Main Story Pambansang Isyu

Ang pagtuloy na trahedya sa mga biktima ni Yolanda at ng gobyerno


  Isang araw bago ang komemorasyon sa malagim na paghagupit ng bagyong Yolanda, kasamang nagmartsa ng mga progresibong grupo patungong Mendiola ang ilang biktima.  Bakas pa rin sa kanila ang hinagpis, panghihinayang at galit dahil sa kapabayaan ng gobyerno. Isang taon matapos ang trahedya, nasa mga mata pa rin ni Mabini Cajes, 38,  mula Salvacion, […]

 

Martsa ng iba't ibang sektor sa Mendiola sa Maynila sa bisperas ng anibersaryo ng bagyong Yolanda.<strong>Pher Pasion</strong>
Martsa ng iba’t ibang sektor sa Mendiola sa Maynila sa bisperas ng anibersaryo ng bagyong Yolanda.Pher Pasion

Isang araw bago ang komemorasyon sa malagim na paghagupit ng bagyong Yolanda, kasamang nagmartsa ng mga progresibong grupo patungong Mendiola ang ilang biktima.  Bakas pa rin sa kanila ang hinagpis, panghihinayang at galit dahil sa kapabayaan ng gobyerno.

Isang taon matapos ang trahedya, nasa mga mata pa rin ni Mabini Cajes, 38,  mula Salvacion, Samar ang mga alaala ng bagyong Yolanda. Patuloy din na mananatili  sa kanyang puso ang kaniyang asawa at dalawang anak na nasawi sa pananalasa ng bagyo

Isa si Cajes sa daan-daang nagtungo sa Mendiola sa Maynila sa sa bisperas ng anibersaryo ng pananalasa ng bagyong Yolanda para iparating sa gobyerno ang patuloy na kapabayaan sa kanila.

Isang magsasakang walang sariling lupa si Cajes at itinataguyod ang kanilang pamilya na may limang anak. Dahil kulang na kulang ang P100 na kinikita sa pagsasaka, umaasa sa utang si Cajes at nakikipangisda din. Kung minsan, nakiki-ekstra sa construction bilang pandagdag sa gastusin.

Sa kanyang kuwento sa Pinoy Weekly, nauna niyang natagpuan ang bunso at asawa  na kapwa niya inilibing. Inabot naman ng limang araw bago niya makita ang panganay na anak na  natabunan ng mga kahoy. Lumobo ang katawan at nangangamoy na. Dinala muna niya ang panganay sa simbahan para mabendisyunan bago agad na inilibing kahit pa  namamaga ang sarili niyang mga paa.

Mula kaliwa Jesusa Hiponia, Miriam Rosario, Janine Dizor, at Mabini Cajes, sa kanilang pakikiisa sa protesta sa Mendiola sa bisperas ng anibersaryo ng bagyong Yolanda para maningil sa gobyernong Aquino.<strong>Pher Pasion</strong>
Mula kaliwa Jesusa Hiponia, Miriam Rosario, Janine Dizor, at Mabini Cajes, sa kanilang pakikiisa sa protesta sa Mendiola sa bisperas ng anibersaryo ng bagyong Yolanda para maningil sa gobyernong Aquino.Pher Pasion

“Kinabukasan pagkalibing ko sa mag-ina ko. Sabado yata yun. Nakakita ako ng tali, pumanhik ako sa second floor ng bahay, nasa isip ko kitilin ko ang buhay ko. Hindi ko kayang tanggapin na tatlo ang nawala sa akin,” ayon kay Cajes.

Nailigtas siya ng dalawa niyang pinsan sa tangkang pagpapakamatay dahil binantayan sa payo ng isang kaibigan dahil kakaiba na raw ang kinikilos nito.

Tinagka niya uling magpakamatay, sa pagkakataong iyon, pag-inom naman ng sobrang gamot para ma-overdose siya. Pero hindi ito tumalab.

Kwento ng trahedya

Ayon kay Cajes, lumikas sila sa bahay ng kaniyang tiyuhin bago ang bagyo dahil tiyak na hindi kakayanin ng kanilang tinirhan dahil sa gawa lamang ito sa light materials. Pero maging ang konkretong bahay ng kaniyang tiyuhin hindi kinaya ang bagyo.

“Inangat ko sa kisame ang pamilya ko dahil mabilis na pumasok ang tubig. Nang lalong tumaas ang tubig, pinilit kong baklasin ang yero. Pinagsisipa ko. Pero parang papel lamang nang liparin na nang hangin,” aniya.

Dahil sa sobrang lakas ng  hangin, pinili na lamang niyang manatili silang nakakapit sa kisame dahil maaaring tangayin ang mga bata sa lakas ng hangin.

“Sabi ko dito na lang tayo sa loob ng kisame, bahala na kung anong mangyari sa atin basta wag lang tayong magkakahiwalay. Kinuha ko yung bunso ko sa asawa ko para wala na siyang iisipin kundi iligtas ang sarili nya,”  sa pagpapatuloy ng kuwento ni Cajes.

Dagdag niya, nang dumating ang mga malalakas ng alon, nawasak ang mga pader ng bahay ng tiyuhin niya.  Matapos magiba ang pader, nawala sa paningin niya ang kanyang asawa at dalawang anak. Napako naman ang paa niya at ang isa naman ay nadaganan ng mga kahoy habang pilit na kumakapit sa kanya ang isang anak na hindi marunong lumangoy.

“Kahit na alam kong nakabaluktot ang pako, pinilit kong tanggalin dahil kung hindi, hindi kami makakaalis doon malulunod kami. Pagkatanggal ko sa paa ko, ‘tsaka naman ako tinamaan ng kahoy sa ulo at nawalan ako ng malay. Nabitawan ko ang bunso ko,” ayon kay Cajes.

Nagkaroon lamang siya uli ng malay nang gisingin ng anak. Tinangay sila ng tubig sa isang puno ng suha kung saan naroon ang kaniyang tiyuhin. Doon niya inilagay ang kaniyang mga anak. Iniabot ang kaniyang walang malay na panganay sa tiyuhin.

Pero muli silang hinambalos ng malakas na alon. Nawala na nang tuluyan ang kaniyang panganay. Sa isang puno ng mangga sila nagkita-kita ng tatlo pa niyang mga anak at doon sila nanatili hanggang humupa ang bagyo at tubig.

“Doon, wala na akong pag-asa na makita ko pa ang tatlo kong mahal sa buhay. Iyak na lang ako nang iyak,” sabi niya.

Tanging ang tato niyang anak na natitira ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para magpatuloy.

Wala pang tulong ang gobyerno

Ang hinanakit ni Cajes,mag-iisang taon na pero wala pa rin silang natatanggap na tulong mula sa Department of Social Work and Development (DSWD).

Miyembro ang namayapang asawa ni Cajes sa  Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s)  ng administrasyong Aquino. Pero pinahihirapan daw siya ng  nasabing ahensya para  mailipat sa kanya ang pagiging miyembro nito.

Sa kasalukuyan,para muling makabangon sa pananalasa ng bagyos, tinutulungan siya ng ACT Alliance, isang pribadong sektor,  iginiit niyang wala siyang natatanggap na tulong mula sa gobyerno.

Isinadula ng mga nagprotesta ang pagpapabaya ng gobyernong Aquino na itinuturong may  kriminal na kapabayaan sa nangyaring sakuna.<strong>Pher Pasion</strong>
Isinadula ng mga nagprotesta ang pagpapabaya ng gobyernong Aquino na itinuturong may kriminal na kapabayaan sa nangyaring sakuna.Pher Pasion

Kagaya din niya sina sina Miriam Rosario, 28, at Jesusa Hiponia, 33,  na mula naman sa mula Estancia, Iloilo, na hinagupit din ng bagyong Yolanda.  Isang taon makalipas  wala pa ring natatanggap na tulong ang mga kagaya nila mula sa gobyerno.

Sa kuwento ni Rosario, pagkatapos ng bagyo, nabuhay sila sa pag-ani ng kanilang mga tanim na  kamote kahit hindi pa dapat anihin ang mga ito. Napilitan pa silang isaing  ang basang bigas para lamang magkalaman ang mga sikmura.  Ang malungkot. namalimos  ang mga bata sa sa mga sasakyang nagsisidaan sa  kalsada.

Ayon kay Rosario, hindi nila sapat na napaghandaan ang bagyo dahil hindi  rin naman daw  sapat ang impormasyon na kanilang nakuha. Kung sakali mang palikasin sila, wala umanong evacuation center na malapit sa kanilang lugar para puntahan.

Isang buwan matapos ang bagyo bago dumating  ang mga tulong mula sa pribadong sektor pero  sabi niya hindi ito sumasapat sa kanilang lahat.

Aniya, wala silang natatanggap na anumang cash assistance hanggang sa ngayon bukod sa ayuda mula sa food for work  ng DSWD.  Pero dahil sa malapit sa  kabundukan  ang tintirhan nina Rosario, isang buwan bago sila mabigyan  ng gobyerno  nang ayuda mula  sa kanilang pinagtrabahuan na “food for work.”

“Iyong food for work, kami ang pinagtrabaho para linisin ang lugar namin kami na itong mga biktima. Tapos pipila kami sa plaza pagkatapos noon para lamang kunin ang bigas, noodles at sardinas. Yun ang masakit,” sabi ni Rosario.

Dagdag pa niya, “Hanggang ngayon pinababayaan pa rin kami nga gobyerno doon. Wala kaming natatanggap na cash assistance kahit sa lokal na gobyerno. Sa barangay namin wala kaming natatanggap.”

Kaya naman, masama ang loob ni Rosario nang mabalitaan niya ang pagkabulok ng mga relief goods sa kamay ng DSWD. Gayundin, sa mga tulong na natatanggap ng gobyerno pero hindi nakakarating sa kanila.

“Malaking galit sa puso ko sa totoo lang. Kasi doon sa Ilo-ilo sa Estancia napabayaan kami. Hindi naman kami naiinggit sa Tacloban. Dapat lang din naman silang tulungan. Pero huli na kaming napansin doon sa Ilo-ilo. Hindi pa tapos ang obligasyon nila (gobyerno) sa amin,” ayon kay Rosario.

Samantalang malapit naman sa dagat nakatira si Hiponia.  Sa dagat  ang kanyang kabuhayan bago ang dumating bagyo.  sa kasagsagan ng bagyong Yolanda, nagkaroon daw ng  oil spill sa kanilang lugar kaya sila inilikas. Ika-23 pa ng Nobyembre nang ilikas sila sa evacuation center. at  inabot pa ng dalawang lingo bago sila nakatanggap ng tent mula pa sa pribadong sektor.

Ayon sa kanya, hindi na sila pinabalik sa dati nilang lugar mula noon.

“Hindi na kami tinulungan ng gobyerno, ginipit pa kami. Hindi kami pinabalik sa lugar namin dahil maaari daw kaming magkasakit. Pero nandun naman ang mga militar na walang suot na masks man lang. Kaya ‘yung iba hindi nagpatakot sa militar, binalikan ang kanilang kabuhayan sa aming lugar,” ayon kay Hiponia.

Sa kasalukuyan, nasa bunk house pa rin nakatira sina Hiponia kasama ang kaniyang nag-iisang anak, at dahil  sa oil spill, nabubuhay na lamang sila sa pagtitinda ng kaniyang pananim na gulay. Singkuwenta pesos  lamang ang kita niya kada araw.

“Mas yung anak ko na lang iniisip kong pakainin. Gutom mo kaya mong tiisin pero hindi yung sa anak mo. Kaya sinasabayan ko na lang tubig o kung may konti pang gulay mapagkasya lang,” aniya.

Masakit din sa loob ni Hiponia, nang sabihan sila ng isang empleyado sa kanilang munisipyo na puro na lamang sila pasanin at puro hingi ang mga nasa evacuation center.

Panawagan ng mga nagprotesta ang hustisya para sa mga naging biktima.<strong>Pher Pasion</strong>
Panawagan ng mga nagprotesta ang hustisya para sa mga naging biktima.Pher Pasion

“Sabi ko, kung humingi man kami karapatan lang namin yun. Hindi naman sa bulsa ninyo galing yan, sa LGU (local government unit) yan, anong karapatan na sabihan kami ng ganyan? Hindi naman namin ginusto na magkaroon ng ganitong bagyong Yolanda na ganito kalakas,” ayon kay Hiponia.

Relief goods mula sa dayuhang kumpanya naman tanging naaalala ni Janine Dizor, 21, mula Magallanes (coastal area) sa Tacloban City.  Nakaligtas sila nang lumikas sa bahay ng kanilang tiyahin sa San Jose na may kataasan ang lugar.  Sabi niya. hindi niya kailanman kinakitaan ng tulong ang gobyerno.

“Sa gobyerno? Hindi ko alam kung ano ang naibigay nila. Parang wala namang remarkable na naitulong. Wala nga kaming na-received na cash assistance o anuman lang,” sabi ni Dizor sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ang tanging tulong na pagkain na natanggaap niya ay nang dumating sila  dito sa Manila sakay ng C130 mula Samar.  Kinailangan nilang magkapatid na  maglakad mula Tacloban hanggang sa Sta. Rita, Samar para puntahan ang kanilang mga magulang na nasa Hiporloas, Eastern Samar.

Dagdag pa niya, sinikap nilang makapunta sa Guiuan, Samar para makasakay ng C130 dahil hindi na sila makabalik sa Tacloban dahil sa kumakalat na balitang  magulo na raw ang lugar.

Aminado si Dizor na mas dismayado siya  sa naging aksyon ng gobyerno sa pagresponde sa kanilang mga biktima matapos ang bagyo.

Disappointed (sa gobyerno) unang-una sila dapat ang unang rumesponde sa mga tao pero bakit puro NGOs (non-government organizations) ang nakikita?” ayon kay Dizor.

Pagbangon at paglaban

Maraming mahihirap at masasakit na alaala ang iniwan ng bagyong Yolanda para sa mga biktima. Pero nananatiling pa ring realidad at hindi alaala ang patuloy na pagpapabaya sa kanila ng gobyerno matapos ang isang taon.

Para sa mga biktima, nanatili sa ang responsibilidad ng gobyerno sa kanila na hindi lamang kapos sa kagyat na pangangailangan gaya ng relief goods, pabahay, at kabuhayan. Kapos din ang gobyerno na makatao silang harapin at tratuhin bilang mga biktima ng isa sa pinakamalakas na bagyo sa bansa.

Bukas, Nobyembre 8, dadaluyong sa Tacloban City ang libo-libong mga biktima para singilin ang gobyernong Aquino sa patuloy na kapabayaan nito sa mga nasalanta ng ga kalamidad.