Maralitang Lungsod

DSWD, pinagbabawalan ang mga benepisyaryo ng CCT na pumirma kontra pork barrel?


Ibinulgar ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na pinagbabawalan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer (CCT) Program na pumirma sa People’s Initiative Against Pork Barrel (PIAP). Ayon kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay, may sikretong utos si DSWD Sek. Dinky Soliman sa mga empleyado ng […]

Patuloy ang pagpirma ng mga maralitang lungsod sa people's initiative kontra pork barrel, sa kabila ng pagbabawal umano sa kanila ng Department of Social Welfare and Development. Contributed Photo/Kadamay
Patuloy ang pagpirma ng mga maralitang lungsod sa people’s initiative kontra pork barrel, sa kabila ng pagbabawal umano sa kanila ng Department of Social Welfare and Development. Contributed Photo/Kadamay

Ibinulgar ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na pinagbabawalan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer (CCT) Program na pumirma sa People’s Initiative Against Pork Barrel (PIAP).

Ayon kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay, may sikretong utos si DSWD Sek. Dinky Soliman sa mga empleyado ng ahensiya na pagbawalan ang mga maralitang pamilya sa ilalim ng programang CCT na pumirma sa PIAP, isang inisyatiba ng mga mamamayan na magpasa ng batas kontra pork barrel.

Pinagbabawalan din umano ang mga maralita na sumama sa mga kilos-protesta kontra korupsiyon, sa bantang tatanggalin sila sa programang CCT.

Batay ito sa natatanggap na mga ulat mula ng kanilang mga tsapter sa buong bansa, ayon sa Kadamay.

“Hindi ito nakapagtataka, dahil mismong ang DSWD, batbat ng korupsiyon,” ani Arellano.

Dagdag ng grupo, bigo na nga ang CCT na iahon ang mga pamilyang Pilipino mula sa kahirapan, nagiging balon pa ito ng malawakang korupsiyon.

“Nananawagan kami sa mga benepisyaryo ng CCT na panindigan ang kanilang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon na lumahok sa people’s initiative,” sabi ni Arellano.

Nanawagan din ang lider-maralita sa mga empleyado ng DSWD na “dinggin ang kanilang konsensiya” at huwag sumunod sa utos ni Soliman.

Iniulat ng Kadamay na noong Agosto 25, Million People March sa Luneta at simula ng pagpapapirma ng PIAP sa Metro Manila, ipinatawag ng DSWD ang lahat ng mga lider sa komunidad upang pigilan ang mga ito na lumahok sa kilos-protesta.

“Sa takot ng administrasyong Aquino na mapanagot sa korupisyon, desidido ito na yurakan ang karapatan ng mga mamamayan, kabilang na ang karapatan na magpahayag at magsama-sama, at karapatang magpasa ng batas  sa pamamagitan ng people’s initiative,” sabi ni Arellano.

Layon ng PIAP na makakalap ng anim na milyong pirma para makapagpatawag ng referendum para sa batas na mag-a-abolish sa sistemang pork barrel sa bansa.