Pluma at Papel

Walang Alitaptap Sa Punong Acacia


matagal nang wala akong nakikita ni isang alitaptap sa punong acacia walang umiindak sa natuyong sanga walang kumikindat sa dahong nalanta walang nagniningning tulad ng bituin lalo’t nakapiring sa mata ng buwan itim na ulap ng dusa’t panimdim at lupit ng kamay ng pang-aalipin. tinangay ba sila ng hanging amihan sa burol ng dilim at […]

matagal nang wala akong nakikita
ni isang alitaptap
sa punong acacia
walang umiindak
sa natuyong sanga
walang kumikindat
sa dahong nalanta
walang nagniningning
tulad ng bituin
lalo’t nakapiring
sa mata ng buwan
itim na ulap
ng dusa’t panimdim
at lupit ng kamay
ng pang-aalipin.

tinangay ba sila
ng hanging amihan
sa burol ng dilim
at ngayon ay tanglaw
sa mithiing banal
ng mga aninong
laging naglalamay
sa pananagimpan
habang hinahabi
sa pisngi ng gabi
madugong lirika ng paghihimagsik
melodiyang umiindak sa pag-ibig
sa laya’t ligaya
ng ibinartolinang
la tierra pobreza
sa yungib ng inhustisya
ng uring mapagsamantala?

wala ni isang alitaptap
sa punong acacia
ngayong puso ko’y
sakmal ng dalita’t dusa
ngayong sa utak ko’y
naglilingkisan
sumisingasing na mga eksena
ng mga dekada ng pakikibaka
ngayong sa tainga ko’y
umaalunignig
tagulaylay ng dasal-hinaing
ng mga nilikhang
nilamon ng sakim
silang kabataang
sa gubat nalibing
silang mga inang
luha ang kapiling
silang mga amang
buto ay giniling
ng imbing makina
sa mga pabrika
dugo ay kinatas
ng lupang di kanya
pataba sa tubo
pandilig sa palay
habang nagsasayaw
sa bulwagan ng karangyaan
at naglulublob
sa balon ng kapangyarihan
silang iilang diyus-diyosan
sa maalingasaw
na lipunan.

walang alitaptap
sa punong acacia
saan sila naglipana
ngayong kumakapal
ang lambong ng dilim
sa luhaang mukha
ng bayang alipin
ng mga gahaman
ngayong binubulag
ng huwad na mesiyas
masang sambayanang
lagi nang dayukdok
at lalamunan
ay titiguk-tigok?

kumpul-kumpol
sanang dumatal
sa punong acacia
laksang alitaptap
at sana’y ilulan
sa nagbukang pakpak
di lamang luningning
papawi sa dilim
kundi lagablab
ng dila ng apoy
upang gawing uling
tupukin-pulbusin
katawan ng mang-aalipin
at uring napakasakim!