Kabataan

Panawagang pagpapatalsik kay Noynoy umiinit


Pinaiinit ng mga grupo ng kabataan ang panawagang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Aquino. Sa protesta ng kabataan sa paanan ng Mendiola, nanawagan sila sa taumbayan na magkaisa para alisin sa poder si Aquino batay sa sari-saring isyu–pinakamainit nito ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang ilegal ng Korte Suprema kamakailan. “Naholdap ang kabataan dahil […]

Protesta ng kabataan sa Mendiola para sa pawagang pagpapatalsik kay Aquino.Pher Pasion
Protesta ng kabataan sa Mendiola para sa pawagang pagpapatalsik kay Aquino.<strong>Pher Pasion</strong>
Protesta ng kabataan sa Mendiola para sa pawagang pagpapatalsik kay Aquino. Pher Pasion

Pinaiinit ng mga grupo ng kabataan ang panawagang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Aquino. Sa protesta ng kabataan sa paanan ng Mendiola, nanawagan sila sa taumbayan na magkaisa para alisin sa poder si Aquino batay sa sari-saring isyu–pinakamainit nito ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang ilegal ng Korte Suprema kamakailan.

“Naholdap ang kabataan dahil sa DAP na ito ni Aquino. Patunay lamang na walang aasahan ang kabataan sa pangulong simula’t sapul ay pinagkakait ang karapatan ng kabataan at patuloy na pagpapabaya sa sektor ng edukasyon,” ayon kay Charlotte Velasco, tagapagsalita ng League of Filipino Students (LFS) , sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ayon sa LFS, nagamit ang pera ng publiko sa pamamagitan ng DAP sa pagpondo umano sa mga bogus na proyektong pang-ekonomiya at pagsuhol sa mga opisyal ng gobyerno noong impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona.

Hindi pa umano natatapos ang laban sa pagdeklara ng Korte Suprema na ilegal ang DAP para mabuwag na ang sistema ng pork barrel ni Aquino. Dapat din daw managot sina Aquino at Abad kasama ang kanilang mga alyado, ayon kay Velasco.

Panawagan ng kabataan na dapat umanong managot ang lahat ng sangkot sa korapsyon.<strong>Pher Pasion</strong>
Panawagan ng kabataan na dapat umanong managot ang lahat ng sangkot sa korupsiyon. Pher Pasion

Naging pagkakataon din ang araw na iyon, na tinaguriang “Philippine-American Friendship Day“, na kondenahin muli ng kabataan ang anila’y di pantay na relasyong Pilipinas at Amerika.

“Tinututulan din natin ang EDCA (Enhance Defense Cooperation Agreement) dahil nangangahulugan lamang umano ito ng muling okopasyon ng tropang Amerikano sa bansa. Magdudulot lamang ito ng lalong kahirapan at paglaki ng bilang ng paglabag sa karapatang pantao,” ayon kay Velasco.

EDCA ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika na nagpapahintulot ng pagbabase ng tropang Amerikano sa Pilipinas. Nilagdaan ito noong Abril 28 ngayong taon.

Inilahad ni Velasco ang mga naging kaso ng paglabag ng karapatang pantao ng mga sundalong Amerikano sa bansa, gaya ng Subic Rape Case na isang Pilipina ang nabiktima ng panggagahasa noong 2005, gayundin ang pagkasira ng Tubbataha Reef dahil sa isang barkong pandigma ng Amerika na sumadsad dito, at iba pa. Hanggang ngayon, hindi pa rin napapanagot ang mga sundalong Amerikano sa mga ito.

Determinado umano ang kabataan para patalsikin si Aquino sa puwesto sa kabila ng mga nagsasabing hindi uusad o pipigilan lamang ng mga alyado ni Aquino ang impeachment laban sa Pangulo.

“Ang pagmonopolyo ni Aquino sa pulitika ng kapangyarihan at solidong suporta ng Kongreso at Senado ay hindi magpapapigil sa lumalawak na panawagan ng mga mamamayang Pilipino na patalsikin ang Pangulo,” sabi pa ni Velasco.

Sinabi ng LFS at iba pang grupo na nagprotesta na paiinitin pa nila lalo ang mga protesta hanggang sa State of the Nation Address ni Aquino sa Hulyo 28.