Pluma at Papel

Magwawakas Din Ang Naghaharing-Uri


demonyo! impakto! sa tierra pobreza, madudurog din magwawakas din ang imperyo at pagiging diyos ng naghaharing-uri… sa sementeryong kabukiran at asyenda sa kabaong na pabrika at empresa sa morgeng simbahan at kapilya demonyo! impakto! santa maria, madre de dios… sa bawat pihit ng granahe sa bawat baon ng turnilyo sa bawat pakong minartilyo sa bawat […]

demonyo! impakto!
sa tierra pobreza, madudurog din
magwawakas din ang imperyo
at pagiging diyos ng naghaharing-uri…
sa sementeryong kabukiran at asyenda
sa kabaong na pabrika at empresa
sa morgeng simbahan at kapilya
demonyo! impakto!
santa maria, madre de dios…
sa bawat pihit ng granahe
sa bawat baon ng turnilyo
sa bawat pakong minartilyo
sa bawat nilagaring tabla
at inihulmang bisagra
sa bawat ibinuhos na semento
sa bawat gusaling dinisenyo
demonyo! impakto!
naririnig ko
ang langitngit ng mga ngipin
ang singasing ng hininga
at atungal ng binalumbong bituka
naliligis tuloy ang utak ko
sa oda ng dalita’t dusa.

diyos ama, diyos anak,
diyosa espiritu santa…
sa bawat kagat ng araro
sa bukid na tinamnan
sa bawat hagkis ng machete
sa masukal na damuhan
at malawak na tubuhan
sa bawat lupaing binungkal
demonyo! impakto!
por dios por santo…
nakikita ko
ang bumubukal na pawis sa noo
at pagdausdos sa sentido
ang paggapang sa dibdib at tiyan
ang paglalandas sa gulugod
at paglulundo sa kuyukot
o, diyos ni abraham…
agua benditang ihihilamos
sa singit at bayag ng indio
nabubutas tuloy ang puso ko
sa ulos at taga ng pang-aabuso!

demonyo! impakto!
magwawakas din ang naghaharing-uri
kuta ng pang-aalipi’y mapupulbos din…
sa di malipad-uwak na asyenda
maninikluhod din ang mga don at donya
hahagulhol din ang mga panginoon
sa mga pabrika at empresa
mamumulaklak din ang mga talahib
sa dalisdis at talampas ng kabundukan
sa tumana’t sabana ng kapatagan
sunugin man nang sunugin at abuhin
parang phoenix na mabubuhay
at muli’t muling magbabanyuhay
at sa lawiswis ng sumisikdong habagat
muli’t muling iindak ang puting bulaklak
di mananatiling bulag ang mga alipin
pagpitada ng rumaragasang umaga
sa la tierra pobreza
demonyo! impakto!
bibingihin ang mga diyus-diyosan
ng lagunlong ng matinis na trumpeta
at kalansing ng naputol na kadena!