Kapirasong Kritika

Yolanda Isang Taon Pagkatapos


Sa panayam niya kay Jessica Soho, isa sa mga huli bago siya namatay, tinanong si Cory Aquino kung ano ang pinakamababang yugto o lowest point ng kanyang pagkapangulo. Ang sabi niya, ang Mendiola Massacre. May mga namatay raw kasi, bagamat may pahabol siyang may nanggulo doon. Hindi ko alam kung sinsero ang dating pangulo sa […]

Sa panayam niya kay Jessica Soho, isa sa mga huli bago siya namatay, tinanong si Cory Aquino kung ano ang pinakamababang yugto o lowest point ng kanyang pagkapangulo. Ang sabi niya, ang Mendiola Massacre. May mga namatay raw kasi, bagamat may pahabol siyang may nanggulo doon.

Hindi ko alam kung sinsero ang dating pangulo sa sagot. Hindi ko nasaksihan ang mga pahayag at aksyon niya pagkatapos ng naturang masaker. Ang alam ko, iyung alam ng marami: na nagpakawala siya ng Total War sa mga rebeldeng komunista at nagdulot ng maraming paglabag sa karapatang pantao sa kanayunan.

Pwede rin namang okey sa kanya ang pagpatay, basta hindi sa abot ng kanyang tanaw. Pwede sa malawak na kanayunan, huwag sa kalunsuran.

Naalala ko ang sagot ni Cory sa mga pahayag at aksyon ni Noynoy Aquino isang taon pagkatapos manalasa ang superbagyong Yolanda sa bansa. Sasabihin ko sanang “Yolanda massacre” pero, hindi tao ang direktang may pananagutan sa maraming namatay, bagamat may pananagutan din ang tao, ang gobyerno.

Pero ganoon pa rin, maraming namatay. Maaaring hindi sa Mendiola o Kamaynilaan, pero hindi rin sa kanayunan. Lantad sa buong bayan ang binagsakan ng mga bangkay – Tacloban City, ang buong Eastern Visayas at mga karatig-rehiyon. Hindi malapit sa paningin ng pangulo, pero hindi rin masyadong malayo.

At ano ang mga aksyon at pahayag ni Noynoy? Umiwas pumunta ng Tacloban City, ang pinakanapinsala ng superbagyo. Pagsasabing mahirap ang kanyang tungkulin. Pagsisi sa lokal na pamahalaan sa mabagal na rehabilitasyon.

Hindi pa rin malinaw ang sagot niya sa mga akusasyon ng kriminal na kapabayaan sa harap ng superbagyo. Hindi siya nag-utos ng malawakang paglilikas bago tumama si Yolanda. Walang rescue na naganap. Napakabagal ng relief. At ngayon, isang taon pagkatapos, wala pa ring rehabilitasyon sa Eastern Visayas.

Para siguro sa hinaharap ang tala na ito. Kung may tandang pananong kung sinserong nalungkot si Cory sa Mendiola massacre, malinaw ang tandang pasukdol sa kawalan ng lungkot ni Noynoy sa pagkamatay ng sampu-sampung libo dahil sa pananalasa ni Yolanda isang taon na ang nakakaraan. Kahit pakitang-tao, wala.

May nakapagkwento sa akin na sa protesta noong Nobyembre 8 sa Tacloban, may nagtalumpati tungkol sa paglaban, at armadong paglaban pa nga, sa harap ng mga biktima. Naalala ko tuloy ang isang sinabi ni Ho Chi Minh, lider ng rebolusyong Vietnamese, ayon sa pagkaalala ng isang kaibigan.

Sabi raw ni Ho sa sambayanang Vietnamese, “Dahil sa atake ng imperyalismong US, lahat tayo ay namatayan ng anak, asawa, kapatid, magulang o kaanak. Kaya kahit damo ang kainin natin, lalaban tayo.” Palitan lang ang salarin ng “superbagyo at kapabayaan ng gobyerno,” aplikable ang siping ito.

13 Nobyembre 2014