAP na dineklara nang ilegal ng Korte Suprema ang susing mga bahagi.

Ilan sa mga lider-progresibo na nagtipon sa Plaza Miranda. Mula kaliwa, Renato Reyes Jr. ng Bayan, dating Bayan Muna Rep. Teddy Casino, at Cherry Clemente at Garry Martinez ng Migrante International. <strong>KR Guda</strong>
Ilan sa mga lider-progresibo na nagtipon sa Plaza Miranda. Mula kaliwa, Renato Reyes Jr. ng Bayan, dating Bayan Muna Rep. Teddy Casino, at Cherry Clemente at Garry Martinez ng Migrante International. KR Guda

Admin Code vs Constitution

Sa kanyang depensa sa DAP, sinabi ng Pangulo na nakatadhana sa Section 39 Book 6, Chapter 5 ng Administrative Code na pinahihintulutan ang Pangulo na ilaan ang savings ng gobyerno sa iba nitong proyekto o gastustin.

Kinatigan pa ni Aquino ang pagsasalarawan dito ng “isang text message na natanggap ko nito lang pong lumipas na linggo”. Ayon sa text message, ang pagpapatupad niya ng DAP ay “like a motorist who parked in a ‘no parking zone’ because he had to rush to save the life of an accident victim, which has more value” (“tulad ng motorista na pumarada sa isang ‘no parking zone’ dahil nagmamadali siya sa pagsalba ng isang biktima ng aksidente, na mas mahalaga”).

Ikinagulat ni Harry Roque Jr., abogado at propesor ng batas sa Unibersidad ng Pilipinas, ang pahayag na ito ni Aquino. Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Roque: “Culpable violation of Constitution is akin to illegal parking? Admin Code can now prevail over the Constitution?” (“Inihahalintulad ang paglabag sa Saligang Batas sa ilegal na pagpaparada? Mas mahalaga na ang Admin Code sa Saligang Batas?”)

Paliwanag ni Kabataan Rep. Terry Ridon, na isa ring abogado, na hindi puwedeng katigan ni Aquino ang Sec. 49 ng Administrative Code dahil di-pinahihintulutan ng Saligang Batas ang “cross-border transactions” o pagtawid ng Ehekutibo ng di-nagamit na pondo mula sa isang ahensiya patungo sa isa.

Ani Ridon, labag ito sa prinsipyo ng “separation of powers” (paghihiwalay ng mga kapangyarihan) sa pagitan ng Ehekutibo (Pangulo) at Kongreso.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Aquino na kukuwestiyunin nila ang 13-0 na desisyon ng Korte Suprema na nagsabing ilegal ang esensiyal na mga bahagi ng DAP. Hiniling ng Pangulo sa mga Mahistrado na “huwag ninyo naman sana kaming hadlangan. Hindi ba dapat kasama namin kayo sa repormang ito?”

Pero para kay Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, mistulang “deklarasyon ng giyera” kontra sa Korte Suprema ang naturang pahayag ni Aquino. Tahasang kontra umano ito sa hangaring pagpapanagot sa mga opisyal ng gobyerno.

“Malinaw ang desisyon ng Korte Suprema. Kinuha ni Pangulong Aquino ang kontrol sa pondo ng publiko at inilaan ito sa mga proyekto sang-ayon sa personal na kagustuhan nito, (at) inangkin ang kapangyarihan dapat ng Kongreso na magdetermina ng gagastusin ng gobyerno,” paliwanag ni Ilagan.

‘Listang walang silbi’

Sinabi rin ni Aquino sa kanyang talumpati na maaaring kilatisin ang mga proyekto sa ilalim ng DAP sa listahang ipinaskil nito sa website ng Department of Budget and Management.

Pero sagot ni Mark Lui Aquino, pangkalahatang kalihim ng Bayan-Metro Manila, na hindi naman inililinaw ng talumpati ni Aquino kung talagang kinilatis o na-audit ang mga proyekto na nasa naturang listahan.

“Malinaw na desperado ang presidente sa paggawa ng mga kuwento at patotoo para magmukhang tapat sa Saligang Batas ang DAP at ipinatupad ito nang tapat (‘in good faith’),” ani Aquino ng Bayan-Metro Manila.

Ikinagalit naman ng grupo ng mga maralitang lungsod na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang pagbanggit ni Aquino sa relokasyon ng mga maralita bilang isa sa mga proyektong pinondohan ng DAP.

“Nakakasuklam ang ginagawang paggamit ni Aquino sa kapakanan ng mga maralita para pagtakpan ang pagnanakaw nito sa pondo ng taumbayan,” sabi ni Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay. Sinabi ni Badion na ang Informal Settler Fund na inamin ng Palasyo na mula sa DAP ay ginagamit ng gobyerno para sa sapilitang pagpapalikas sa mga maralita para bigyan-daan ang malalaking negosyo sa ilalim ng proyektong public-private partnerships.

Simbolikong "notice of dismissal" na dinala ng Courage sa harap ng tanggapan ng DBM. Nasa larawan si Ferdinand Gaite, pangulo ng Courage. <strong>Kontribusyon</strong>
Simbolikong “notice of dismissal” na dinala ng Courage sa harap ng tanggapan ng DBM. Nasa larawan si Ferdinand Gaite, pangulo ng Courage. Kontribusyon

Di rin naman abot-kamay sa pinalikas na mga maralita ang mga relokasyon dahil pinagbabayaran din ng relocatees ang naturang mga pabahay. Samantala, hirap ang mga maralita sa kanilang kabuhayan sa mga relokasyon dahil malayo ang mga ito sa kanilang mga trabaho sa lungsod.

“Hinamon ng bawat maralitang nawalan ng tahanan at naghihirap ngayon sa malalayong relokasyon ang administrasyong Aquino na ipakita ang pinuntahan ng bawat sentimong inilabas mula sa ISF,” sabi pa ni Badion.

Benepisyo, pinagkait para sa DAP

Samantala, tanghali ng Hulyo 14 nang magpiket sa harap ng tanggapan ng DBM ang mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage).

Simbolikong nagsumite sila sa DBM ng notice of dismissal kay DBM Sec. Florencio Abad dahil sa DAP at iba pang panggigipit sa ipinaglaban na mga benepisyo ng mga kawani ng gobyerno.

“Nasaan ang good faith sa pagnakaw ng mga benepisyo ng hamak na mga empleyado at paggamit nito para sa patronage? Ano ang mga istandard ng pananagutan mayroon ang isang Kinatawan na nagsumite ng pagbibitiw habang alam naman niyang di ito tatanggapin ng Pangulo dahil di nito tanggap na lumabag ito sa batas?” ani Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.

Inihayag ng Courage at iba pang progresibong grupo na susuportahan nila ang mga hakbang para ma-impeach si Aquino. Inanunsiyo ng Bayan na nakatakdang magsumite ito ng reklamong impeachment kontra sa Pangulo sa Miyerkules, Hulyo 16.

“Nananawagan kami sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino na ipakita ang kanilang galit sa patuloy na pagdepensa ni Aquino sa DAP sa iba’t ibang paraan. Lumahok tayo sa mga protesta at igiit na mapanagot si Aquino at mga kasabwat niya na gumawa sa DAP at gumamit nito bilang presidential pork funds,” pagtatapos ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno.