Trabaho at serbisyo hindi limos


Itong conditional cash transfer na ba ang pinakasulong na plano ng administrasyong Aquino para maiahon sa kahirapan ang mga mamamayan – ang pagbigay ng limos? tanong ng militanteng mga kongresista. Wala naman kasing umuunlad ang buhay sa limos.

Trabaho at serbisyo ang sigaw ng progresibong mga kinatawan sa Kamara, sa halip na “limos” sa mahihirap na Pilipino ang ibigay ng administrasyong Aquino.

Ito ang reaksiyon ng pitong kinatawan ng mga party-list na Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, ACT Teachers at Kabataan kaugnay ng P21-Bilyong conditional cash transfer (CCT) na isinusulong ng administrasyong Aquino. Anila, sa halip na makatulong, magdudulot lamang ito ng lalong kahirapan at maghahasik ng pagkakaroon ng “kaisipang pulubi” sa mga mahihirap.

Ipinoprotesta nila ang pagdoble ng pondo ng CCT kapalit ng kalusugan, edukasyon, enerhiya at agrikultura na nakaranas ng malalaking pagkaltas sa pondo. Nais ng mga progresibong kinatawan na ilipat ang alokasyon sa CCT tungo sa mga nasabing mahahalagang serbisyo. Matatandang ginawang P21-B mula sa orihinal na P10-B ang ilalaang badyet sa naturang programa.

Sa ilalim ng programang CCT, maglalaan ang gobyerno ng P1,400 kada buwan sa mahihirap na pamilyang may anak na 14 na taong gulang pababa sa kondisyong pag-aaralin ng mga magulang ang kanilang mga anak at regular na magpapaospital ang mga nanay sa panahon ng kanilang pagbubuntis.

Ang naturang programa ay sinimulan noong 2008 sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P) ng administrasyong Arroyo. Itinuloy ito ng kasalukuyang administrasyon at inaasahang aabot sa 2.3 milyon ang benepisyaryo nito sa susunod na taon sa tulong ng $400-milyon utang mula sa Asian Development Bank (ADB).

Bukod sa CCT, magpapatupad din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ng P4.2-B subsidyo sa bigas at P2.82-B programang pakain.

Pero ayon sa progresibong mga kinatawan, ipinakikita lamang ng pagpapalawig administrasyon sa programa na kulang ito sa pagsipat sa mahahalagang panlipunang pamumuhunan. Hindi lamang umano “hungkag na pangako” ang CCT sa pag-ahon sa kahirapan kundi makakadagdag pa sa lumalalang pampinansiyang kalagayan ng bansa dahil sa dagdag na multi-bilyong utang mula sa mga internasyunal na intstitusyong pampinansiya.

Tinawag din nilang “absurdo” ang hiling ni Budget Secretary Florencio Abad na huwag galawin ang pondo dahil kaya ng naturang porgrama na labanan ang kahirapan at maabot ang Millennium Development Goals. “Tinatanong namin, anong parte ng prormang 4P ang mag-aahon sa mga Filipino at magbibigay ng sustenableng kabuhayan o trabaho?” ayon sa nagkakaisang pahayag ng mga kinatawan.

Sa pagpapatupad ng CCT sa ibang panig ng mundo, wala rin umanong tiyak na resulta. Sa ulat ng World Bank noong 2009, bagamat nakakatulong ang programa sa pagtaas ng pagpasok sa eskuwela at paggamit sa pampublikong serbisyong pangkalusugan, hindi naman ito nangangahulugan na nagkaroon ng mas mainam na edukasyon at kalusugan. Hindi rin malayong mangyari ito sa bansa, lalo na sa kalagayan ng mga eskwelahan at health center na kulang sa pasilidad, suplay at tao dahil sa mababang badyet na ibinigay sa edukasyon at kalusugan.

Iginiit ng progresibong mga kinatawan na mas mainam na ilaan ang malaking halaga ng pera sa mga eskwelahan, health center at ospital na siyang magbibigay ng libreng edukasyon at serbisyong pangkalusugan sa mga mahihirap.

Pinalalakas din umano ng CCT ang korap at sistemang padrino. Sa huli, pulitika ang magdidikta kung sino ang makakatanggap ng mga perang ito.

Asendero ang makikinabang

Samantala, binatikos ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ng ang paglalaan ni Pangulong Aquino at Akbayan party-list ng P4-B para sa Tulay ng Pangulo Para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) na isa lamang umanong showcase na agrarian reform communities (ARC).

Aniya, ang naturang “alyansa” ng asenderong pangulo at ng Akbayan ay magtityak lamang na ang mga asendero ang makakakuha ng malaking bahagi ng pondo gamit ang TPKP at mga ARC.