Main Story Pambansang Isyu

Protestang Halloween sa pagpasa ng 2015 badyet, isinagawa


Habang abala ang mga Pilipino sa paghahanda para sa Undas, isang karimarimarim na pangyayari ang pagpasa ng P2.606 Trilyong panukalang badyet para sa 2015 sa Kamara. Umalma ang iba’t ibang sektoral na organisasyon sa mabilis na pagpasa ng panukalang badyet na anila’y batbat ng anomalya, kabilang ang kawalan ng dagdag-sahod sa mga kawani ng gobyerno […]

Halloween protest ng mga guro sa Mendiola na nagpapakita ng pagpatay sa panawagan nilang dagdag sa sahod.<strong>Pher Pasion</strong>
Halloween protest ng mga guro sa Mendiola na nagpapakita ng pagpatay sa panawagan nilang dagdag sa sahod. Pher Pasion

Habang abala ang mga Pilipino sa paghahanda para sa Undas, isang karimarimarim na pangyayari ang pagpasa ng P2.606 Trilyong panukalang badyet para sa 2015 sa Kamara.

Umalma ang iba’t ibang sektoral na organisasyon sa mabilis na pagpasa ng panukalang badyet na anila’y batbat ng anomalya, kabilang ang kawalan ng dagdag-sahod sa mga kawani ng gobyerno at guro, pagpapatuloy ng sistema ng pork barrel at pagkakaroon ng 269-pahinang ‘errata’ ng Malakanyang na isiningit sa badyet na di nakilatis ng Kongreso.

Halloween protest ng Bagong Alyansang Makabayan sa harap ng Kamara: pabor sa iilan at sa dayuhan ang 2015 badyet. <strong>Kodao Productions</strong>
Halloween protest ng Bagong Alyansang Makabayan sa harap ng Kamara: pabor sa iilan at sa dayuhan ang 2015 badyet. Kodao Productions

Kaalinsabay ng Undas, nagsagawa ang mga organisasyong ito ng protestang Halloween para batikusin ang kuwestiyonableng 2015 pambansang badyet.

“Ang 269-pahinang budgetary insertions na nagkakahalagang bilyong pisong nailipat na pondo ay pinakikilala bilang teknikal at typographical na pagsasaayos lang. Lahat ng isiningit na ito–ng Kongreso man o ng Ehekutibo–ay hindi napag-usapan o natalakay sa plenaryo at sadyang itinago sa publiko,” sabi ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casino, na isa sa nanguna sa mga protesta sa harap ng Kamara noong Oktubre 29.

Nagprotesta naman sa Mendiola ang mga grupo sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na binatikos din ang pagkakaroon ng P501 Bilyong special purpose funds o lump sum funds sa 2015 badyet habang walang badyet na inilaan para sa dagdag-sahod ng mga guro at kawani.

Binatikos din nila ang pagbago ng depinisyon ng “savings” para maiwasan ang desisyon ng Korte Suprema na ilegal ang Disbursement Acceleration Program o presidential pork barrel.

“Nakamamatay ang badyet na ito ni (Pangulong) Aquino. Maliban sa puno ng sebo dahil sa buhay na buhay pa rin ang pork barrel, wala ni singkong inilaan para sa dagdag sahod ng mga guro at kawani,” ayon kay Joy Martinez, bise-presidente ng ACT.

Pangako sa guro, napako

Nakamamatay ang badyet ni Noynoy Aquino para sa mga guro.<strong>Pher Pasion</strong>
Nakamamatay ang badyet ni Noynoy Aquino para sa mga guro. Pher Pasion

Hindi pa rin inaaprubahan ng Kamara ang House Bill 245 ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio noong July 1, 2013 na naglalayong dagdagan ang sahod ng mga guro tungong P25,000 at P15,000 para naman sa mga kawani.

Patuloy na naghihirap ang mga guro at natutulak na mangutang kung saan-saan  dahil kapos ang sahod sa kanilang pangangailangan, ayon kay Benjie Valbuena, tagapangulo ng ACT.

“Patuloy lang na magreresulta ang badyet na ito sa krisis sa ekonomiya at edukasyon. Ayaw nating madagdagan pa ang pamamaril sa mga guro dahil sa utang,” ayon kay Valbuena.

Tinutukoy ni Valbuena ang tatlong guro na pinagbabaril ng isang pulis dahil sa utang ng mga ito sa Pangasinan National High School noong Setyembre.

Sa hindi pagsama ng dagdag na sahod ng mga guro, nilalabag na ni Aquino ang mga probisyon sa Salary Standardization Law III na dapat may pag-aaral at pag-adjust sa sahod ng mga kawani ng gobyerno kada tatlong taon, ayon kay Valbuena.

“Maging sa Magna Carta of Public School Teachers ang nagsasabing dapat nagbibigay sa atin ng disenteng pamumuhay ang sahod natin. Sa kasamaang palad, mula 2009, hindi na nagbago ang sahod natin. Sa katunayan, binabawasan pa ang ating mga benepisyo mula P10,000 na ngayon ay P5,000 na lamang,” ayon kay Valbuena.

Tanging P300.00 karagdagang chalk allowance lamang ang idinagdag sa badyet ng mga guro para sa susunod na taon dahil sa pagsama nito ni Rep. Tinio sa badyet. Mumu lamang ito sa kanilang pangangailangan ayon sa mga guro.

“Dahil saw ala na naman tayong increase, isang buong taon na naman tayong magdurusa,” ayon kay Valbuena.

Nakatakdang magsagawa ng isang sit down strike ang mga guro sa darating na Nobyembre 14 para ipakita kung paano sila pinababayaan ng gobyerno ni Aquino. Magpapatuloy umano ang kanilang protesta sa Senado hanggang sa panawagan nilang malawakang mass leave.

Walang badyet sa OAV, meron sa patronage politics

Sumama sa protestang Halloween sina Gabriela Reps. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus. <strong>Kodao Productions</strong>
Sumama sa protestang Halloween sina Gabriela Reps. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus. Kodao Productions

Samantala, binatikos naman ng Migrante International ang pagtanggal ng DBM sa P89.6-Milyong badyet na para sa implementasyon ng overseas absentee voting (OAV).

“Nakalulungkot na tinitingnan ng DBM ang OAV badyet bilang isa sa mga item na maaaring alisin sa 2015 badyet, habang ayaw nitong tanggalin ang pork barrel, DAP (Disbursement Acceleration Program), at iba pang kuwestiyonableng mala-DAP na lump-sum funds. Mas ginusto pa ng gobyernong ito na ipagkait sa mga OFW (overseas Filipino workers) ang karapatang bumoto kaysa isuko ang pondo na laan para sa malawakang korupisyon,” sabi ni Sol Pillas, tagapagsalita ng Migrante.

Sa loob ng Kamara, bumoto ang progresibong mga kongresista ng Makabayan bloc kontra sa 2015 badyet. Ayon sa Bayan Muna, malinaw na nilegalisa ng badyet na ito ang lump-sum fundspork barrel na pinagmumulan ng malawakang korupsiyon.

“Bumoboto ang Bayan Muna Party-list na NO sa 2015 badyet dahil hindi ito badyet ng bayan kundi badyet na puno ng pork, hindi transparent, at hindi totoong sumasalamin sa sentimyento ng mga mamamayan. Mas mabuti pang tawagin itong 2015 President’s Budget,” pahayag nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate.

Bukod dito, tinutulan din umano ng progresibong mga kongresista ang 2015 badyet dahil di nito pinaglaanan ng sapat na badyet ang mga serbisyong panlipunan, habang pinrayoritisa ang mga proyektong ginagamit para sa patronage politics ng mga pulitiko.

“Lalong pinalobo sa budget ang Ang Conditional Cash Transfer (CCT) na dulot ay baluktot na values, kulturang paglilimos, at patronage politics. Paulit ulit kong pinaninindigan na trabaho at hindi mumo ng CCT ang kahingian ng maralita,” sabi pa ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus.

Infographic ng IBON Foundation hinggil sa pribadong mga interes na makikinabang sa 2015 pambansang badyet (inilabas noong Setyembre 2014):

10649515_10154595653855162_7565937866790742319_n